29.9 C
Manila
Huwebes, Oktubre 10, 2024

Bakbakan sa Ilocos Sur 2022

- Advertisement -
- Advertisement -

Knockout win kay Al Toyogon!

Saksi ang boxing apisyonados ng Ilocos Sur sa pangunguna ni Gov. Ryan Louis Singson kasama ang mga opisyales ng lokal na pamahalaan ng rehiyon, hindi na pinatagal pa ni superfeather weight fighter Al Toyogon ang laban matapos mailatag ang knockout win kontra Joe Tejones, Sabado, sa main event ng 2022 Bakbakan sa Ilocos Sur Pro Boxing – Mixed Martial Arts and Muay Thai Tournament sa Quirino Stadium, Bantay Ilocos Sur.

Matapos magpakiramdaman sa unang round at pag-aamuyan ng hilatsa, agad na sumaltik ng perpektong kumbinasyon si Toyogon ng Elorde Boxing Gym Ilocos Sur sapat na para patumbahin si Tejones (13-10-0 7KO) may 2: 21 segundo sa second round ng itinakdang 10 round bout.

Dalawang beses na knockdown si Tejones at hindi na nakarekober sa ikalawa matapos na bigwasan ng pampinaleng punches ni Toyogon para tuluyang ihinto na ni referee Sammy Bernabe, Sr. ang laban saliw ng hindi magkamayaw na hiyawan ng hometown fans.

Sa supporting main bout, umiskor ng TKO victory si Jules Victoriano ng Elorde South Box may 2:51 seconds na lang sa 3rd round kontra Dave ‘The Triggerman’ Barlas ng Polomolok, South Cotabato.

Nauwi naman sa split draw ang boxing prodigy ng Sabang, Cabugao, Ilocos Sur na si Eusebio Corotan Jr., para sa kanyang pro debut sa bantam division laban sa astig ding si Josaphat Navarro (Benguet) ng SiamYout Nak Muay Stable.

Wagi din ang Tamayo brothers ng MP Malabon Gym, naitala ni Bryan ang unanimous decision kay Aroel Romasasa ng Elorde Boxing at Gary (UD) kontra Jeffrey Francisco ng BMA Center Gym Alabang.

Score cards ang naging batayan para sa technical decision win ni flyweight Elmar Zamora ng MP Malabon Gym matapos ma-headbutt ng kalabang si Carl Jeffrey Basil ng Mabikas Boxing Stable Baguio.

Sa main bout ng Pro Muay Thai, hindi binigo ni Adrian Gemar ng Elorde Ilocos Sur ang kanyang fans matapos itala ang unanimous decision victory versus Mark Joseph Abrillo ng Yawyan Kampilan.

Via – submission win ang piningas sa pro debut ni Richard Lachica ng Elorde Southbox sa Pro MMA match vs Daryl Mayormita ng Yawyan Kampilan -Las Pinas (63kgs).

Naging nikmati rin ang salpukan sa pro MMA ng babae matapos ma-TKO ni Florivic Montero (pro debut) ng Elorde Southbox ang guwapitang si Mary Glyde Elizabeth Salazar (pro debut) ng MIG Fitness Gym Olongapo City. Habang unanimous decision ang naitala ni Gretel de Paz ng Elorde Southbox sa pro muay thai laban kay Rosemarie Recto ng Kalagway MMA Baguio City.

Sa mga nauna pang sagupaan na inorganisa ng Elorde Boxing Stable Promotions sa pamumuno ni Maria Laureta Elorde at pinakatampok na yugto ng sanglinggong selebrasyon ng Kannawidan 2022, wagi din si Alexander Almacen ng Marty Elorde Boxing vs Benson Awidan ng Mabikas Boxing Stable; nanaig si Ali Canega (Marty Elorde Stable) kay Menard Abila ng Daraga Albay; panalo si Jovil Amistoso ng Elorde Southbox vs Justine Polido (130lbs) ng Makati City; Jonniel Laurente ng VSP Boxing Vietnam kay Jufel Salina ng Hardstore Monis La Union; UD si Aljum Pelisio (MEBS) vs Fernan Agencia ng Knockout Boxing Gym; majority decision ang nairekord ni Reymark Alicaba ng SiamYout Nak Muay versus Melvin Mananquil ng Elorde Boxing at inilatag ni Ranelio Quizo (Elorde Southbox) ang TKO win kay Philip Luis Querdo ng Penalosa Boxing Gym Libis.

Nagpasalamat si Gov. Ryan sa mga taong sumuporta sa naturang torneo kaagapay ang lokal na pamahalaan ng Ilocos Sur, kay Games and Amusement Board (GAB) chairman Baham Mitra Jr., Provincial Sports Coordinator Mr. Marius Cabudol, boxing in-charge officer Vaness Nunez Reyes, Francis Amandy, Jordan Elorde, Edmond Dellosa at Former Mayor Eva Marie Medina. LOUIS PANGILINAN

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -