Matapos lumabas ang ilang mga ulat ukol sa mababang literacy rate sa iba’t ibang bahagi ng bansa, itinutulak naman ni Senador Win Gatchalian ang kanyang panukalang paigtingin ang pagkilos ng mga local government units (LGUs) upang makamit ang zero illiteracy.
Sa nagdaang education summit sa Baguio City, lumabas na apat lamang sa 10 mag-aaral sa lungsod mula Grade 4 hanggang Grade 7 at may edad na 9 hanggang 12 ang nakakapagbasa at nakakapagsulat sa Ingles. Batay ito sa naging resulta ng mga pre-tests at post-tests na ginawa noong 2021 hanggang 2022. Lumabas din sa mga test na ito na wala pa sa kalahati ng mga mag-aaral mula Grade 3 hanggang 7 sa lungsod at may edad na 8 hanggang 9 ang marunong bumasa at sumulat sa Filipino.
Sa Cagayan naman, lumabas sa isang survey na naka-post sa website ng probinsya na 12.72% o 29,529 sa 231,667 na mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan ang hindi marunong bumasa. Lumabas din sa 2017-2018 Early Language, Literacy, and Numeracy Assessment (ELLNA) na 49.52% lamang ang literacy rate sa probinsya.
Isinusulong ni Gatchalian ang National Literacy Council Act (Senate Bill No. 473) upang italaga ang mga Local School Boards (LSB) bilang de facto local literacy councils. Layon ng naturang panukala na patatagin ang Literacy Coordinating Council (LCC) na patuloy na mamumuno ng mga programa para maging literate ang bawat Pilipino. Itinatag ang LCC sa bisa ng na-amyendahan nang Republic Act No. 7165.
Sa ilalim ng naturang panukala, magiging mandato sa pinatatag na LCC na bumuo ng three-year road map para sugpuin ang illiteracy o kamangmangan sa mga komunidad. Magiging tungkulin naman ng mga LSB ang pagpapatupad ng lokal na roadmap batay sa three-year roadmap ng council.
Samantala binigyang diin naman ni Mayor Benjamin Magalong ang papel ng mga komunidad upang tulungan ang mga batang nahihirapang bumasa at sumulat. Inilabas naman ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang Executive Order No. 1 na nagbibigay direksyon sa mga alkalde na suportahan ang mga plano ng Department of Education (DepEd) para sa learning recovery.
“Ang isang batang hindi marunong bumasa ay problema ng buong bansa. Sa pagsugpo natin ng illiteracy, mahalaga ang papel ng mga lokal na mga komunidad. Kaya naman palalawigin natin ang papel ng ating mga Local School Boards sa pagpapatupad ng mga programa upang matiyak na bawat bata ay matutong bumasa at umintindi ng kanilang binabasa,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education.