29.3 C
Manila
Biyernes, Disyembre 13, 2024

Unemployment rate, bumaba noong Mayo

- Advertisement -
- Advertisement -

BUMABA ang unemployment rate ng bansa sa 4.3 percent noong Mayo 2023 mula sa 6.0 percent noong Mayo 2022 at 4.5 percent noong Abril 2023, sinabi ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Biyernes.

Tinitingnan ng isang aplikante ang naka-post na mga opening sa isang job fair. LARAWAN NI MIKE ALQUINTO

Ang May 2023 unemployment rate ay ang pangalawang pinakamababa mula noong Abril 2005, kasunod ng 4.2 percent na unemployment rate noong Nobyembre 2022.

Sa isang ulat, sinabi ng National Statistician at Civil Registrar General na si Claire Dennis Mapa, na ang mga paunang resulta ng May 2023 Labor Force Survey (LFS) ay nagpakita na ang unemployment rate noong Mayo ay mas mababa rin sa 4.5 percent na naitala noong Abril ngayong taon.

Katumbas din ito ng 2.17 milyon na walang trabahong Pilipino na bumaba mula sa naitala noong nakaraang taon na 2.93 milyon at mula sa Abril ngayong taon na 2.26 milyon.

Sinabi ni Mapa na ang labor force participation rate (LFPR) ay tinatayang nasa 65.3 porsiyento o humigit-kumulang 50.43 milyong Pilipino na may edad 15 taong gulang pataas ang may trabaho o walang trabaho.

Ang LFPR noong Mayo ay mas mataas din kaysa sa 64 porsiyento at 65.1 porsiyento na iniulat noong Mayo 2022 at Abril ngayong taon.

Ang employment rate noong Mayo ay tumaas din sa 95.7 percent mula sa 94 percent sa parehong buwan noong nakaraang taon at sa 95.5 percent na naitala noong Abril ngayong taon.

Ang bilang ng mga taong may trabaho ay umabot sa 48.26 milyon noong Mayo 2023, mas mataas kaysa sa naiulat na bilang ng mga taong nagtatrabaho sa parehong buwan noong nakaraang taon na 46.08 milyon, ayon pa sa ulat.

Nangibababaw ang services sector sa lahat ng mga sector na nakapagtala ng pinakamalaking bahagi sa 58.8 porsiyento ng kabuuang populasyong may trabaho noong Mayo 2023. Ang sektor ng agrikultura ay umabot ng 24.3 porsiyento at industriya ay 16.9 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga taong may trabaho.

Ayon sa PSA, ang limang sub-sector na may pinakamalaking pagtaas sa trabaho ay ang agrikultura at kagubatan (agriculture and forestry) na umabot sa 1.25 milyon; accommodation and food service activities, 398,000; iba pang service activities, 365,000; fishing and aquaculture, 351,000; at arts, entertainment and recreation, 305,000.

Ang bilang ng mga underemployed, o ang mga nagpahayag ng pagnanais na magkaroon ng karagdagang oras sa kanilang kasalukuyang trabaho o magkaroon ng karagdagang hanapbuhay o magkaroon ng bagong trabaho na may mas mahabang oras ng trabaho, ay nasa 5.66 milyon o 11.7 porsiyento, bumaba mula sa 12.9 porsiyento noong Abril at 14.5 porsiyento noong Mayo noong nakaraang taon.

Ang limang sector na nagpakita ng pagbaba sa bilang ng may mga trabaho mula Mayo 2022 hanggang Mayo 2023 ay ang wholesale at retail trade; pagkumpuni ng mga sasakyan, konstruksyon, manufacturing, pagsusuplay ng tubig, sewerage, waste management and remediation activities at ang Information and communication.

Ang mga sumasahod na manggagawa ang may pinakamalaking bahagi sa bilang ng mga naka-empleyo na umabot sa 60.5 percent sa kabuuang bilang ng mga may trabaho noong Mayo 2023. Ikalawa ang mga self-employed persons na walang pinapasahod na empleyado na may 28.1 percent, kasunod ang unpaid family workers sa 9.2 percent at pinakamababa ang naitala ng mga employer na may sariling farm or negosyo sa 2.2 percent.

Sa mga sumasahod na empleyado, ang mga nagtatrabaho sa mga pribadong kompanya ay umabot sa 46.5 percent sa kabuuang bilang ng mga nagtatrabaho.

Bumaba rin ang Youth Labor Force Participation Rate (LFPR) sa 33.8 percent noong Mayo 2023 mula sa 34.7 percent na naitala noong Abril 2023.

Tumaas naman ang youth employment rate sa 89.4 percent noong Mayo 2023 mula sa 87.9 percent noong Mayo ng nakaraang taon.

Sa mga kabataang manggagawa, 11.0 percent ay underemployed noong May 2023, mas mababa sa naiulat na 11.6 percent noong Mayo ng nakaraang taon.

Sa isang pahayag, sinabi ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan na ang gobyerno ay nananatiling nakatuon sa pagkamit ng mataas na kalidad na labor market sa bansa.

Tiniyak ni Balisacan na ang gobyerno ay patuloy na magsusulong at magpapatupad ng mga repormang magpapabuti sa pamumuhunan at negosyo sa bansa na  tutulong para mapanatili ang mga trabaho sa kasalukuyan.

Hinikayat rin ni Balisacan ang mga indibidwal na mag-enrol sa mga programa at kursong maghahanda sa kanila sa maayos at magandang trabaho sa hinaharap.

Handa rin silang pakipagtuwang sa mga pribadong sector kabilang ang mga organisasyon mula sa ibang bansa para matiyak na ang serbisyo ng pamahalaan, partikular na may kinalaman sa pagpapadali sa trabaho, pagpapahusay o pag-aayos, at pagtataguyod ng proteksyon ng mga manggagawa, ay nasa parehong antas sa mga pandaigdigang pinakamahusay na kasanayan, ayon pa kay Balisacan. May dagdag na ulat ni Rufina Caponpon

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -