29.3 C
Manila
Biyernes, Disyembre 13, 2024

Maharlika Wealth Fund: Mga benepisyo at sakripisyo

- Advertisement -
- Advertisement -

MAINIT ang naging talakayan ng iba’t ibang sektor sa ating lipunan tungkol sa panukala ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magtatag ang Pilipinas ng isang sovereign wealth fund na tatawaging Maharlika Wealth Fund. Matapos ang mahabang diskusyon sa loob ng isang taon sa Kongreso at sa Senado napipinto nang lagdaan ng Pangulong Marcos ang pagsasabatas ng Maharlika Wealth Fund (MWF).

Hati ang mga Pilipino tungkol sa isyu ng Maharlika Wealth Fund. TMT FILE

Ang Maharlika Wealth Fund ay isang sovereign wealth fund o pondong nililikom at inilalagak ng isang pamahalaan sa iba’t ibang mapagkakakitaang alternatibo tulad ng mga instrumentong pananalapi, bonds o panagot, mga dayuhang salapi, real estate, proyektong pang-imprastruktura at marami pang iba sa  labas ng bansa. Sa ating rehiyon, ang Indonesia, Malaysia, at South Korea ay ilan lamang sa mga bansang may sovereign wealth fund. Ang pangunahing dahilan ng pagtatatag nila ng sovereign wealth fund ay ang napalaking pondong  nalilikom nila taun taon. Ang pinagkukunan ng Indonesia at Malaysia ng pondong ito ay nagmumula sa buwis at kita mula sa kanilang napakalawak na reserba ng krudong langis na ipinagbibili sa bilihang internasyonal. Samantala, ang South Korea ay nakalilikom ng pondo mula sa kanilang napakalaking sarplus sa Balanse ng Bayaring Internasyonal (Balance of Payments) na nagmumula sa malawak nilang benta sa pagluluwas ng mga makabagong produktong pangteknolohiya sa bilihang internasyonal.

Ang pangunahing layunin ng anumang sovereign wealth fund ay pagsama samahin ang naimpok na pondo sa loob ng bansa at ilagay sa iba’t ibang mapagkikitaang instrument sa ibang bansa. Dahil sa napakalaking pondong nalilikom, marami silang mapagpipiliang alternatibong may potensyal na makapagbigay ng malalaking balik.

Isa sa mga benepisyong nakikita ng mga nagtataguyod MWF ay kakayahang makalikha ang pamahalaan ng pangmatagalang pagkukunan ng pondo mula sa kita sa kanilang sovereign wealth fund upang tustusan ang sari-saring proyekto ng pamahalaan. Kaya sinasabi nila ito ay isang motor na nagpapasulong sa kaunlaran ng ekonomiya ng bansa.

Dahil tinatayang malaki ang kikitain sa mga alternatibong instrumentong paglalagakan ng pondo, maaaring gumaan ang bigat na pinapasan ng pamahalaan at pwersang nagtutulak dito na itaas ang buwis o manghiram pondo sa loob at labas ng bansa upang tustusan ang mga proyektong pangkaunlaran. Ayon sa Department of Budget and Management ang pagkukunan ng pondo ng MWF ay magmumula sa Landbank of the Philippines (P50 bilyon), Development Bank of the Philippines (P 25 bilyon), kita sa pagsasapribado ng mga ari-arian ng pamahalaan, kita ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) at mula sa 100% ng dibidendo ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magpupuno sa kontribusyon ng pambansang pamahalaan na itinakda sa halagang P50 bilyon.


Ang matagumpay at  kumikitang sovereign wealth fund ay maaari ding mag-anyaya sa mga dayuhan na ilagak ang kanilang pondo sa ating Maharlika Wealth Fund.

Maganda naman pala ang layunin ng MWF, bakit ang daming tumututol sa panukalang ito?  Upang maging makatarungan ang ating sagot sa tanong na ito, suriin natin hindi lamang ang mga benepisyo subalit pati na rin ang mga sakripisyong kaakibat ng  Maharlika Wealth Fund.

