Buhos ang suporta ng ilang showbiz celebrities sa Ang Probinsyano Partylist para sa nalalapit na eleksyon sa Mayo.
Nangunguna na sa mga nagpahayag ng kanilang suporta si King of talk Tito Boy Abunda.
Gayundin sina Piolo Pascual, JM De Guzman, Ella Cruz, Jason Abalos at Vickie Rushton.
Kahapon, umarangkada na ang grand rally at motorcade ng Ang Probinsyano Partylist, at kasama mismo si Tito Boy sa pag-iikot sa marikina city.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Tito Boy na suportado niya ang Ang Probinsyano Partylist dahil siya mismo ay isang probinsyano.
Sabi pa niya, “naiintindihan ng Ang Probinsyano Partylist ang aking pagkatao, hindi lamang ang aking pangangailangan”.
Katunayan aniya, nang humagupit ang bagyong Odette nito lamang Disyembre, isa sa mga unang tumulong sa mga biktima ng bagyo sa mga apektadong probinsya ang Ang Probinsyano Partylist.
Dagdag pa ni Tito Boy, “ napakarami ring proyekto ng Ang Probinsyano Partylist para sa mga kapwa probinsyano partikular na sa Samar, Cebu, Palawan, Siquijor at maging dito sa Metro Manila ay may mga tinutulungan din sila”.
Para kay Tito Boy, wala nang iba pang higit na makakaunawa sa mga probinsyano kundi ang kapwa probinsyano rin.
Kaya sa darating na eleksyon, hiling ni tito Boy na pahalagahan ng mga Pilipino ang kanilang boto dahil ito ay makapangyarihan at sagrado.
Hiniling din niya ang suporta ng mga Pilipino sa Ang Probinsyano Partylist upang maipagpatuloy pa nito ang pagtulong at pagbuo ng mga batas at programa para sa mga probinsyano.