Pinag-iisipan ni Senador Win Gatchalian ang pagpapalawig sa Senior High School Voucher Program (SHS-VP) upang matulungan ang mga pribadong paaralang patuloy na nagsisikap makabangon mula sa pinsalang dulot ng pandemya ng COVID-19.
“Maaari nating palawigin ang voucher program. Dito, dadalhin ng estudyante yung voucher sa paaralan at pwedeng maging source of revenue o kita ng eskwelahan. Bagama’t ang mga pribadong paaralan ay non-profit, maaari natin silang tratuhin bilang mga korporasyon na nangangailangan ng access sa kapital. Ang problema kasi ay naubos na ang kapital nila dahil sa pandemya,” pahayag ni Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education.
Sa ilalim ng SHS-VP, ang mga kwalipikadong mag-aaral sa senior high school mula sa mga pribadong paaralan o mga non-DepEd schools ay nakatatanggap ng ayuda sa pamamagitan ng mga vouchers. Sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program (NEP), halos apatnapung (39.3) bilyong piso ang nakalaan para sa pagpapatupad ng SHS–VP, kung saan ang bawat voucher kada estudyante ay katumbas ng P17,793.
Ayon sa Department of Education, may mahigit apat na raang (425) mga paaralan ang nagsara buhat noong 2020, samantalang umabot sa walong daan (800) ang nagsuspinde ng kanilang operasyon noong kasagsagan ng pandemya.
Batay sa ulat ng Coordinating Council of Private Educational Institutions (COCOPEA), halos isang milyong (900,000) mga mag-aaral mula sa pribadong paaralan ang lumipat sa mga pampublikong paaralan simula noong tumama ang pandemya noong 2020. Dagdag pa ng grupo, bumaba ang enrollment sa private schools ng humigit-kumulang animnapung (60) porsyento, bagay na nagdulot ng lalong pagsikip ng mga pampublikong paaralan.
Upang mapalawig ang tulong pinansyal sa mga mag-aaral, kabilang ang mga mag-aaral sa elementarya, isinusulong ng DepEd ang pag-amyenda sa Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (Republic Act No. 8545). Tinutulak din ng COCOPEA ang mas mataas na halaga ng voucher para sa mga mag-aaral. Iminumungkahi din ng naturang grupo na maging bahagi ng voucher program ang mga mag-aaral sa elementarya.
Dahil sa pagbaba ng bilang ng mga mag-aaral sa pribadong mga paaralan, binigyang diin ni Gatchalian na kailangan ang mas malinaw na direksyon at epektibong framework ng ugnayan sa pagitan ng gobyerno at ang mga pribadong paaralan. Ito ay upang maipatupad ang tinatawag na ‘principle on complementarity’ na nakasaad sa Saligang Batas.
Kaugnay nito, inihain ni Gatchalian ang Proposed Senate Resolution No. 12 na nagsusulong ng pagrepaso ng Senado sa complementary roles ng mga pampubliko at pribadong mga paaralan sa sistema ng edukasyon sa bansa.