27.6 C
Manila
Biyernes, Hulyo 3, 2026

Alamin kung ano talaga ang people power 

- Advertisement -
- Advertisement -

PARANG awa na ninyo sa inyong mga sarili, tigilan na iyang pa-people-people power ninyo.

Hindi ninyo napupuna, pero sa ginagawa ninyong iyan, ang talagang sinasaktan ninyo ay ang inyong mga sarili – ang bayan.

Sa kasaysayan ng Pilipinas, ang tunay na people power ay yung mga pagbabalikwas nina Crisanto Evangelista at Pedro Abad Santos  laban sa pananakop ng imperyalismong Amerikano. Noon pa, daan-daang libo na ang nagmamartsa sa Kamaynilaan, humihingi ng kalayaan para sa Pilipinas. At kita ninyo ang naging bunga, ang paglatag ng pamahalaang Komonwelt, paghahanda sa pagsasarili na ipinagkaloob ng Amerika noong Hulyo 4, 1946.

(Sa panahon ni Presidente Diosdado Macapagal, ang araw ng kalayaan ay napalitan ng Hunyo 12, ayon sa tunay na pagpapahayag nito ni Presidente Emilio Aguinaldo laban sa tatlong siglong kolonisasyon ng Espanya. Subalit noon pa lamang sa totoo nagsisimula ang pananakop ng Amerika sa Pilipinas at lumago pa nang husto sa loob ng sumunod na kalahating siglo.)

Sa mga ninuno ng dalisay na people power, papaano  humahambing ang mga pagbabalikwas ng kasalukuyang panahon?

Dalawa ang matingkad.

Una ang people power ng EDSA noong 1986. Pangalawa, ang pagpapatalsik kay Presidente Joseph Ejercito Estrada noong 2001.

Balasakang people power kung turingan ang dalawa, subalit sa malalim na pagsusuri, ni isa sa kanila ay wala para sa ikabubuti ng sambayanan.

Ang EDSA 1986 ay para sa kontra-konstitusyunal na pagluklok Kay Corazon C. Aquino bilang Pangulo; ang pangalawa, kay Gloria Macapagal Arroyo kapalit ni Erap makaraan ang dalawang taon pa lamang na pagkakaupo.

Sa anu’t-anuman, patunay lamang na ang people power ng kasalukuyang panahon ay napakalayo sa pagiging para sa ikakauunlad ng sambayanan.

Dalirutin natin ang EDSA 1986.

Panahon iyun ng panunungkulan ni Presidente Ferdinand E. Marcos Sr., ama ng kasalukuyang Pangulo.

Pasintabi sa “malalalim na ekspertong”  ekonomikong pagsusuri, personal kong nasaksihan sa panahong iyun ang mga industriya sa steel, automotive, textile, mining, mga sektor na tatak ng isang totoong maunlad na ekonomiya.

Pinakamataas nang inabot ng dolyar sa pakikipagpalitan sa piso ay P8 sa $1, kumpara sa ngayon na halos P70 na sa $1.

Sa Southeast Asia, Pilipinas ang kauna-unahang nagtayo ng metro rail system at ng nuclear power plant, na dahil inabot na ng pagkapatalsik kay Marcos, hanggang sa ngayon ay hindi pa napaaandar.

Mga kaunlarang dapat nang nakapagpaimbulog sa Pilipinas bilang namumunong bansa sa rehiyon.

Pero hindi.

Anyare?

Sa ngalan ng people power, ibinagsak si Marcos. At kasabay niyang tumilapon ang mga asensong tinamo na ng bansa.

Sa pagsisimula ng administrasyon ng Marcos na anak, ang Pilipinas ay nasa silong na ng mga bansang Asean.

Ang pinakamalaking hamon kay Pangulo Ferdinand R. Marcos Jr. ngayon ay kung papaanong iahon ang Pilipinas mula sa silong pabalik sa ituktok ng mga bansang Asean na narating na ng bansa sa panahon ng kanyang ama.

Napakahiganteng hamon.

Minana ni Bongbong sa nagdaang administrasyon ni Presidente Rodrigo Roa Duterte ang P6 trilyung pagkakautang na panlabas, na sa pinakahuling kwenta ay umabot na ngayon sa P11 trilyun.

Kauna-unawa ito. Dahil saan ba kukunin ang pambayad utang at sa araw-araw na pagpatong-patong ng mga interes nito kundi sa panibagong pangungutang?

Ito ang dapat na iniintindi ng sambayanan. Papaano makakatulong sa pamahalaan sa pagpasan ng mga higanteng suliranin nito.

Hindi, e.

Inimpeach si Bise Presidente Sara Duterte, people power.

Kakasuhan pa lang ng plunder si Senador Rodante Marcoleta, people power.

Kung anu-ano pang itseburitseng kadahilanan huwag lang na di magkaroon ng ekskyus na magmobilisa ng marami upang isigaw ang islogang “Marcos resign!”

Mangyari pa, ang bagay na ito ang lumilinaw kung ano ba talaga ang people power ayon sa modernong kalagayan?

Simula sa EDSA 1986, ang people power ay hindi tungkol sa anumang ipinagpapalagay na kapangyarihan ng mga mamamayan kundi tungkol sa kapangyarihan ng kokonti na naghahangad na humalili sa kapangyarihang pulitikal.

Noong 1986, ang people power, sa garapal na pagbastardo sa kasagraduhan ng demokratikong prosesong electoral, ang nagnakaw ng lehitimong pananalo ni Presidente Marcos Sr. sa eleksyon at tanging sa pamamagitan ng pagpapasumpa ng Huwes ng Korte Suorema ay iniluklok si Cory bilang Presidente.

Ganun din ang nangyari noong 2001. Nakasandal sa isang malawakang pagpapakilos sa sambayanan, pinapanumpa ni Chief Justice Hilario Davide si Bise Presidente Gloria Macapagal Arroyo bilang Pangulo, kapalit ni Presidente Joseph Ejercito Estrada.

Sa kapwa pangyayari, lingid sa kaalaman ng bayan, ang people power ay maniobra ng Amerika.

Noong 1986, dahil noon nakatakda ang panibagong negosasyon kay Marcos para sa pagtataas ng renta sa mga base militar ng Amerika, at gaya nga ng sigaw ni Cory nang panahong iyun, “Tama na. Sobra na. Palitan na.”

At noong 2001, katanggi-tanggi ni Presidente Estrada sa pakiusap ni US President Bill Clinton na huwag atakehin ang Camp Abubakar ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Hindi maawat si Presidente Estrada, di nga kasi naman 14 na Philippine Marines ang pinugutan ng ulo ng MILF; tatapusin na niya ang mga rebeldeng Muslim.

At sa pamumuno ni General Alexander F. Balutan, sa pagtatapos ng 1999, durog ang Camp Abubakar.

Pagpasok ng 2001, sa pangunguna ni Defense Chief Angelo Reyes, naganap ang military support withdrawal ng Armed Forces of the Philippines kay Erap, na napilitang bumaba ng Malakanyang.

Sa Pilipinas mula noong 1986, ang people power ay tanging kagagawan ng Estados Unidos upang isulong ang mga balakin nito sa rehiyon ng South China Sea.

Sa nagaganap na people power ngayon na humihiyaw ng “Marcos resign!”, huwag padadala sa mga kapaimbabawan.

Na ito ay para sa accountability at laban sa korapsyon ng mga public officials.

Walang mas malayo sa katotohanan.

Ang layunin ng people power na ito ay pahalinhan si Bongbong ng isang totoong sunud-sunuran sa Amerika sa pagsulong ng  estratehikong naisin na gapiin ang China sa Asya Pasipiko.

Patototohanan ito ng mga sudunod pang kaganapan.

 

 

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -