SA gitna ng pagdiriwang ng Kapaskuhan ay isa-isang inalala ng pamilya Marcos ang ilan sa paborito nilang tagpo sa matagumpay na mga unity ride na ginawa ng tambalang BBM-Sara sa iba’t-ibang lugar sa bansa na pawang dinumog ng milyun-milyong mga tagasuporta.
Para kay BBM, isa sa paborito niyang pangyayari ay nang makita sa social media ang isang supporter na walang motorsiklo.
“Nakabisikleta lang siya, nakahabol siya hanggang 50 kilometers ang tinakbo niya. Nung nalaman namin, sinabi ko puwede ko ba siya makilala. Tawag ko nga sa kanya si Superman, eh….Nagpasalamat ako sa kanya na siya’y nagtiyaga.”
Ang nakatutuwa, nag-ambag-ambag ang ilan sa sumama sa naturang caravan upang ibili ito ng second hand na motorsiklo at iniregalo ito sa kanya.
“Iyan ang pagbabayanihan ng Pilipino. Iyan ang aming pinag-uusapan na pagkakaisa na nagtutulung-tulungan. Iyan ang ugali ng mga supporters na ipinaglalaban at ipinapakita ang ating pagkakaisa at ang ating pagmamahal sa kapwa,” sabi pa ni Marcos.
Para sa maybahay ni BBM na si Louise ‘Liza’ Araneta-Marcos, isa sa nakapukaw ng kanyang damdamin ang pamimigay ng tubig ng isang ginang habang nasa kasagsagan ng motorcade.
“Nakaka-touch talaga ‘yung ale na nagbigay ng tubig sa mga nagmo-motorcade. Even if she didn’t join the actual motorcade she showed her support in her own way,” ani LAM, palayaw ni Mrs. Marcos.
Para kay Joseph Simon Marcos, pangalawang anak ni BBM, memorable sa kanya ang pagkakahulog sa pick-up truck ng isang tagasuporta. “Tapos he got back up at sinabi niya sama-sama tayong babangon muli”.
Ang bunsong anak na si William Vincent Marcos ay nagsabing isang BBM supporter din ang humaplos sa kanyang puso nang sumama ito sa motorcade gamit ang isang kaldero bilang helmet.
“My favorite touching moment was may isang supporter na walang helmet. Kaldero lang siya so Team BBM wanted to get him a helmet kasi kawawa naman ‘di ba? Pero when they reached out, we found out nag-ambag-ambag mga supporters para may helmet siya. Ibang klase talaga ang mga BBM supporters. Matutulungin talaga!” sabi pa niya.
Ang YouTube sensation na si Sandro Marcos, panganay na anak ni BBM ay nagbahagi rin ng paborito niyang pangyayari sa Unity ride.
“Sa ating hometown na nasa Ilocos Norte sa napakaraming tao na nagpakita ang kanilang suporta sa UniTeam na BBM-Sara kaya ako po ay nagpapasalamat sa lahat ng tao na nagpakita kahit madaling-araw, nandun silang lahat buhay na buhay ang Solid North sa buong Ilokandya,” sabi pa nito.