AABOT sa 610,054 na magsasaka ang makikinabang sa pinirmahang batas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tinawag na New Agrarian Emancipation Act noong Hulyo 7, Biyernes sa Kalayaan Hall ng Malakanyang.
Ang mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) na ito ay hindi na magbabayad ng utang na nagkakahalaga ng P57 bilyon. Ito ay dahil sa pinirmahang batas Republic Act (RA) 11953 na nagpapawalang-bisa sa lahat ng “principal loans, unpaid amortization and interests and exempting payment of estate tax on agricultural lands awarded under the Comprehensive Agrarian Reform Program” (“pangunahing utang, hindi nabayarang amortisasyon at mga interes at mga hindi nabayarang buwis sa ari-arian sa mga lupang pang-agrikultura na iginawad sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program.”)
“Itutuloy natin ang repormang agraryo — hindi lamang sa pamimigay ng lupa sa mga magsasakang hanggang ngayon ay wala pa ring lupa, kundi upang tuluyan silang palayain mula sa pagkakautang na pumipigil sa kanilang ganap na pagmamay-ari ng lupang bigay sa kanila ng pamahalaan,” sabi ng Pangulo sa kanyang speech matapos na pirmahan ang batas.
Sa ilalim ng kasalukuyang mga batas ng agraryo, ang bawat ARB ay kailangang magbayad ng halaga ng lupa na ibinigay sa kanya sa loob ng 30 taon na may 6 na porsyentong interes.
“Panahon na para makalaya sila sa pagkakautang na ito. This is why on September 13, 2022, I signed Executive Order No. 4, imposing a one-year moratorium on the payment of amortization on agrarian debt by our beneficiaries,” (Ito ang dahilan kung bakit noong Setyembre 13, 2022, nilagdaan ko ang Executive Order No. 4, na nagbibigay ng isang taong moratorium sa pagbabayad ng amortization sa agraryong utang ng ating mga benepisyaryo,” paliwanag ng Pangulo.
Subalit hindi dito natatapos ang pagtulong na gagawin ng pamahalaan, ayon sa Pangulo, nangako siya na kagyat na pabibilisin ang mga resolusyon ng mga kasong agraryo.
Pasasalamat sa Kongreso at Senado
“Sa ngalan ng ating mga magsasaka at ng sambayanang Pilipino, taos-puso akong nagpapasalamat sa Kongreso at sa Senado sa agarang pagpanday ng batas na ito,” sabi ng Pangulo.
“Ikinararangal ko na pirmahan ang batas na ito upang tuluyan nang makalaya sa pagkakautang ang ating mga magsasaka mula sa araw na ito,” dagdag pa niya.
Ang mga pangunahing utang na nagkakahalaga ng P14.5 bilyon ng 263,622 ARBs, na ang mga pangalan at detalye ng pagkakautang ay isinumite ng Landbank of the Philippines (LBP) sa Kongreso, ay pawawalang-bisa kaagad.
Ang condonation ng natitirang P43.06 bilyon na pautang sa 346,432 ARBs ay magkakabisa kapag nagsumite na ng mga detalye ng pagkakautang ng ARBs ang LBP at Department of Agrarian Reform (DAR) sa Kongreso.
Aakuin din ng gobyerno ang obligasyon para sa pagbabayad ng makatarungang kompensasyon sa mga may-ari ng lupa sa ilalim ng Voluntary Land Transfer o Direct Payment schemes para sa benepisyo ng 10,201 ARB na may kabuuang mga dapat bayaran na P206.25 milyon.
Pagbibigay ng mga titulo sa ARBs
Pagkatapos ng paglagda, pinangunahan ng Pangulo ang pamimigay ng mga titulo sa mga ARB.
Sa speech ni Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella 3rd kagyat na ipinamahagi ng DAR ang 32,441 titulo ng mga lupa sa 27,132 ARBs na nagsasaka ng 39,269 ektarya ng lupa.
ARBs tutulungang pagyamanin ang mga lupa
Pinawi ni Pangulong Marcos Jr. noong Biyernes ang pangamba sa malawakang pagbebenta ng mga lupain sa repormang agraryo na ibinibigay sa mga benepisyaryo-magsasaka, at sinabing magbibigay ang gobyerno ng sapat na teknikal na suporta sa kanila.
“Ang nagiging dahilan kung bakit ang nabibigyan ng titulo ay ipinagbibili kaagad ‘yung lupa nila ay dahil wala silang pambayad ng inputs, hindi sila makautang, wala silang pagkukuhanan ng binhi, wala silang pagkukuhanan ng fertilizer, ng pesticide. Wala silang pambili,” sabi ng Pangulo.
“Wala naman silang magagawa kaya’t ‘yung dati ‘yung mga nasubukan noong una ay pinag-aralan ito nang mabuti at nakita natin ‘yung naging karanasan ng mga ibang bansa. At nakita nga namin pagka basta titulo lang ibinigay mo at wala ng ibang suporta, mangyayari talaga eh wala naman hindi naman nila maisaka, mangungutang na naman sila doon sa dating may-ari. Tapos hindi makabayad. Tapos na-corner na naman – pinapakyaw na naman ‘yung kanilang produkto, et cetera, et cetera,” dagdag pa niya.
Sa bagong sistema ng agraryo sinigurado ni Marcos Jr. na bibigyan ng opsyon at suportang serbisyong teknikal ang mga ARB para mapalago ang ibinigay sa kanilang lupa.
“Ngayon, kaya’t isinama ng maliwanag na maliwanag at binibigyan ng halaga ang patuloy na suporta upang magkaroon ng pautang para sa ating mga beneficiaries, upang may technical support. Meron tayong ibinibigay na pagkukuhanan ng binhi, pagkukuhanan ng murang-murang fertilizer. Lahat ‘yan ay ating ginagawa para maging matagumpay naman ang kanilang pagsasaka nung kanilang bagong natituluhang lupa,” paninigurado ng Pangulo.
10 taon bago maipagbili
Sa kabilang banda, sinabi ni Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella 3rd na patuloy nilang pinapaalalahanan ang mga ARB na kailangan nilang maghintay ng 10 taon bago nila maipagbili ang mga lupang ibinigay sa kanila ng pamahalaan.
“Ayon sa batas kailangan ‘pag naiabot sa kanila ang kanilang titulo, kailangan maghintay sila ng sampung taon bago nila maibenta ang lupa sa iba,” paliwanag ng Agrarian Reform chief.
“Sapagkat ‘pag nalaman po ng Agrarian Reform na kanilang ibinenta ang lupa nila na hindi pa lumalampas ang sampung taon, babawiin po ng pamahalaan at ibibigay natin sa ibang beneficiary ang lupa po,” dagdag ni Estrella.
Mga reaksyon
Maraming grupo ng mga magsasaka ang natuwa sa paglagda ng New Agrarian Emancipation Act.
Ayon kay Federation of Free Farmers (FFF) National Manager Raul Montemayor ang bagong batas ay nagpalaya sa mga magsasaka sa pagkakautang sa mga lupang ibinigay sa kanila ng CARP.
“Nananawagan kami sa Pangulo at Kongreso na kumpletuhin ang pamimigay ng 600,000 hanggang 700,000 ektarya ng mga lupang “CARPable” na hindi pa naipamahagi ng mga dating administrasyon,” panawagan ni Montemayor.
Ipinagdiinan naman ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA) ang pagkakaroon ng totoong repormang pang-agraryo.
Habang ang RA 11953 ay magbibigay ng tuldok sa hindi makatarungang pagkolekta ng amortization fees sa mga ARB, “hindi na nito maibabalik ang pinsala na naidulot nito,” sabi ni Ariel Casilao, acting UMA chairman.
Idinagdag pa niya na pito hanggang siyam sa 10 pisante ay nananatiling walang lupa, at ito ang nagiging dahilan kung bakit sila nag-aalok ng kanilang serbisyo para magtrabaho. May dagdag na ulat ni Lea Manto-Beltran