MULING nadagdagan ang listahan ng malalaking personalidad na hayagang sumusuporta sa kandidatura ni Presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., at sa pagkakataong ito ay anak naman ni dating Manila Mayor Mel Lopez, Jr., ang nangakong pangungunahan ang lungsod upang magtagumpay ang kandidatura ni BBM.
Nitong nakalipas na Miyerkules ay personal na nanumpa bilang miyembro ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) si Atty. Alex Lopez.
Si Atty. Lopez ang opisyal na kandidato ng PFP sa pagka-alkalde sa lungsod ng Maynila. Ka-tandem niya ang aktor na si Raymond Bagatsing na mula sa naman sa Kilusang Bagong Lipunan (KBL).
Pormal niyang ihahain ang kanyang Certificate of Candidacy ngayong Biyernes bilang kapalit ni mayoralty candidate Calvin Punzalan.
Ayon pa kay Atty. Lopez, magtatagumpay ang kandidatura nila ni Marcos dahil itotodo niya ang pagtulong upang makuha ang mayorya ng mahigit isang milyong botante sa lungsod.
“Dahil nakikita ko ang Pilipinas ay panahon na para ibalik natin ang sigla at vision ng pag-asenso. Ang pag-ahon ng Pilipinas ay na kay Bongbong,” ani Lopez na isa ring educator at matagumpay na negosyante ngayon.
Unang tumulong si Lopez kay Marcos noong kumandidato ang huli bilang bise presidente noong nagdaang 2016 national elections.
Matatandaan na ang ama ni Atty. Lopez na si dating Manila Mayor Mel Lopez ay isa sa pangunahing kritiko ng administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ngunit tinapos nito ang namagitang di pagkakaunawaan sa kanilang mga magulang dahil ang panibagong henerasyon ng mga Marcos at Lopez ay binigkis ng layunin na ibangon sa pagkakalugmok ang bansa.
Angkop din ang pagsasanib puwersa nina Marcos at Lopez hinggil naman sa panawagan ni BBM na ‘unifying’ (pagkakaisa) at ‘humility’ (kababaang loob) para na rin sa ikauunlad ng Pilipinas.
Ang asawa ni Lopez na si Sara Laurel, treasurer ng Lyceum of the Philippines, ay anak naman ni dating Vice-President Salvador ‘Doy’ Laurel na kabilang sa oposisyon noong dekada 70 at 80.
“This is to bury the ghost of the past for progress and reconciliation,” ani Lopez.
“Nakikita ko ang pagbabago kay BBM. He has the vision. He has the training. He has the dedication and BBM has a very good heart and he has seen what could be done in the Philippines,” ani Lopez na naging political strategist ng yumaong dating Manila Mayor.
Naniniwala rin siya na ang anumang kamalian sa nakaraan ay maitatama ngayon dahil na rin sa mabuting puso at pagmamahal sa bayan ni BBM.
“He’s seeing the mistakes of the past and with all of these, I think it can bring a bright future to the country,” sabi pa ni Lopez.