PATULOY ang pagsirit paitaas ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., sa mga naglalabasang survey, at sa pagkakataong ito ay pumailanlang uli ang dating senador at muling nagtala ng ‘double-digit lead’ sa pinakabagong OCTA Research pre-election poll na isinagawa noong nagdaang December 7-12.
Katulad ng nagdaang resulta ng OCTA Research survey noong nakalipas na dalawang buwan, halos ganito rin ang kinalabasan nang makakuha si Marcos ng 54 percent na boto, habang malayong nakasunod sa kanya si Leni Robredo na may 14 percent.
Si Isko Moreno ay may 12 percent; pang-apat si Manny Pacquiao na may 10 percent, at Ping Lacson na may five percent.
Namayagpag si Marcos sa buong National Capital Region mula sa 37 percent na nakuha nito, malayong hindi hamak sa seven percent votes ni Robredo.
Sa Luzon ay may 57 percent votes si Marcos; 50 percent sa Visayas at umalagwa pa lalo sa Mindanao na may 63 percent, samantalang si Robredo ay nagtamo lamang ng eight percent.
Sa socio-economic class ABC, impresibong 63 percent ang nahakot ni Marcos, habang sa class D ay 55 percent at sa class E bracket ay nakapagtala ito ng 46 percent.
Nasa limang porisyento naman ang ‘undecided’ mula sa 1,200 respondents.
Tinanong ang mga respondents na kung gaganapin ngayon ang eleksiyon, sino sa kandidato sa pagka- presidente ng Pilipinas ang kanilang iboboto.
Dahil sa resultang ito, lalong tumibay ang pagiging dominante ni Marcos sa inaabangang May 2022 national elections kung saan ay angat ito sa lahat ng ‘socio-economic class’ at lahat ng rehiyon sa bansa.
Samantala, sa vice-presidential race, ‘runaway winner’ din ang running mate ni Marcos na si Davao Mayor Sara Duterte na may 50 percent marka kumpara sa 33 percent na nakuha ng katunggaling si Tito Sotto.
Muling pinatunayan ni Duterte na balwarte niya ang Mindanao nang makapagtala siya ng 71 percent ‘preference,’ samantalang si Sotto naman ay may 17 percent lang.
Sa buong sosyo-ekonomiko na uri ng ABC, si Sara ay may 41 percent; sa class D ay 41 percent at sa class E naman ay mayroon itong nakuha na 58 percent.
Ang ‘latest OCTA Research survey results’ ay lalo lamang nagkumpirma sa lakas ng kandidatura ni Marcos, tulad ng mga lumabas na resulta rin sa survey na isinagawa naman ng SWS, Publicus, Kalye Survey, DZRH, RMN, and Pulse Asia at marami pang iba – limang buwan bago ang inaabangang Eleksiyon 2022.
Kaugnay nito, sinabi ni Marcos na nagpapasalamat siya sa napakagandang resulta na lumalabas sa mga survey noon at ngayon.
Binigyang-diin ni Marcos na hindi siya magpapakampante at sa halip ay patuloy na isusulong ng BBM-Sara UniTeam ang panawagang pagkakaisa para makamit tunay na panawagang ‘sama-sama tayong babangong muli’ sa gitna ng dinaranas na krisis-pandemya na pinabigat pa ng bagyong Odette.