(Huli sa 2 bahagi)
NAKATUTUWA na kahit ang ating mga kuwentong pambata ay bukal na maaaring pagkuhanan ng mga konseptong magagamit sa iba’t ibang larangan. Kagaya nga ng kuwento ni ‘Goldilocks and the Three Bears’ na nagtatampok ng pagiging sakto lamang ng mga bagay-bagay. Not too cold, not too hot, but just right. Ito ang konseptong inihahatid sa atin ng kuwentong hango sa karanasan ni Goldilocks nang pangahasan niyang pasukin ang bahay ng tatlong oso sa kagubatan; at pakialaman ang kama, silya, at lugaw sa loob ng naturang bahay.
Ang sinasabing ‘Goldilocks effect’ sa larang ng child development ay tumutukoy sa nagiging response ng bata sa mga stimuli na inihaharap sa kanya (kagaya ng kuwento, mga palabas sa TV/social media, o mga leksiyon). Hindi raw dapat sobrang simple o sobrang kumplikado – kundi nasa tinatawag na ‘sweet spot.’ Doon sa sakto lang. Mas madaling matuto ang bata kapag ang ang gustong ituro sa kanya ay ‘just right’ para sa kanyang development. Pinatotohanan ito ng mga ginawang pananaliksik ng mga eksperto.
Balikan natin ang naging resulta ng pag-aaral na ginawa sa mga batang apat na taong gulang na sumailalim sa MRI habang hinaharapan ng mga kuwento. Kapag tunog lang (at walang kasamang larawan) ang naririnig ng bata sa pagkukuwento (“auditory”), mababa ang brain connectivity nito kaya ang sabi’y “too cold.” Nahihirapang maunawaan ng bata ang kuwento kung walang larawang nakikita.
Nang hinarapan naman ng animated cartoon ang mga bata, bumagsak ang kanilang brain connectivity dahil kinatawan na halos ng naturang palabas ang pag-iimadyin para sa bata. Wala nang kailangang imadyinin ang bata. Ginawa na itong lahat ng animation para sa kanya. Nagsabay-sabay ang dating ng matitinding ‘visual at auditory’ stimulation. “Too hot” ang naging obserbasyon ng mga eksperto.
Nang haluan ng illustrated storybooks ang voiceover (o ang boses ng isang magulang na nagbabasa para sa anak), na-stimulate nito ang pinakamataas na brain connectivity ng bata. Nagkakaroon ng tamang balanse ng visual imagination at pag-unawa sa teksto. Ito ang sinabing sakto lang o ‘just right’ ng mga eksperto. Kung ia-apply natin ang konseptong ito, inaasahan nating ang mga aklat na babasahin ng bata, ang kanyang vocabulary (talasalitaan), at iba pang konseptong ihahatid natin sa bata, ay sakto lang, at hindi magdudulot ng pagkainip o overstimulation.
Hindi naman natin sinasabing iwasan ang panonood ng animated cartoons. Ako man, noong bata pa ako, ay nahilig ding manood ng ganitong palabas. Pero kapag naging labis ang panonood ng animation o ng online video games, malaki ang panganib na may kulang sa integration nito sa mga bagay-bagay sa buhay. Di nga ba’t ‘too hot’ ang sabi rito ng mga eksperto. Naaapektuhan nang labis ang development ng bata.
Sa panahon ngayon, kahit baby o toddler pa lang, agad nang inaabutan ng tablet o cellphone ng mga magulang upang payapain ang pagkainip o pag-aalboroto ng mga ito. Pansinin na kapag nakaharap na sila sa mga gadgets na nagpapakita ng mga palabas na makukulay at malalakas ang tunog, nandoon na ang kanilang buong atensiyon. Natatahimik ito. Naaaliw sa samot saring images sa screen na nakikita’t naririnig!
Katagalan, at kapag naging paulit-ulit, mahihirapan na silang makabuo ng ‘mental pictures’ sa kanilang binasang kuwento o mag-reflect kaya sa binasang teksto dahil hindi na nasanay ang utak dito. Ito ang sinasabing mga ‘reluctant readers’ ngayon. Kung nahirati ang utak sa pagtunghay sa mga ganitong images habang nade-develop pa lang ang kanilang brain, ganito ang ating aasahan. Nahihirapang katasin ng bata ang nilalaman ng aklat o ng kuwento. Tuloy, inaayawan na niya ang pagbabasa. Mas pinipili na nilang manood sa youtube (o mag-engage sa mga online video games).
Sa halip na animated cartoons, sinasabi ng mga eksperto na mabisa ang storytelling o pagbabasa ng aklat pambata habang hawak ng storyteller (o ng mga magulang) ang libro. Nagagabayan ng mga ilustrasyon sa aklat ang pang-unawa ng bata sa binasang kuwento. May kakayahan ang mga bata na unawain o hulaan ang nangyayari sa tauhang nakadrowing sa aklat. “Inferencing” ang tawag dito. Bago matutong magbasang mag-isa ang bata, tumitingin siya sa mga drowing at sa dating bagay na alam na niya (prior-real world knowledge) para mag-isip at hulaan kung ano ang iniisip at nararamdaman ng isang tauhan sa libro.
Sa naturang pag-aaral sa Amerika tungkol sa Goldilocks effect, limitado ang galaw ng mga bata dahil nasa ilalim sila ng MRI machine habang ginagawa ang pagtunghay ng bata sa drowing na may voice over. Maganda na ang lumabas na resulta nito. Pero iba rin daw ang resulta kung mismong ang tatay o nanay ang gumawa ng ‘storytelling habang nakaharap ang bata sa mga drowing sa aklat dahil may nagaganap na emotional bonding at physical closeness. Nawala rin ang tinatawag na ‘dialogic reading’ kung saan itinuturo ng tagapag-alaga/yaya/magulang ang ilang salita at drowing sa aklat. Halimbawa’y ‘nasaan ang aso,’ ‘ipakita mo ang saging,’ o ‘ituro mo ang bulaklak.’
Paano na ang mga ebooks (electronic books) o digital books na popular na rin ngayon sa mga kabataan? Maraming kabataan ngayon ang mas nahihilig magbasa sa kanilang tablets o computer. Kung hindi kakayanin ng mga magulang na sila mismo ang magkuwento sa mga bata (hawak ang aklat), at pinayagan nilang gumamit ng electronic devices ang kanilang anak, piliin para sa kanila ang pinakasimpleng bersiyon ng isang ‘narrated, illustrated ebook’ kaysa sa animation o audio book. Sa ating bansa, mas marami pa rin ang bumibili ng printed books kaysa sa digital books. Mas marami ring Tatay at Nanay (o Ate at kuya) o guro na nais magkuwento sa harap ng mga batang ito.
Kapag binabasahan natin ang ating mga anak, unti-unti rin nating binubuksan ang daigdig para sa kanila. At kay sarap mabuhay kapag ang lahat ay sakto lang: not too cold, not too hot, but just right. Salamat, Goldilocks!

