32.2 C
Manila
Sabado, Oktubre 12, 2024

Bakit lumalaki ang isang ekonomiya

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -
NAIBALITA sa The Manila Times noong Hulyo 14, 2023 na tinataya ng S&P Global Ratings na ang Pilipinas kasama ang iba pang umuusbong na ekonomiya sa Asya Pacifico ay magtatala ng mabibilis na paglaki sa kanilang ekonomiya. Kasama sa binanggit na mga dahilan ay ang batang  populasyon at lumalaking hukbong paggawa, pagpasok ng dayuhang kapital na maaaring bungkalin ang napakaraming oportunidad sa rehiyon na may matataas ang balik. Tinataya na aabot sa 6% bawat taon ang porsiyento ng paglaki ng mga ekonomiya ng India, Vietnam at Pilipinas. Kasama ring binanggit na dahilan ay ang pagkontrol sa bilis sa pagtaas ng presyo o inflation rate at magaan na patakarang pananalapi.
Maraming binanggit na dahilan ngunit mahirap maunawaan ito ng mga ordinaryong mambabasa kung papaano nakapag-aambag ang mga ito sa paglaki ng ekonomiya. Ang paglaki ng hukbong paggawa ay makatutulong dahil ang mga manggagawa ay mahalagang salik sa produksyon.
Kapag tumataas ang dami ng mga manggagawa, may kakayahang itaas ng mga kompanya ang kanilang produksyon. Nakararagdag din sa pagtaas ng produksyon ang pagpasok ng dayuhang kapital na kasangkap ng mga manggagawa sa proseso ng produksyon.
Ang pagkontrol sa pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo ay makatutulong din sa pagtaas ng kabuuang produksyon ng ekonomiya. Kapag hindi gaanong tumataas ang presyo ng mga hilaw materyal at iba pang sangkap sa produksyon, magiging magaan sa mga negosyo na magprodyus ng mga murang produkto at serbisyo.
At dahil mura, maeenggayo ang mga mamimili na bumili na nagpapataas ng demand sa mga produkto na nag-uudyok naman sa mga negosyo na taasan ang kanilang produksyon. Ang magaan na patakarang pananalapi sa pamamagitan ng pagbaba sa interest rate at paglaki ng suplay ng salapi ay magdudulot madaling pangungutang sa mga bangko na makadaragdag na pondo upang tustusan ang pagtaas ng produksyon.
Ang porsiyento ng paglaki ng isang ekonomiya ay sinusukat sa pagbabago ng Kabuuang Produktong Panloob o Gross Domestic Product (GDP) nito sa loob ng isang taon. May dalawang mahalagang ipinagpapalagay sa pagsukat ng paglaki ng isang ekonomiya. Una, ang sinusukat ay ang pagbabago sa produksyon ng mga tunay na produkto at serbisyo (real goods and services) at hindi ang pagbabago sa kasalukuyang monetaryong halaga ng mga produkto at serbisyo. Kung gagamitin ang kasalukuyang pananalaping halaga ng mga produkto at serbisyo mauuwi ito sa labis na tantiya ng porsiyento ng paglaki bunga ng impluwensaya ng mataas na presyo.
Ikalawa, ang sinusukat ng GDP ay hindi ang halaga ng kabuuang produksyon ngunit ang idinagdag na halaga (value added) lamang ng mga sektor ekonomiko ng isang ekonomiya. Sa pananaw ng demand, hindi sinusukat ng GDP ang kabuuang demand ngunit ang demand lamang sa mga huling produkto at serbisyo (final demand). Magkakaroon ng problema ng doblehang pagsusukat ng Kabuuang Produktong Panloob kung kabuuang produksyon o kabuuang demand ang gagamitin.
Mula sa naunang diskusyon ipinahihiwatig na ang GDP ng isang ekonomiya ay kabuuang demand ang gagamitin.
Mula sa naunang diskusyon ipinahihiwatig na ang GDP ng isang ekonomiya ay masusukat sa dalawang pamamaraan. Una,  sa pamamaraan ng kabuuang produksyon o kita. Ang GDP ay ang pinagsamasamang idinagdag na halaga ng mga ekonomikong sektor. Ang idinagdag na halaga ay ang gastos ng iba’t ibang kompanya sa agrikultura, industriya, at serbisyo sa paggamit nila ng iba’t ibang produktibong sangkap sa produksyon tulad ng paggawa, kapital, teknolohiya, lupa at iba pa. Samakatuwid, ang idinagdag na halaga ay ang kita ng mga mangggawa, at balik sa mga nagmamayari ng kapital, lupa at teknolohiya. Masasabi natin na  ang GDP ay ang kabuuang kita ng mga produktibong sangkap, kasama ang paggawa at kapital,  na ginamit sa produksyon sa sektor ng agrikultura, industriya at serbisyo.
Ang ikalawang pamamaraan ay ang pananaw ng kabuuang demand. Ang isang bahagi ng kabuuang produksyon ng mga ekonomikong sektor ay ipinagbibili bilang mga hilaw na materyal sa iba’t ibang sektor at ito ay hindi ito isinasama sa GDP dahil ipoproseso pa ang mga ito. Ang iba ay ipinagbibili nila bilang pagkonsumo, pangangapital, guguling pampahalaan at netong eksports na mga huling produkto at serbisyo dahil hindi na ito ipoproseso. Sa pananaw na ito, ang GDP ay ang halaga sa bilihan ng mga huling produkto at serbisyo.
Pareho lamang ang dalawang pamamaraang ito dahil ang kitang ginagamit na pagkonsumo, pangangapital, guguling ng pamahalaan at netong eksports ay nagmumula sa idinagdag na halaga o kita ng mga ekonomikong sektor. Samantala, ang benta ng mga ekonomikong sektor sa ipinagbili nilang mga huling produkto at serbisyo ay ginagamit nila bilang pambayad sa mga produktibong sangkap na ginagamit sa produksyon. Parehong GDP ang sinusukat sa pinaggagamitan ng kita o value added at ng mga gugulin sa mga huling produkto at serbisyo. Samakatuwid, ang ekonomiya ay lumalaki dahil tumataas ang value added ng mga produktibong sangkap kasama ang paggawa at kapital o tumataas ang iba’t ibang gugulin kasama ang pagkonsumo, pangangapital, gugulin ng pamahalaan at netong eksports.
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -