Ginawaran ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) sa pangunguna ni Chairperson at CEO Undersecretary Elpidio R. Jordan Jr. ng accreditation certificates ang nasa tatlumpu’t-limang (35) urban poor organizations mula sa NCR at Luzon.
Ang Luzon awarding ceremony (13 UPOs) ay ginanap sa PCUP Central Office noong ika-28 ng Abril, habang ang NCR accreditation awarding (22 UPOs) ay ginanap noong ika-2 ng Mayo. Sa pamamagitan nito, ang mga maralitang tagalungsod ay inaasahang magkakaroon ng mas mabilis na akses sa serbisyo at mga proyekto ng pambansang pamahalaan at ibang pribadong partners ng komisyon.
Akreditasyon at PDCs
Para kay Undersecretary Jordan Jr., wala nang mas mahalaga pa sa pagbuo ng matibay at inklusibong mga komunidad sa pamamagitan ng mandato at programa ng komisyon.
“Maliban sa ating accreditation at Pre-Demolition Conferences ay patuloy ang PCUP sa pakikipag-koordina sa pamahalaan upang mai-lapit at masolusyunan ang mga isyu ng maralitang sektor; gayundin ang pakikipaglagdaan ng Memorandum of Understanding o (MOUs) ukol sa 4 banner programs ng ahensya kasama ang pribadong sektor na siyang inaasahang makatutulong lalo na sa mga accredited UPOs.” pagtatapos ni Undersecretary Jordan.
Ito rin ang ninanais ni PCUP Supervising Commissioner for Luzon Andre Niccolo Tayag para sa maralitang tagalungsod. Sa nasabing programa, binigyang-diin niya ang pangangailangang itaguyod ang karapatan ng mahihirap sa pamamagitan ng maagap na pre-demolition conferences (PDCs) at accreditation ng mga organisasyon.
“Ang PCUP ay maninindigan na walang marahas na ebiksyon at demolisyon, sisiguruhin natin ang mga ito ay naaayon sa batas at naaayon sa karapatang pang-tao.” dagdag pa ni Commissioner Tayag.
Bukod dito, nangako rin siya ng suporta mula sa kanyang tanggapan at ng iba pang mga PCUP Commissioner para sa patuloy na pagpapatupad ng mga programa laban sa kahirapan. Bilang mga bagong akreditadong UPO, magkakaroon na sila ng priority access sa mga banner programs ng komisyon pati na rin sa iba pang poverty alleviation programs mula sa gobyerno.
Maliban sa pagtulong sa mga komunidad sa pagkuha ng mga pangunahing serbisyo tulad ng pagkain, tubig, at serbisyong pang-kalusugan, ang PCUP sa pamamagitan ng Field Operations Division nito ay mahigpit na nakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang ahensya upang tumulong sa pagtugon sa mga isyu sa lupa tulad nito.
Samantala, ipinaabot naman ni PCUP Chairperson at CEO, Undersecretary Elpidio R. Jordan, Jr., ang kanyang suporta sa mga UPO at nagpahayag ng kanyang kagalakan sa kanilang aktibong partisipasyon sa mga programa at serbisyo ng PCUP. Nangako siyang pauunlarin pa ang mga ito para magbigay ng tapat at mabilis na tulong sa mga maralitang tagalungsod sa ating bansa.
Ayon naman kay PCUP Supervising Commissioner para sa NCR, Hon. Reynaldo P. Galupo, ang kanyang tanggapan ay magpapatuloy sa pagbubuo ng mga angkop na patakaran para sa mga maralitang tagalungsod sa kanyang nasasakupan.