Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang Manila Electric Company (Meralco) na tiyakin ang tuluy-tuloy na suplay ng kuryente para sa mga customer nito kasunod ng desisyon kamakailan ng Energy Regulatory Commission (ERC) na tanggihan ang petisyon para sa pagtataas ng singil na inihain ng Meralco at ng power-generation arm ng San Miguel Corporation (SMC).
“Bilang contracting party ng power supply agreement, dapat tiyakin ng Meralco sa mga customer na tuloy-tuloy ang suplay ng kuryente alinsunod sa kanilang kontrata sa SMC,” ayon kay Gatchalian.
“Pinupuri ko ang ERC sa pagpapatupad nito ng batas. Ito ay isang magandang balita upang matiyak rin na ang ibang manlalaro sa industriya ay sumusunod sa kanilang mga kontrata,” dagdag ng senador.
Ang desisyon ng ERC ay nagmula sa desisyon noong 2019 ng electricity arm ng SMC na San Miguel Global Power Holdings Corporation (SMCGP) at mga subsidiary nito na pumasok sa dalawang kasunduan para magsuplay ng enerhiya sa mga customer ng Meralco—sa Sual coal-fired power plant sa Pangasinan at Ilijan natural gas plant sa Batangas.
Noong pirmahan ang mga kasunduan, ang presyo ng coal ay nasa $65 / metric ton (MT) na mula noon ay tumaas sa mahigit $400/MT. Ang pagnipis ng suplay mula sa Malampaya natural gas field ay nagresulta sa pagkatuyo ng planta ng Ilijan. Dahil dito, napilitan ang San Miguel na bumili ng enerhiya sa ibang bansa sa mas mataas na halaga, na nagreresulta sa pagkalugi nito. Ito ang nanghikayat na maghain ng petisyon sa ERC para magtaas ng singil na tinanggihan naman ng ERC.
“Kinikilala natin na mahirap ang trabaho ng ERC para balansehin ang interes ng mga consumers at mga industry players. Dahil patuloy na nakakaranas ng paghihirap ang mga consumers sa gitna ng patuloy na pagtaas ng inflation at pagbaba ng halaga ng piso, pinupuri namin ang ERC sa desisyon nito dahil makakapagbigay ito ng ginhawa para sa mga consumers,” ayon sa kanya.