NOONG Hulyo 1, 2026 inihayag ng World Bank na natamo ng Pilipinas ang estado ng pagiging mataas na ekonomiyang nasa gitnang-kita (upper middle income) nang ang per capita Gross National Income (GNI) ng bansa ay umabot na sa $4,850 na lumagpas na sa batayang $4,636 kita bawat tao. Tinapos ng Pilipinas ang halos apat na dekadang nasa mababang antas ng gitnang-kita na naitala noong 1987.
Ang balitang ito ay masayang tinanggap ng ating pamahalaan na nagpapakita na unti-unti nang natutugunan ng pamahalaan ang problema ng karalitaan at di pantay na distribusyon ng kita sa bansa. Maraming oportunidad na maaaring malasap ng Pilipinas sa pagigiging mataas na ekonomiyang nasa gitnang-kita. Kasama rito ang pagpasok ng dayuhang kapital, magaan na pangungutang ng dayuhang salapi sa bilihang global at ang oportunidad na maging isang maunlad na bansa tulad ng South Korea at Japan.
Ngunit ang layunin ng Pilipinas na maging isang maunlad ng bansa ay humaharap sa tinatawag na middle income trap o bitag ng gitnang-kita. Ang bitag ng gitnang-kita ay isang sitwasyon kung saan ang isang ekonomiyang naabot na ang mataas na gitnang-kita ay nakararanas ng kapatagan sa paglaking ekonomiko at hirap makaakyat sa estado ng maunlad na bansa. Kaya’t nabitag o nakulong na ito sa pagiging ekonomiyang nasa gitnang-kita.
Matapos matugunan ang problema ng karalitaan ang mga bansang nakararanas ng bitag ng gitnang-kita ay nahaharap sa pagtaas na pasahod ngunit mabagal na pagtaas ng produktibidad na nauuwi sa kahinaan ng pagiging kompetitibo ng mga industriya nito. Sa pagtaas ng pasweldo nawawalan ng kompetitibong kalamangan ang mga bansa sa produksiyon ng mga produktong matindi sa paggamit ng pagawa at hindi rin sila kompetitibo sa mga produktong matindi sa paggamit ng capital tulad ng mga produktong high tech at mga serbisyo dahil sa kahinaan ng inobasyon sa bansa.
Makikita ang bitag sa halimbawa ng Malaysia na natamo ang estado ng mataas na gitnang-kita noong pang 1996 at matapos ang tatlong dekada ay isa pa rin itong ekonomiyang nasa mataas na gitnang-kita. Samantala, ang South Korea ay naging ekonomiyang nasa mataas na gitnang-kita noong 1974 at naging maunlad na bansa noong 1995 matapos lamang ang 21 taon. Bakit dalawang dekada lamang nabitag ang South Korea ngunit ang Malaysia ay nanatiling nasa bitag na ito matapos ang tatlong dekada?
Magandang suriin kung ano ang ginawa ng South Korea upang makahahon kaagad sa bitag ng gitnang-kita at kung ano naman ang mga hamong hinaharap ng Malaysia kaya’t nadikit ito sa pagiging ekonomiyang gitnang-kita. Ang mga karanasan ng dalawang bansa ay magiging aral sa Pilipinas kung papaano natin mapabibilis ang paghaon ng ekonomiya sa bitag ng gitnang kita at tuluyang maging isang maunlad na ekonomiya.
Ang susi sa patuloy na pagsulong ay nakasalalay sa inobasyon sa produksiyon. Inobasyon ang mahalagang susi sa pagtakas sa bitag ng gitnang- kita na naranasan ng South Korea at hirap na hirap na maipatupad ng Malaysia. Ang inobasyong ito ay nangyayari sa pangangapital sa yamang pisikal kasama ang infrastruktura, pangangapital sa yamang-tao lalo na sa mataas ng edukasyon at pananaliksik.
Matapos matamo ng South Korea ang mataas na gitnang-kita noong 1974 masigasig na ipinatupad nito ang pangangapital sa yamang pisikal at yamang tao, paggamit ng dayuhang teknolohiya at pagbaling tungo sa inobasyon. Ipinatupad ng pamahalaan ang pagtutugma sa pangangailangan ng industriya sa kasanayang nakukuha sa mga paaraalan upang makalikha ng mga produktibong manggagawa. Pinayagan ng pamahalaan ang mga local na kompanya na bumili ng lisensya ng mga teknolohiyang gawa sa Japan at mga bansang kanluranin. Matapos manghiram ng teknolohiya sila mismo ang gumawa ng local na teknolohiya dahil mayroon silang malawak na suplay ng mahuhusay na engineer, siyentista, mananaliksik na nagsagawa ng research and development sa loob ng bansa na naging daan tungo sa paglikha ng inobasyon.
Samantala, ang Malaysia ay humaharap sa maraming hamon kasama ang mabagal na pagtaas ng produktibidad bunga paggamit ng mga manggagawang mababa ang antas ng kasanayan tulad ng mga dayuhang manggagawa upang makatipid sa sweldo at ang makitid na pangangapital sa makabagong teknolohiya.
Nalalagasan din ang Malaysia ng mga manggagawang teknikal at profesyonal na dumarayo sa Singapore upang humanap ng mga oportunidad na magbibigay ng mataas na sweldo. Idagdag pa rito ang naging maaga ang proseso ng deindustrialization na nauuwi sa paglago ng sektor ng mga serbisyo na na nakatuon sa mga industriyang may mabababang idinagdag na halaga kasama na ang sektor impormal sa halip na mga serbisyong pananalapi, edukasyon, kalusugan at iba pa na may matataas na idinagdag na halaga.
Batay sa karanasan ng South Korea at Malaysia, halos pareho ang tinatahak ng ekonomiya ng Pilipinas sa nangyayari sa Malaysia. Mahihirapan ang Pilipinas na magsagawa ng mga inobasyon tulad ng nangyari sa South Korea dahil makitid ang panghihiram natin ng makabagong dayuhang teknolohoya. Hirap din ang bansa na isalokal ang makabagong teknolohiya dahil sa kakulangan ng siyentista, manggagawang profesyonal at teknikal bunga ng mga limitasyon sa pananaliksik sa mga unibersidad.
Aasahan ba nating mabibitag din ang Pilipinas sa gitnang-kita tulad ng Malaysia?

