SA pagpapatupad ng “learning recovery” na nasa education agenda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na inilahad niya sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA), mahalaga ang magiging papel ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program (Senate Bill No. 1604) na inihain ni Senador Win Gatchalian.
Sa kanyang SONA, nanindigan ang Pangulo na maihahatid ang dekalidad na edukasyon sa mga mag-aaral ng bansa, lalo na sa 28.4 milyong mag-aaral na bumalik sa kanilang mga paaralan. Matatandaang matapos ang halos dalawang taon ng remote at blended learning dahil sa pandemya ng Covid-19, ipinatupad na sa mga pampublikong paaralan ang full face-to-face classes noong Nobyembre 2, 2022.
Naging resulta ng kawalan ng face-to-face classes ang learning loss o pag-urong ng kaalaman. Tinataya ng World Bank na buhat noong Hunyo 2022, umabot na sa 90.9% ang learning poverty sa bansa. Nangangahalugan ito na siyam sa 10 batang Pilipino na nasa edad na 10 ang hindi makapagbasa o makaunawa ng maikling kwento.
Tinataya rin ng World Bank ang pagbaba ng Learning-Adjusted Years of Schooling (LAYS) mula 7.5 taon sa 5.7 hanggang 6.1 taon. Ibig sabihin, magiging katumbas na lamang ng 6 taon ang 12 taon ng basic education dahil sa epekto ng pandemya.
Layon ng ARAL Program Act na paigtingin ang pagpapatupad ng learning recovery at tugunan ang pinsalang dulot ng pandemya sa mga mag-aaral. Sa ilalim ng panukalang batas, makakatanggap ang mga mag-aaral ng mga sistematikong tutorial sessions at mga intervention plans na dinisenyo nang husto.
“Nagpapasalamat ako sa Pangulo sa pagkilala niya sa kahalagahan ng learning recovery upang matugunan ang pinsalang dulot ng pandemya sa ating mga mag-aaral. Dahil sa mensahe ng ating Pangulo, umaasa ako na maisasabatas na natin ang panukala nating ARAL Program Act upang matiyak ang patuloy na pagbangon ng sektor ng edukasyon,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education.
Binigyang diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng pagpapatatag sa literacy at numeracy skills ng mga mag-aaral, bagay na nais ding makamit ng ARAL bill.