Kahit magaganda ang mga benepisyo nabanggit,  ang mga ito ay nakatuon sa hinaharap at inaasahan pa lamang ang mga ito. Matagal na panahon ang hihintayin ng ating mga kababayan bago malasap ang mga potensyal na benepisyong nabanggit. Wala ring kasiguruhan na patuloy na kikita ang pondo. Dahil ang MWF ay paglalagak ng pondo sa mga alternatibong mapagkakakitaan, may pagkakataong hindi kumita ang mga alternatibong ito. Kahit kumita, matatagalan pa bago makalikom ng napakalaking pondo upang tustusan ang maraming pangangailangan ng bansa at ekonomiya. Kailangang palakihin muna ang pondo upang mas malaki ang balik nito sa hinaharap. Samakatuwid, ang anumang balik ngayong taon ay ibabalik muli sa pondo at hindi pwedeng gastusin sa mga proyekto ng pamahalaan. Ibig sabihin, ipagpapaliban o babawasan muna ang mga serbisyo sa mga guguling pampahalaan sa ngalan ng pagpapalaki ng pondo.

Samakatuwid, malaki ang isasakripisyo ng ekonomiya lalo na ang mga ahensya ng pamahalaan sa paglalaan ng pangkasakuyang serbisyo bunga ng pinababang alokasyon sa kanilang budget. Halimbawa, ang kita sa pagsasapribado ng mga ari-arian ng pamahalaan ay ginagamit ngayon upang punan ang kakulangan ng pondo sa mga gugulin ng pamahalaan. Gayun din ang kita mula sa Philippine Amusement and Gaming Corp.. Ginagamit ito upang tulungan ang ating mga maralitang mamamayan sa kanilang pangangangilangan pang kalusugan. Ang dibidendo mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas ay ginagamit din ng pamahalaan sa mga gugulin nito.

- Advertisement -

Samakatuwid habang hinihintay natin ang mga biyaya sa na ipinangako sa hinaharap, kasalukuyang kaharap natin ang mga sakripisyo ng mga mamamayan na pinaglilingkuran ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na nababawasan ng pondo. Kung sakaling hindi ito mababawasan, nangangahulugan na magtataas ng buwis ang pamahalaan o manghihiram upang hindi mabawasan ang serbisyong publiko. Sakripisyo pa rin kaakibat nito sa ngalan ng paglalaan ng pondo sa MWF dahil ang mga mamamayan pa rin ang pagbabayad ng buwis.

Ang 100% dibidendo ng BSP ay planong ilaan sa pondo ng MWF sa halip na gamiting panpuno sa kakulangan ng budget ng pamahalaan at sa pagpapalawak ng kapital ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Kinakailangang mapatatag ang kundisyong pananalapi ng BSP sa pamamagitan ng dagdag na kapital upang matugunan nito ang mga panganib sa mga pagbabago at  krisis sa bilihang internasyonal sa hinaharap. Ang paggamit ng dibidendo ng BSP sa pagpopondo ng MWF ay maaaring magpahina sa katatagan ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa hinaharap.

Ang pondong inaambag Landbank at DBP ay maaaring ding mauwi sa paghina ng mga bangkong ito upang tuganan ang mga panganib na humaharap sa ilang uri ng yaman nito. Bilang paghahanda kailangang sapat ang pangunahing kapital o core capital ng bangko. Ayon sa ulat ng isang rating agency halos 14% pa sa mga mapanganib na yaman ng Landbank ang kayang tustusan ng kanilang pangunahing kapital kung mayroon mang mangyaring krisis pananalapi.  Ngayong malaking bahagi ng kanilang pondo ay ilalagak nila sa MWF maaaring bumaba ang proporsyon ng kanilang  pangunahing kapital kung ihahambing sa mga mapanganib na yaman. Ito ay nagpapahiwatig na nanganganib ang kanilang katatagan sa harap ng isang krisis pananalapi. Upang mapatibay ang katatagan ng isang bangko maaaring palawakin ang kanilang pangunahing kapital nang maibsan ang mga panganib na malugi ito na dulot ng krisis pananalapi.

Ngayon kayo ang humusga kung alin ang mas mabigat, mga potensyal na benepisyo sa hinaharap o aktwal na sakripisyo sa kasalukuyan ng Maharlika Wealth Fund?

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -