31.2 C
Manila
Huwebes, Nobyembre 14, 2024

Gatchalian: Suriin ang operasyon ng POGO sa bansa

- Advertisement -
- Advertisement -

Dahil dismayado sa mababang koleksyon ng buwis mula sa Philippine Offshore Gaming Operations, nais ni Senador Win Gatchalian na isulong ang imbestigasyon sa senado upang malaman ang epekto sa ekonomiya at benepisyo ng operasyon ng POGO sa bansa.

“Pinayagan ng gobyerno ang mga POGO upang magkaroon ng karagdagang kita. Kung hindi ito maisasakatuparan, kailangang suriin nang maigi ang mga operasyon ng POGO sa bansa kung kailangan pa nilang manatili dito,” ani Gatchalian.

Sinabi noon ni Department of Finance (DOF) Secretary Carlos Dominguez III na aabot sa P76.2 bilyon ang kabuuang revenue collection mula sa mga operasyon ng POGO para sa taong 2022 hanggang 2023. Gayunpaman, ang mga kasalukuyang datos ay nagsasabing malamang na hindi aabot sa inaasahang pigura dahil ang nakolektang buwis sa first quarter ng taon ay umabot lamang sa P1.55 bilyon. Bukod dito, umabot lamang sa P3.91 bilyon ang koleksyon ng buwis mula sa industriya noong 2021 kumpara sa P7.176 bilyon noong 2020 at P6.424 bilyon noong 2019.

“Susuriin natin nang maigi ang pagiging lehitimo ng mga POGO sa bansa. Titignan natin kung advantageous ba ito sa gobyerno. Aalamin natin kung magbabayad ba sila ng tamang buwis at kung gaano karami ang nakakapasok na iligal sa bansa,” ani Gatchalian sa kanyang paghahain ng resolution upang imbestigahan ang isyu.

Binigyang-diin din ng senador na dahil sa dumaraming insidente ng mga krimen na nauugnay sa industriya ng POGO, ang mga awtoridad ay naglalaan ng malaking resources para sugpuin ang kriminalidad sa bansa.

“Ang anumang benepisyong pang-ekonomiya na makukuha natin mula sa mga operasyon ng POGO ay dapat na mas malaki kaysa sa anumang gastos na dapat nating pasanin kapalit ng kanilang presensya sa bansa,” sabi ni Gatchalian kaugnay ng ulat na tumaas ang bilang ng krimen na nauugnay sa mga POGO.

Binanggit ni Gatchalian ang pinakahuling ulat mula sa anti-kidnapping group ng Philippine National Police (PNP) na nagsiwalat ng pangingidnap ng mga empleyado ng POGO na tumaas ng 25% noong Setyembre 2022. Bukod dito, marami pang hindi naiuulat na krimen na may kaugnayan sa industriya ng POGO, aniya.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -