Sa paghahasik [ng magsasaka] may binhing nalaglag sa tabing daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. May binhing nalaglag sa kabatuhan. Sapagkat manipis ang lupa roon, sumibol agad ang binhi, ngunit natuyo nang mapabilad sa matinding sikat ng araw … May binhing nalaglag sa dawagan; lumago ang mga dawag at sinakal ang mga iyon. Ngunit ang binhing nalaglag sa mabuting lupa nag-uhay: may tigsasandaan, tig-aanimnapu, at tigtatatlumpung butil bawat uhay.
- Hesus sa Ebanghelyo ni San Mateo, 13:3-9
HINDI man niya pakay, sa panayam ni Obispo Pablo Virgilio “Ambo” David sa Ika-126 na Pangkalahatang Pulong o Plenary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), sa Kalibo, Aklan, noong Hulyo 8 hanggang 10, tinumbok niya ang mismong salaysay sa itaas ng Panginoong Hesukristo.
Kapulong natin ang Obispo ng Kalookan para sa Katolikong estasyong Emmanuel TV Network (ETVN) noong Hulyo 7, Biyernes nang gabi, tungkol sa pagpapayabong ng pananampalataya o evangelization.
Iyon din ang tinukoy ni Hesus sa babasahing Misa sa Hulyo 16, Ikalabinlimang Linggo ng Karaniwang Panahon, mula sa Ebanghelyo ni San Mateo (Mateo 13:1-9). Masasabing ang Panginoon at ang Simbahan ang naghahasik sa salaysay, at Salita ng Diyos ang binhi.
Labanan: Ibon, init, inis
Noong unang panahon ng Kristiyanismo, demonyo ang pagkaunawa ng mga ibong tumuka sa binhi. Sa ating panahon naman, makabagong paniniwala at ideolohiyang kontra sa Diyos ang mga ibong kumikitil sa pananalig. Gayon din ang pamumuhay na makasarili, imoral o lulong sa luho.
Tungkol naman sa binhing agad sumibol ngunit nalanta sa araw, ito ang Salitang tinanggap nang buong puso, ngunit hindi nadilig ng patuloy na pangaral at Sakramento ng Simbahan, lalo na sa mga lugar na malayo o liblib. Samantala, may mga Kristiyanong nawalay sa Diyos, sa sakal o inis mga dawag ng mga abalahin at tukso ng mundo.
At panghuli sa salaysay ng Panginoon ang mga kongregasyong masigla ang pananampalataya, nagmamahalan at naglilingkod sa Diyos at kapwa, at walang patid na nagbubunga ng higit pang mga alagad at kasapi ng Simbahan. Sa ikalawang pagbasang Misa mula sa Liham ni San Pablo sa mga taga-Roma (Roma 8:18-23), sila ang “palalayain sa pagkaalipin nito sa kabulukan, at makakahati sa maluwalhating kalagayan ng mga anak ng Diyos.”
Simbahang misyonero
Sa panayam ni Obispo David, namamayaning tema ang Simbahang misyonero. Sa maraming parokya, aniya, “maintenance church” ang umiiral: simbahang nakatuon sa sumisimba at hindi nagsisikap maabot ang tinawag ni Papa Francisco na “periphery” o laylayan ng lipunan.
Sa halip, wika ni Obispo David at ng Santo Papa rin, dapat maging Simbahang misyonero ang Katolisismo. At binaybay ng pangulo ng CBCP ang ilang pagkilos upang magawa itong pagbabago sa ating relihiyon — na siya ring tutugon sa mga hamon at bantang sinasagisag sa salaysay ni Hesus sa Ebanghelyong babasahin sa Misa.
Sa simula ng panayam (mapapanood sa YouTube: https://tinyurl.com/bdcuk5fu), binanggit ni David ang pagpapalaganap ng Men of St. Joseph (MoSJ) para sa kalalakihang deboto nitong santo. Atas ito ng CBCP noong Disyembre 8, 2021, sa kongregasyong Oblatos ni San Jose (OSJ) sa Pilipinas.
Sa paglaganap ng MoSJ, mapalalakas ang Kristiyanismo sa kalalakihan, lalo na sa mga padre de pamilya. At batay sa pagsasaliksik, kung malapit sa simbahan ang ama ng tahanan, gayon din ang marami sa kanilang mga pamilya. Sa gayon, MoSJ ang isang mabisang panlaban sa mga ibon ng kontra-Kristiyanong asal at isip na nagtatangkang mangibabaw sa ating mga mag-anak.
Binigyang-pansin din ni Obispo David ang itinatag niyang 20 estasyong misyonero o mission station sa Diyosesis ng Kalookan. Itinayo sila sa mga gitna ng mga siksikan at maralitang barangay upang magbunsod ng dalangin, pangaral, Misa at iba pang gawaing relihiyoso sa mga komunidad na hindi maabot ng mga parokya dahil sa kakulangan ng pari para sa mga parokyanong umaabot ng 50,000.
Ito ang mga binhing agad sumibol, ngunit natuyot dahil walang ulan ng pangangaral at pangangalaga ng Simbahan. Sa pamamagitan ng mga estasyong misyonero, hindi na tagtuyot sa mga liblib na pamayanan.
At galak na galak ang tao, sabi ni David ilang minute mula sa simula ng video: “Hindi ka maniniwala. … Pakiramdam nila, mahalaga na sila sa Simbahan, matimbang na sila. May pari na kami!”
Tungkol naman sa mga Kristiyanong sikil sa dawag ng mga abalahin ng mundo, wika ni David, dapat maiangat ang maralita upang hindi maubos ang bawat sandali sa kayod at alala sa ikabubuhay, at wala nang lugar para sa Diyos.
Kaya naman, hangad niyang mabigyang ng pangunahing puwesto sa darating na State of the Nation Address o Sona ang pabahay, kaunlaran sa kanayunan, at ayuda sa sakuna at kalamidad.
Sa muli niyang pagkahalal bilang pangulo ng CBCP nang dalawa pang taon, maisusulong ni David itong mga programa at iba pa. At ang panawagan niya sa nananampalatayang Pilipino: “Magtulungan tayo. Sa higit pang pagkakaisa at pakikilahok, magiging Simbahang misyonero tayo.”
At gaya ng sabi ni Hesus, magbubunga ng “tigsasandaan, tig-aanimnapu, at tigtatatlumpung butil.” Amen.