30.6 C
Manila
Biyernes, Disyembre 13, 2024

Mga batang ina, patuloy na tinutulungan ng DSWD

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG kabataan ang pag-asa ng bayan. Ngunit paano kung ang kabataan ay isa nang ina at sa murang edad ay may mga responsibilidad nang dapat gampanan sa kanyang sariling anak. Paano ito haharapin ng batang ina?

Ang mga batang ina, na ayon sa World Health Organization (WHO), ay nahaharap sa mas mataas na panganib ng eclampsia, puerperal endometritis at systemic na impeksyon kaysa sa mga kababaihang may edad na 20–24 taon.

Maging ang mga sanggol ng mga batang ina ay nahaharap sa mas mataas na panganib ng mababang timbang kapag ipinanganak, kulang sa buwan at malubhang kondisyon ng bagong panganak.

Inilunsad noong Martes ang ProtecTEEN sa Antipolo. TMT FILE PHOTO

 Nitong Martes, nanawagan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng suporta ng mga mag-aaral, tagapagturo, mga batang magulang, kliyente, at lokal na opisyal sa Antipolo City para sa Project ProtectEEN.

Ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng kagawaran na bigyang kapangyarihan ang mga teenage mother at kanilang mga pamilya.


Sa isang Coffee Table Discussion and Advocacy Forum ng proyekto na ginanap sa Ynares Event Center, sinabi ni DSWD Field Office IV-A Assistant Regional Director for Operations Mylah Gatchalian, “Marami pa tayong dapat gawin. Ang key dito ay ang pakikipagtulungan ng national at local offices, community, and families… Kaya kami [ang DSWD] nandirito para mag-implement ng ProtecTEEN dahil ito ay para sa inyo… Tayo ay magtulong-tulong sa ngalan ng serbisyo!”

Pangunahing layunin ng adbokasiya na pataasin ang kamalayan ng mga mag-aaral sa sekondaryang antas sa mga implikasyon ng teenage pregnancy at pagtuturo sa kanila na tumulong sa pagpigil sa higit pang pagdami ng mga kaso ng pagbubuntis ng kabataan sa rehiyon.

Gayundin, ito ay isinagawa upang makakuha ng suporta mula sa iba’t ibang lokal na stakeholder at kasosyo sa pagbibigay ng mga programa at serbisyo para sa mga batang magulang sa kanilang mga lokalidad.

Kabilang sa mga dumalo sa advocacy event ang mahigit 80 high school student leaders at educators mula sa San Jose National High School, mga adolescent mothers, mga benepisyaryo ng ProtecTEEN sa lugar, mga kawani mula sa local government unit, mga opisyal ng barangay, at mga tagapagpatupad ng proyekto.

- Advertisement -

Dumalo rin sa aktibidad ang mga kinatawan mula sa Antipolo City Social Welfare and Development Office, Antipolo Local Government Unit, mga pinuno ng komunidad, Department of Education, at Commission on Population and Development.

Binigyang-diin ni Dr. Rowena Sison, ang punong-guro ng host school, ang kahalagahan ng aktibidad lalo na’t nakakaranas sila ng mga kaso ng maagang pagbubuntis sa kanilang mga mag-aaral, gayundin ang mga insidente ng pang-aabuso sa loob ng pamilya.

“Napakaganda ng programang ito [ProtecTEEN] na kailangan suportahan. Ang inyo [government] pong ginagawa ay priceless dahil ine-extend ang programa sa mga paaralan,” ayon kay Dr. Sison.

Bahagi ng aktibidad ang paglagda sa isang pledge of commitment ng mga dumalo at nakilahok at ang paglikha ng mga materyales para sa adbokasiya ng Project ProtectEEN.

Ang forum at talakayan ay isinagawa bilang bahagi ng pagpapatupad ng proyektong ProtecTEEN sa mga pilot area kabilang ang Antipolo City at para tumulong din sa patuloy na pagpapatupad ng child-friendly, gender-responsive, at rights-based approach sa teenage pregnancy sa lokal na antas.

Paano nag-umpisa ang ProtectTEEN

- Advertisement -

Noong Agosto 2022, inilunsad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kasama ang Commission on Population (PopCom) ang Project ProtectTEEN, na naglalayong magbigay ng psychosocial support at iba pang interbensyon para sa mga batang ina at kanilang pamilya sa Malaybalay, Bukidnon.

“Bilang isang pambansang ahensiya na naatasang mangalaga at panlipunang proteksyon sa mga pinakanangangailangan, ang proyektong ito ay mahalaga sa ating mga programa at serbisyo, lalo na sa pangkalahatang overall social protection packages para sa sektor ng kabataan at kababaihan,” ayon sa noo’y DSWD Secretary Erwin Tulfo sa isang pahaya.

Ang Project ProtectTEEN ay isang social welfare model of intervention na naglalayong lumikha ng isang kapaligiran susuporta sa mga teenage mothers at kanilang mga pamilya.

Kasama sa estratehiya ng balangkas na ito ang pagbibigay kapangyarihan sa mga batang ina sa pamamagitan ng pagbibigay ng direktang serbisyong panlipunan at tulong, pagsangguni sa ibang mga ahensya at pag-oorganisa ng mga peer advocates.

Teenage pregnancy sa CAR dumami ng 2.6 percentage points

Noong 2022, mayroong 5.4 porsiyento o 5,531 ng mga kababaihang 15 hanggang 19 taong gulang ang nabuntis sa Pilipinas, ayon sa Philippine Statistics Authority.

Sa Cordillera Administrative Region (CAR), ang teenage pregnancy ay nasa 6.1 percent noong 2022, tumaas ng 2.6 percentage points mula sa 3.5 percent noong 2017.

Samantala, ang Northern Mindanao ang may pinakamataas na teenage pregnancy rate na may 10.0 percent, sinundan ng Davao Region na may 8.2 percent, Central Luzon na may 8.0 percent, at Caraga na may 7.7 percent.

Ang Ilocos Region at Bicol Region ang may pinakamababang rate ng teenage pregnancy na may 2.4 percent

Ayon pa sa PSA, noong 2022, ang pagbaba ng trend sa teenage pregnancy ay naitala sa 15 rehiyon sa bansa. Nagtala ng pinakamataas na pagbaba ang Ilocos Region (2.4 percent) na may 10.8 percentage points mula sa 13.2 percent noong 2017. Sumunod ang SOCCSKSARGEN (3.8 percent) na may 10.7 percentage points na pagbaba mula sa 14.5 percent noong 2017. Ang Davao Region (8.2 percent) ay pumangatlo na may 9.7 percentage points na pagbaba mula sa 17.9 porsyento noong 2017.

Sa pangkalahatan, bumaba ang teenage pregnancy sa bansa sa 5.4 percent noong 2022 mula sa 8.6 percent noong 2017.

Sa pangkat ng edad na 15 hanggang 19 taong gulang, ang mga kababaihang may edad na 19 ay nagtala ng pinakamataas na insidente ng teenage pregnancy noong 2022 na may 13.3 porsyento. Bumaba ito ng 9. 1 percentage points mula sa 22.4 percent noong 2017.

Ang pagbubuntis sa mga kababaihang may edad na 18 ay nasa 5.9 porsiyento, 17 taong gulang na kababaihan sa 5.6 porsiyento, at 16 na taong gulang na kababaihan sa 1.7 porsiyento. Samantala, ang mga kababaihang 15 taong gulang ay may pinakamababang bilang ng pagbubuntis sa 1.4 porsiyento.

Sa pangkalahatan, bumaba ang teenage pregnancy mula 8.0 percent noong 2003 hanggang 5.4 percent noong 2022.

Mas marami ang bilang ng teenage pregnancy sa rural areas

Dagdag pa sa ulat ng PSA na batay sa lugar ng tirahan, ang mga kababaihang nasa edad 15 hanggang 19 taong gulang sa kanayunan ay may mas mataas na bilang ng pagbubuntis noong 2022 na may 6.1 porsiyento kumpara sa mga nasa urban na lugar na may 4.8 porsiyento.

Sa 17 rehiyon ng bansa, ang Hilagang Mindanao ang may pinakamataas na porsyento ng kababaihang nasa edad 15 hanggang 19 taong gulang na nabuntis sa 10.9 porsyento. Sinundan ito ng Davao Region na may 8.2 percent, at Caraga na may 7.7 percent.

Samantala, ang rehiyon na may pinakamababang porsyento ng teenage pregnancy ay ang Ilocos Region at Bicol Region, na parehong may 2.4 percent.

Sa pangkalahatan, ang porsyento ng teenage pregnancy ay mas mataas sa rural na lugar kumpara sa mga urban na lugar.

Sa usapin ng educational attainment, ang teenage pregnancy ay karaniwan (19.1 percent) sa mga babaeng may edad na 15 hanggang 19 na taon na umabot o nakatapos ng primary education (Grade level 1-6) noong 2022. Bumaba ito ng 12.7 percentage points mula sa 31.8 percent noong 2017.

Bumaba ang junior high (Grades 7-10) cases mula 9.1 percent noong 2017 hanggang 5.3 percent noong 2022. Gayunpaman, ang senior (Grades 11-12) high school level ay nagtala ng pagtaas mula 2.6 percent hanggang 4.8 percent. Pareho sa mga senior, ang mga nabuntis na kababaihan sa kolehiyo ay tumaas mula 1.4 noong 2017 hanggang 1.9 noong 2022.

Sa pangkalahatan, bumababa ang insidente ng teenage pregnancy habang tumataas ang antas ng edukasyon.

Para kay Senator Win Gatchalian, mahalagang estratehiya pa rin ang pagpapanatili sa mga kabataang kababaihan sa paaralan upang maiwasan ang paglobo ng kaso ng maagang pagbubuntis. Tinukoy rin niya ang mahalagang papel ng Comprehensive Sexuality Education (CSE) na itinuturo sa mga paaralan sa ilalim ng Department of Education (DepEd).

“Mahalaga ang papel ng mga paaralan upang maturuan ang mga batang kababaihan laban sa mga panganib ng maagang pagbubuntis. Kailangang tiyakin nating may akma at wastong edukasyon ang mga batang kababaihan upang mapangalagaan nila ang kanilang kalusugan at magandang kinabukasan,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -