INIULAT ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) kahapon, Hulyo 27, na isang bagyo ang namataan sa labas ng Philippine Area of Responsibility at posibleng dumating sa Sabado.
Sinabi ng weather specialist na si Ana Clauren-Jorda na ang tropical depression ay nakita pasado alas-tres ng hapon, Huwebes, 1,560 kilometro silangan ng Silangang Visayas.
Kumikilos pakanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometro bawat oras (kph), taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kph malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 70 kph, aniya.
Ang “Falcon” ang magiging ikaanim na bagyo na tatama sa bansa ngayong taon at pangatlo ngayong buwan.
Gayunpaman, ang “Falcon” ay hindi magiging kasing lakas ng Bagyong “Egay” na umabot sa kategoryang super typhoon.
“Mayroon kaming forecast na maaaring umabot sa kategorya ng bagyo ngunit hindi ito magiging kasinglakas ng Super Typhoon Egay at maaaring hindi ito tumagal ng ilang araw,” sabi ni Clauren-Jorda.
Samantala, lumabas na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Egay makaraang mag-iwan ng matinding pinsala sa bansa.
Bagamat lumabas na ito ng PAR, patuloy na magpapaulan ito sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Batanes at Babuyan Islands.
Dahil sa epekto ni Egay sa Habagat, patuloy na uulanin ang ang kanlurang bahagi ng Central at Southern Luzon sa susunod na tatlong araw.
Ayon sa naunang ulat ng Department of Agriculture (DA), umubot na sa P53.1 milyon ang napinsalang pananim sa apat na rehiyon.
Sinabi ni DA Assistant Secretary for Operations Arnel de Mesa na ang mga naapektuhang pananim ay palay, mais, mga hayop at manok.
Ang pinsala ay ulat mula sa mga regional office ng Cordillera Administrative Region, Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan), at Caraga.
Pinakamatinding tinamaan ang Occidental Mindoro, kung saan umabot sa P20 milyon ang pinsala sa 2,000 ektarya ng palayan, ani de Mesa.
Tugon sa kalamidad na ito agad na inayos ng House of Representatives, sa pangunguna nina Speaker Ferdinand Martin Romualdez at Tingog party-list ang pagpapalabas ngayong araw, Hulyo 28, ng P128.5 milyon na relief goods at tulong pinansyal sa mga biktima ng bagyo. May dagdag na ulat ni Lea Manto-Beltran