Agarang matatanggap ng mga local universities and colleges (LUCs) ang reimbursement para sa pagpapatupad ng free higher education program.
Ito ang tiniyak ni Senador Win Gatchalian sa ilalim ng 2023 national budget, kung saan nakasaad ang isang special provision na ipinanukala ng senador. Sa ilalim ng naturang probisyon, agarang matatanggap ng mga LUCs ang reimbursement para sa pagpapatupad ng free higher education program. Dadaan naman sa validation ng Commission on Higher Education (CHED) ang bilang ng mga enrollees at ang halaga ng reimbursement para sa mga LUCs.
Ipinanukala ni Gatchalian ang special provision upang tiyakin na ang mga kwalipikadong LUCs ay makikinabang sa free higher education nang naaayon sa layunin ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Republic Act No. 10931) o ang free college education law.
Sa kasagsagan ng deliberasyon para sa 2023 national budget, pinuna ng senador ang Section 55 ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng free college education law, kung saan nakasaad na ang mga LUCs na hindi na naniningil ng tuition at iba pang school fees bago maisabatas ang Republic Act No. 10931 ay hindi maaaring magpa-reimburse hanggang sa magkaroon ng polisiya sa ‘composite fees.’
Ayon sa senador, ang section na ito sa IRR ay hindi naaayon sa intensyon ng batas. Aniya, walang nakasaad na kondisyon sa free college education law upang ma-disqualify ang isang LUC na maging bahagi ng free higher education program.
Kinastigo ni Gatchalian ang probisyon at sinabing hindi ito makatarungan. Aniya, pinarurusahan nito ang mga LUCs na nagpapatupad na ng libreng kolehiyo bago pa ipatupad ang Republic Act No. 10931. Gamit ang Section 55 ng IRR ng free college education law bilang basehan, pinuna ng Commission ng Audit (COA) ang reimbursement ng P250,902,652.73 sa tatlong LUCs na nagpapatupad na ng libreng kolehiyo: Taguig City University, Valenzuela City Polytechnic College, at ang Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela.
Sa ilalim ng free college education law, ang mga mag-aaral ng State Universities and Colleges (SUCs) at CHED-recognized LUCs ay hindi na magbabayad ng tuition at iba pang bayarin.
“Titiyakin natin na sa susunod na taon, ang ating mga Local Universities at Colleges ay agarang makatatanggap ng pondo para sa pagpapatupad ng libreng kolehiyo. Dahil layunin ng batas na ito na mabigyan ng oportunidad at dekalidad na edukasyon ang ating mga kabataan, mahalagang matiyak natin na ang batas sa libreng kolehiyo ay naipatutupad nang maayos,” ani Gatchalian, co-author at co-sponsor ng batas.