26 C
Manila
Martes, Oktubre 8, 2024

Social safety nets prayoridad sa panukalang 2023 budget tungo sa pagbangon ng ekonomiya —Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

Ang panukalang pondo ng Senado para sa susunod na taon ay nagtataguyod ng mga social safety nets sa hangaring suportahan ang pagbangon ng ekonomiya sa gitna ng patuloy na kawalang-katiyakan na dulot ng tunggalian ng Russia at Ukraine at ng pandemya ng COVID-19, ayon kay Senador Win Gatchalian.

“Kinikilala natin ang pangangailangang suportahan ang mga pinakamahihirap na sektor ng ating lipunan, ngunit ito ay dapat targeted. Sa madaling salita, ang mga tunay na nangangailangan lamang ang dapat makatanggap ng ayuda mula sa gobyerno,” giit ni Gatchalian.

“Naglagay tayo ng social safety nets tulad ng subsidiya sa gasolina, subsidiya para sa pinakamahihirap, at iba pang mga subsidiyang may kinalaman sa enerhiya dahil inaasahan natin na magpapatuloy sa 2023 ang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine at pati na ang COVID-19 pandemic,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Finance Sub-Committee E.

“Hangga’t nariyan ang labanan ng Russia at Ukraine, nakikita ko na papalo pa rin hanggang $90 kada bariles ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado sa susunod na taon at posibleng makaapekto rin ito sa presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa mula P70-P90 kada litro. Ibig sabihin, kailangan pa rin nating magbigay ng subsidiya at ito dapat ay targeted,” ayon sa senador.

Kabilang sa mga binibigay ng gobyerno ang subsidiya para sa sektor ng transportasyon na tinatawag na Pantawid Pasada Program at ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na ibinibigay naman sa mga mahihirap o ‘yung tinatawag na poorest of the poor. Mayroon ring energy-related subsidies tulad ng programang pagpapailaw ng Department of Energy (DOE) at National Electrification Administration (NEA), ang fuel at off grid electrification para sa mga probinsiya o malalayong lugar, at ang Electric Cooperatives Emergency and Resiliency Fund (ECERF) na nagbibigay ng pondo sa electric cooperatives na apektado ng mga bagyo at iba pang sakuna.

May kabuuang P110.61 bilyon na nakalaan para sa 4Ps program habang may proposed budget na P5 bilyon para sa Pantawid Pasada program. Samantala, para sa energy-related subsidies, ang DOE electrification ay may budget na P500 milyon, P1.6 bilyon naman ang pondo para sa NEA electrification, at P200 milyon sa ECERF.

“Tinitiyak ng Senado na may sapat na pondo para sa vulnerable sectors. Kung sino ang talagang nangangailangan, sila dapat ang nabibiyayaan ng mga subsidy programs na ito,” pagtatapos ni Gatchalian.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -