29 C
Manila
Martes, Enero 21, 2025

Sulat mula sa OAS

REMOTO CONTROL

- Advertisement -
- Advertisement -

Unang Bahagi

ISINILANG ako sa Basa Air Base, Pampanga. Sundalo ang tatay ko; guro naman ang aking nanay. Lagi akong naiiwan sa bahay, sa pangangalaga ng aking Lola Juana, noong hindi pa ako nag-aaral. Pango at maitim ang Lola.

“Medyo maputi ako noon,” sabi niya, “pero nasunog ang balat ko nang magsimula akong magtrabaho sa bukid.” Mahirap malimutan ang mga mata niya: malamlam, may itinatagong lalim, tila mga mata ng makatâ.

Ang aking mga magulang nama’y isinilang sa Oas, Albay. Ilang beses na kaming dumalaw doon, pero ang una kong naaalala’y noong anim na taong gulang na ako. Kasama ko ang Lola Juana.

Pagkapananghalia’y nagbiyahe na kami ng Lola patungong Maynila. Sakay ng gumigiray-giray na bus na ang pangala’y La Mallorca, kampante ako sa pagkakaupo, nakatingin sa mga naglalako ng itlog ng pugo, sitsaron, sorbets, at soft drinks. Dumaan kami sa MacArthur Highway (wala pang Candaba Viaduct noon). Sa tabi ng higway, nag-aapoy ang mga puno ng kabalyero.


Inabot ng tatlong oras ang aming biyahe. Pagbaba namin sa Monumento’y sumakay muli kami ng jeep papuntang Tutuban. Pagkabili ng dalawang tiket sa economy class, umupo na kami ni Lola at pinalipas ang isang oras. Nagmiryenda kami ng Pepsi’t soda crackers at nagkwentuhan tungkol sa mga kamag-anak sa lalawigang babalikan. Pagkaraa’y inayos na ni Lola ang kaniyang mga gamit: itim na sigarilyo, kopya ng Liwayway, suklay na hugis ikaapat na buwan, at pulang istampita.

Mula sa malayo’y dumagundong ang tren, tila lindol. Kasabay ng isang milyong tao’y humangos kami upang makaupo kaagad. Hindi pa uso ang pilahan noon. Bara-bara ang pagpasok sa loob ng tren.

“Ang hawak mo, ‘wag mong bibitiwan!” paalala ng Lola.

“Lola, naiipit ako,” sumbong ko.

- Advertisement -

“Mama, ano ba, baka mapisa ‘yang bata!”

Para sa akin, munting milagro nang maisayad ko ang katawan ko sa upuan. Pagkabuntunghininga, tinanong ko ang Lola kung saan ilalagay ang bag na hawak ko at kung ano pa ang gagawin.

“Wala na,” marahan niyang sagot. Nasalamin ko sa kanyang mga mata ang kaunting pagkahapo habang nakatingin sa mga taong nag-uunahang makaupo.

Sa buong gabi naming biyahe’y natulog lamang ang Lola. Hindi ko alam kung bakit ayaw akong dapuan ng antok. Nakakain, nakaihi, at nakapagpahinga na ako’y di pa rin ako makatulog. Pinakinggan ko ang tunog ng bakal na gulong ng tren: para itong pusong muli’t muling tumitibok.

Sa labas, madilim na ang hugis ng mga dampa. May isang lampara sa bintana; mag-asawang mangga sa bakuran; kawayang sumasayaw habang hinahaplit ng hangin. Nasa bandang Quezon na yata kami nang makita ko ang dagat – madilim sa salamin, iniilawan ng malapot na liwanag ng buwang bilog na bilog . . . .

Kilala ang Oas sa tatlong bagay: halos lahat ng mga tao rito’y may apelyidong nagsisimula sa R; de-kalidad ang bagoong nito; at dito nagmula ang pinakamaraming pari sa Pilipinas. Maraming mga pari sa lahi ng aking Nanay. Hindi miminsang napuna ng mga kaanak na maaari raw akong magpari.

- Advertisement -

“Tahimik na bata,” sabi ng isang tiya. “Magiging mahusay na alagad ‘yan ng Diyos.”

“Mahilig magbasa,” dugtong naman ng isang tiyo.

“Kaya lang, mahilig ding magtanong,” sabad ng isa pang tiya. “Ang pari, dapat nagbibigay ng sagot, hindi nagtatanong.”

Alas-singko na ng umaga kami bumaba sa Polangui, katabing bayan ng Oas, matapos ang labindalawang oras ng paglalakbay. Una kong hinahanap ang Mayon. Wala. Madilim. Maaga pa kasi, kaya ni anino nito’y hindi mo maaninag. Huminga na lang ako ng malalim, ibig itago ng palihim ang bukang-liwayway sa loob ng aking katawan. Nakikipagtawaran ang Lola sa tsuper ng traysikel na maghahatid sa amin sa Oas.

Nang umandar na ang traysikel, kumapit ako ng mahigpit sa Lola, umaamot ng kaunting init. May mga gamugamo sa tabi ng kalsada, tila punit na papel na lumulutang sa mala-yelong hangin. Ang ibang gamugamo’y bumangga sa salamin ng traysikel.

Matapos mamahinga at mag-agahan, lumipat ako sa kabilang bahay upang mag-bigay-galang sa Lolo Placido at Lola Socorro, mga magulang ng aking Nanay. Matangkad at payat ang Lolo. Bakas pa rin sa kanyang mga mata ang bagsik na sumisindak sa di-ilang mag-aaral noong nagtuturo pa siya ng Matematika at Musika sa pampublikong paaralan.

Sunud-sunod ang mga tanong niya sa akin: “Bakit di umuwi ang Nanay mo? Anong grado ka na pala? A, oo, sa isang taon ka pa nga pala mag-aaral! Dapat may honor ka, ha, lahat ng pinsan mo’y may honor. Nagpipiyano ka pa ba? Hanggang kailan ka rito? Magtutulak ka ba ng karosa sa Biyernes Santo? Nasa silid ang Lola mo, lalabas na ’yun.

Sa pagitan ng kaniyang mga tanong at ng matitipid kong sagot, tumingin ako sa sala: larawan ng tatlong anghel sa ibabaw ng piyanong dilaw na ang mga teklado; makinilyang Underwood na ginamit ng Lolo at kapwa-gerilya noong pananakop ng Hapon; retrato’t diploma ng mga tiyo’t tiya sa pader; imahen ni Hesukristong ipinako sa krus, maraming tag-araw na ang nakararaan.

Mula sa bulaklaking kurtina’y lumabas ang Lola Socorro. Tila puting belo ang kaniyang buhok. Mabagal na siyang lumakad, laylay ang balikat. Pabulong ang kanyang tinig. “Kain ka uli. May milagrosa, tapa, at tsokolate pa rito.” Bantulot akong lumapit at humalik sa kanyang butuhang kamay. Mataba ang Lola at singdilim ng gabi ang kanyang buhok sa mga retratong ipinakita sa aking ng Nanay.

Namatay ang Lola Socorro matapos ang isang taon. Tisis. Parang wala sa akin ang kanyang pagkamatay, kahit na isang umaga’y humalik ako sa kanyang kamay at sabay kaming nag-almusal. Ni hindi ako nakauwi sa kanyang libing. Hindi ako pinasama ni Nanay.

“Humahabol ka sa honor. At ano ang gagawin mo roon? Mamaya, maipit ka na naman sa tren, sige ka,” paliwanag niya.

Pitong taon lamang ako noon. Ang nasa isip ko’y mga holen na kulay-bahaghari, bayabas ng kapitbahay, dogfight ng saranggola. Kapag bata ka pa, hindi mo naiisip ang kamatayan. Kamatayan at kalungkutan, pait at galit – hihiwain ng mga ito ang dibdib mo pag malaki ka na, kapag nagsusulat ka na.

Labing-isang taon matapos mamatay ang Lolang di ko nakilala, nakasulat ako ng tula para sa kanya. Noon lamang natahimik ng kaunti ang loob ko.

(Abangan ang ikalawang bahagi sa susunod na Linggo)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -