Naghain si Senador Win Gatchalian ng isang panukalang batas na layong ibalik ang dalawang taong mandatory Basic Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) Program at ang Two-year voluntary Advance ROTC Program sa kolehiyo.
Saklaw ng Senate Bill No. 1551 o ng Mandatory Basic Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) Act ang lahat ng mga mag-aaral na kumuha ng undergraduate degree, diploma, o certificate program sa lahat ng pampubliko at pribadong mga pamantasan, kolehiyo, vocational schools, at iba pang mga tertiary educational institutions.
Sa ilalim ng Basic ROTC program, ang mga mag-aaral sa kolehiyo ay dadaan sa basic military at leadership training. Ito ay upang paigtingin ang kakayahan ng bansa na rumesponde sa panahon ng digmaan, sakuna, at mga kalamidad. Maliban sa military training, magiging bahagi rin ng Basic ROTC ang civic training at mas maigting na paghahanda sa pagresponde sa kalamidad.
Ayon kay Gatchalian, mas mainam na ibalik ang Basic ROTC sa kolehiyo imbes na ipatupad ito sa Senior High School. Aniya, mas kailangan kasing tutukan ang learning recovery sa basic education lalo na’t nakaranas ang mga mag-aaral ng learning loss dahil sa pandemya ng COVID-19. Sabi pa ni Gatchalian, ang pagdagdag ng Basic ROTC sa Senior High School ay salungat sa ginagawang pagrepaso sa K to 12 curriculum, kaya binawi ng mambabatas ang nauna na niyang panukalang ROTC sa high school.
Pinuna rin ni Gatchalian ang magiging gastos sa pagpapatupad ng Basic ROTC sa Senior High School. Tinataya ng Department of Education (DepEd) at Department of National Defense (DND) na kakailanganin ang mahigit siyam (9.3) na bilyong piso para sa pagpapatupad ng programa sa buong bansa, isang napakalaking halaga sa gitna ng paahon pa lamang na ekonomiya mula sa pandemya ng COVID-19.
Kung ipapatupad naman ang Basic ROTC sa kolehiyo, sasailalim pa rin sa programa ang malaking porsyento ng Senior High School graduates upang maging bahagi ng Reserve Force, ani Gatchalian. Binigyang diin niya na nitong nakaraang apat na taon, 81% ang average ng mga Senior High School graduates na nagpatuloy sa kolehiyo.
“Isinusulong natin ang pagbabalik ng Basic ROTC upang ituro sa ating mga kabataan ang disiplina at pagmamahal sa ating bansa, lalo na’t sila ang mamumuno sa bansa balang araw,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education.