26 C
Manila
Martes, Oktubre 8, 2024

Gatchalian binatikos ang PAGCOR dahil sa kawalan ng plano sa POGO

- Advertisement -
- Advertisement -

Binatikos ni Senator Win Gatchalian ang Philippine Amusement Gaming Corp. (PAGCOR) dahil sa kabiguan nitong makabuo ng isang komprehensibong plano kung paano palaguin ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa kabila ng posisyon nito na payagan silang manatili sa bansa.

“Sa kabila ng paninindigan ng PAGCOR na suportahan ang pananatili ng mga POGO, lumalabas na kulang ang PAGCOR sa masusing pagpapahalaga sa industriya. Dahil sa mga isyu sa industriya na walang katiyakan kung matutugunan, hindi natin dapat isugal ang ating kapayapaan at kaayusan, buhay, at kalayaan, at umasa na lang na magiging maayos ang lahat,” sabi ni Gatchalian.

Ayon sa senador, walang basehan at konteksto ang apat na pahinang roadmap para sa industriya ng POGO na kanilang isinumite sa isang pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means.

Ang roadmap ng PAGCOR para sa industriya ng POGO ay nagtatakda ng P10.227 bilyon na target na kita sa 2027, mas mataas sa inaasahang kita na P2.38 bilyon ngayong taon, target na P3.45 bilyon sa 2023, P4.84 bilyon sa 2024, P6.29 bilyon sa 2025 at P7.86 bilyon sa 2026. Ayon sa PAGCOR, ang mga bahagi ng roadmap ay kinabibilangan ng pagpapaigting ng inter-agency cooperation, paghikayat sa mas maraming POGO hub, pagpaparami ng bilang ng mga lisensyado, at pagsugpo sa mga suliranin na dulot nito sa bansa.

Gayunpaman, napansin ni Gatchalian na bagama’t maganda ang hangarin ng roadmap ay kulang ito sa detalye, tulad ng kabuuang kita mula sa POGO operations sa buong mundo, kabuuang bilang ng mga operators, kasalukuyang market share ng bansa laban sa mga kakumpitensya nito, at iba pang impormasyon na magbibigay-daan sa PAGCOR na gumawa ng naayon at angkop na plano para sa industriya.

“Importanteng naiintindihan nang husto ng PAGCOR bilang operator, bukod sa pagiging regulator, ang industriya ng POGO upang matimbang natin ang mga kontra sa mga problemang operasyon sa bansa. Nakakalungkot na walang matibay at komprehensibong plano ng PAGCOR kung paano palaguin ang industriya,” Gatchalian said.

Ang pagdinig ng Senado ay naglalayong timbangin ang mga benepisyong pang-ekonomiya na nakukuha sa mga operasyon ng POGO sa bansa sa harap ng napaulat na pagtaas ng kriminalidad na iniuugnay sa naturang industriya.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -