Bilang tugon sa panawagan ng tulong para sa Bulacan matapos tamaan ng bagyong Karding, agad kumilos si Senador Win Gatchalian para magbigay ng kinakailangang tulong sa mga residente sa ilang munisipalidad sa lalawigan.
Isang dating alkalde ng kalapit na Valenzuela City, si Gatchalian ay magbibigay tulong sa libu-libong pamilya na ang mga tahanan ay nalubog sa tubig baha o nasira ng nagdaang bagyo.
Bibisita si Gatchalian sa munisipyo ng San Miguel, Bulacan ngayong araw, Oktubre 1, para magbigay ng mga sako ng bigas sa may isang libong apektadong pamilya. Isinailalim sa state of calamity ang San Miguel sa bisa ng isang resolusyon mula sa Sangguniang Bayan ng San Miguel kasunod ng naging epekto ng baha sa agrikultura, kabuhayan, at imprastraktura.
Bibisitahin rin ni Gatchalian ang mga labi ng limang rescuer na nasawi sa kanilang tungkulin at magbibigay ng tulong pinansyal sa kanilang mga naiwang pamilya.
Si Gatchalian ay co-sponsor ng isang resolusyon ng Senado na nagbibigay ng parangal sa kabayanihan ng limang miyembro ng Bulacan provincial disaster risk reduction and management office. Iminungkahi rin niya ang isang batas na naglalayong gawin silang regular na empleyado ng mga local government units na kanilang pinaglilingkuran at bigyan ng naaangkop na mga benepisyo, mga pagsasanay, at kinakailangang mga kagamitan upang maisagawa ang kanilang mandato.
“Panahon na para gawing regular sa kanilang trabaho, bigyan ng tamang kagamitan, pagsasanay, at kagamitan ang ating mga rescue team sa lahat ng LGUs. Kilalanin natin ang kanilang magiging papel sa ating lipunan, lalong-lalo na sa mga panahong nararanasan natin ang hagupit ng kalamidad at sakuna,” sabi ni Gatchalian.