27.6 C
Manila
Lunes, Hulyo 6, 2026

Sen Erwin Tulfo, nangakong ipagpapatuloy ang mga krusyal na batas sa gitna ng impeachment trial ni VP Sara Duterte

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG pagiging Senator-Judge sa gaganaping impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ay hindi dapat maging hadlang sa pagpasa ng mga mahahalagang batas na magpapababa sa presyo ng mga bilihin, magpapabilis sa tulong ng gobyerno, at magpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.

Ito ang mariing pahayag ni Senador Erwin Tulfo habang naghahanda ang Senado para sa paglilitis ng  Ikalawang pinakamataas na pinuno ng bansa.

“Kinikilala natin ang ating mandato sa ilalim ng Saligang Batas na maging patas na hurado sa impeachment trial na ito. Ngunit ang katotohanan, hindi pwedeng i-hold ang pang-araw-araw na paghihirap ng milyon-milyong Pilipino dahil sa nagtataasang presyo ng pagkain, kakulangan sa serbisyong pangkalusugan, at mga isyu sa seguridad,” ani Tulfo.

“Dapat kayang ma-multitask ng Senado; utang natin sa publiko ang pananagot sa batas kasabay ng walang-patid na pagsisilbi,” dagdag niya.

Bagamat inaasahang kukuha ng malaking oras sa schedule ng Senado ang paglilitis, tiniyak ni Tulfo na patuloy niyang isusulong ang kanyang mga priority bills. Kabilang dito ang Assistance to Individuals in  Crisis Situations (AICS) Act, Amendments to the Oil Deregulation Law, ang paglikha ng Philippine Petroleum Reserve, at ang malawakang pagrepaso sa Juvenile Justice and Welfare Act.


“Maraming pagkukulang sa batas na kailangan nating punan. Hindi natin pwedeng pabayaan ang ating  pangunahing tungkulin na magpasa ng mga batas habang ginagampanan ang ating obligasyon bilang mga senator-judge,” giit ni Tulfo.

Binigyang-diin din ng senador na dapat magpatuloy ang mga krusyal na imbestigasyon ng Senado. Bilang miyembro ng Blue Ribbon Committee, binanggit niya ang mga nakabinbing pagdinig gaya ng flood control probe at ang isyu ng malawakang pagputol ng puno at earth-balling sa Palawan na dapat umanong ituloy.

“Sa talamak na krimen na kinasasangkutan ng mga menor de edad, kailangan din ng agarang rebyu sa ating juvenile justice at anti-bullying laws. Sa madaling salita, hindi hihinto ang trabaho para sa bansa dahil lang sa isang paglilitis,” dagdag pa ng bagitong Senador.

Nanawagan din si Tulfo sa kanyang mga kasamahan sa Senado na magkaisa upang tugunan ang mga problemang pang-ekonomiya at panlipunan ng mga ordinaryong mamamayan.

- Advertisement -

“Karapatan ng mamamayang Pilipino na malaman ang katotohanan at magkaroon ng pananagutan sa  gobyerno, ngunit karapatan din nilang gumaan ang kanilang buhay. Pareho nating ibibigay iyan sa kanila,” pagtatapos ni Tulfo.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -