30.1 C
Manila
Miyerkules, Disyembre 4, 2024

Accredited POGO service provider tinuligsa ni Gatchalian dahil sa pag-empleyo ng mga dayuhang pugante

- Advertisement -
- Advertisement -

TINULIGSA ni Senador Win Gatchalian ang isang accredited na service provider ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO dahil sa pag-empleyo ng mga dayuhang pugante. Ang tinutukoy ng senador ay ang Xinchuang Network Technology sa Las Piñas na kamakailan ay ipinasara ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor). Pitong dayuhang pugante, na binubuo ng apat na Chinese at tatlong Taiwanese, ang napag-alamang nagtatrabaho sa naturang pasilidad.

Tinuligsa ni Senator Win Gatchalian Xinchuang Network Technology sa Las Piñas dahil sa paggamit ng mga dayuhang pugante, na kamakailan ay isinara ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor). Larawan ni Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN

“Isa na naman itong ebidensya na ang industriya ng POGO ay malalim na nakabaon sa mga gawaing kriminal. Maliwanag na kahit lehitimong POGO ay sangkot din sa krimen,” giit ni Gatchalian.

 

Binigyang-diin ng mambabatas na ito na ang pangalawang pagkakataon sa isang buwan na nadawit ang POGO sa mga gawaing kriminal. Bukod sa raid sa Las Piñas noong Hunyo 26, isinagawa ang isang entrapment operation noong Hunyo 27 sa Pasay City laban sa mga dayuhang sangkot sa kidnap-for-ransom at torture, na ang ilan ay dating empleyado ng POGO.

 

Ito rin ang pangalawang insidente sa loob lamang ng dalawang buwan kung saan ang isang accredited service provider ng POGO ay sangkot sa kriminalidad. Noong Mayo, ang CGC Technologies Inc., isa ring POGO-accredited service provider na nag-ooperate noon sa ni-raid na Sunvalley Clark Hub Corporation sa Pampanga, ay napag-alamang naghire ng mga pugante na sangkot sa human trafficking at iba pang anyo ng online scam.

 

Sinabi ni Gatchalian na ang pag-empleyo ng mga lisensiyadong kumpanya ng POGO at mga accredited service provider nito ay nagpapakita lamang na ang industriya ay walang pakialam sa batas. “Patunay ito na ginagamit lamang ng industry players ang kanilang lisensya bilang “front” upang makapagsagawa ng iba’t ibang krimen sa bansa,” aniya.

 

“Kapag foreign fugitives, ibig sabihin ay may warrant of arrest na sila sa ibang bansa. Dapat nakakulong sila pero nandito sila sa bansa at nagtatrabaho. Ang punto ko, ‘wag tayong tumanggap ng mga negosyo na makakasira sa atin dahil base sa mga datos at police report, ang POGO ay palaging may dalang krimen. At hanggang nandyan angmga  POGO, laganap pa rin ang krimen sa bansa,” ani Gatchalian, na inulit ang panawagang ipatigil na ang operasyon ng mga POGO sa Pilipinas.

 

Sinabi ng senador na umasa siyang susuportahan siya ng administrasyon sa kanyang panawagan.

 

“Nag-usap na kami ng pangulo tungkol dito. Very concerned siya sa mga krimen na nangyayari sa POGO. Sang-ayon din ang mga economic managers na kahit anong bentahe natin o promotion sa Piipinas, kung may mga ganitong krimen ay sira tayo agad at sayang lang ang mga ginagawa natin para sa bansa,” pagtatapos niya. 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -