26 C
Manila
Martes, Oktubre 8, 2024

Panukala ni Gatchalian sa kakulangan ng classroom: Ipaubaya sa mga LGU ang pagpapatayo

- Advertisement -
- Advertisement -

Iminungkahi ni Senador Gatchalian na ibigay sa mga local government units (LGU) ang responsibilidad ng pagpapatayo ng mga silid-aralan upang matugunan ang kakulangan nito sa buong bansa.

“Naniniwala akong magiging epektibo kung ang kalahati ng pondo ay mapupunta sa DepEd, at sa LGU naman ang kalahati. Kung ibibigay sa LGU ang responsibilidad ng pagpapatayo ng mga silid-aralan, sabay-sabay na maipapatayo ang mga ito,” ani Gatchalian.

Sa isang pagdinig ng Senate Committee on Finance ukol sa panukalang 2023 National Expenditure Program (NEP), binigyang diin ng Chairman ng Senate Committee on Basic Education ang walang katapusang problema sa kakulangan ng mga silid-aralan.

Gamit ang datos mula sa Department of Education (DepEd), iniulat ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah F. Pangandaman na buhat noong Disyembre 31, 2021 ay wala pang dalawang-daang (191) classrooms ang naipatayo at may tinatayang labinlimang libong mga silid-aralan ang patuloy na ipinapatayo mula pa noong 2014.

Iniulat din ng Kalihim ng DBM na noong nakaraang 2021, ang obligation rate ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa pagpapatayo ng mga school buildings ay nasa siyamnapu’t dalawang (92) porsyento ngunit nasa apatnapu’t limang (45) porsyento lamang ang disbursement rate. Sa kasalukuyan, ang DPWH ang may mandatong magpatayo ng mga gusali ng paaralan.

Nauna nang sinabi ni Gatchalian na plano niyang maghain ng panukalang batas na magpapahintulot sa mga paaralan na magpatayo ng karagdagang palapag upang mas marami ring maipatayong classrooms. May regulasyon kasi ngayon na hanggang apat na palapag lang ang school buildings upang hindi mahirapan ang mga mag-aaral na pumanhik. Kapag nangyari ito, sinabi ni Gatchalian na mapapabilis ang pagpapatayo ng mga kinakailangang classrooms, lalo na urban areas kung saan may mas mataas na bilang ng mga mag-aaral.

Sa ilalim ng 2023 NEP, halos anim (5.9) na bilyong piso ang nakalaan para sa pagpapatayo ng elementary at secondary school buildings, pati na rin ng technical vocational laboratories. Bahagi rin ng naturang halaga ang pagpapatayo ng mga pasilidad para sa tubig at iba pang sanitation facilities.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -