“May mga nagtatanong kung umanib na po ako sa tambalang BBM-Sara dahil dumalo ako sa Uniteam proclamation rally noong Martes.
Ako po ay tapat kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD), at sa kanyang partido na PDP Laban. Una, siya ang nagbigay daan sa tunay na pagbabago sa bansa kaya binibigyan ko ng halaga ang kanyang pananaw. Pangalawa, kung hindi ako pinagkatiwalaan ni PRRD bilang Chief Legal Counsel at Spokesperson niya, wala po akong pagkakataon na maglingkod sa bayan. Siya din ang nagpatakbo sa akin sa Senado. Hindi ako tataliwas sa kanya, at hindi ko siya iiwan.
Sa ngayon, wala pa pong napupusuan si PRRD na kandidato sa panguluhan. Hihintayin ko po ang abiso ni PRRD at ng partido bago magpahayag ng suporta sa sinomang kandidato.
Kung hindi man pumili ng kandidato si PRRD, naniniwala ako na una, mas bibilis ang pagsulong ng bansa kung lahat ay nagkakaisa. Pangalawa, dapat igalang at huwag maging hadlang sa boses ng sambayanan.
Nakita na natin ang pinsalang dala ng mga opisyal ng gobyerno na imbis na makipagtulungan sa pinunong binigyan ng mandato ng sambayanan, ay puro kontra at pabida lang. Kaya kung palarin sa Senado, makakaasa kayo na tutulungan ko ang sinomang mahalal na pangulo para maipatupad ang mga programang pinangako niya sa taongbayan.
Gusto ko na din po linawin na hindi po ako anti-Marcos. Alam ‘yan ng pamilya Marcos at ng mga nakakatandang Marcos loyalists. Malalim po ang aming pinagsamahan. Lumaban ako kasama nila sa pang-aapi ng administrasyong Cory Aquino noong panahon. Pero hindi maipagkakaila na ako ay proud DDS, Diehard Duterte Supporter.
Sa bise presidente naman, malinaw ang suporta ni PRRD at ng PDP kay Mayor Inday Sara Duterte. At alam ng marami na noon pa man, hanga na ko sa kakayahan ni Mayor Sara na pamunuan ang bansa. Dahil dito, buong puso kong sinusuportahan si Mayor Sara katulad ng pagsuporta ko sa kaniyang ama, kahit magkaiba kami ng partido. Kaya ako ay nagagalak na nagpahayag din ng suporta si Mayor Sara sa aking kandidatura sa Senado kahit hindi ako kabilang sa Uniteam.
Dumalo po ako sa Uniteam proclamation rally dahil naimbitahan po ako ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo (PGMA), na Chairperson Emeritus ng Lakas-CMD, na kasapi sa Uniteam. Maliban sa isang karangalan na maimbitahan ni PGMA, dumalo ako para ipakita na hindi man nila ako kapartido, kasama nila ako sa magaganda nilang layunin para sa bansa.
Sana po ay naliwanagan ko po kayo. Maraming salamat po!”
Statement by: Salvador “Sal Panalo” Panelo