29.3 C
Manila
Biyernes, Disyembre 13, 2024

Patuloy ang paglikha ng trabaho habang lumalago ang ekonomiya

TINGIN SA EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

LUMIKHA ang ekonomiya ng 2.12 milyong trabaho noong Mayo 2023 kumpara noong Mayo 2022 habang dumami nang 1.42 milyon ang mga bagong pasok sa labor force na naghahanap ng trabaho. Tumaas ang may trabahong Pilipino sa 48.26 milyon, mula sa 48.08 milyon noong nakaraang taon. Sa hindi inaasahang pangyayari, pinakamalaking bahagi ay nilikha sa agrikultura na lumago nang 1.6 milyon na trabaho. Lampas kalahati naman o 1.19 milyon ay nilikha sa services sector. Samantala, nawalan naman ng trabaho sa industry sector na umabot sa 0.62 milyon.

Dahil sa mga trabahong nilikha ng ekonomiya, bumagsak ang unemployment rate sa 4.3% noong Mayo 2023, ang ikalawang pinakamababang antas nito sa loob ng 44 taon. TMT FILE PHOTO

Kasabay ang paglikha ng trabaho ang paglago nga GDP growth ng bansa nang 7.2% sa isang taon mula Abril 2022 hanggang Marso 2023.

Noong unang quarter ng 2023, naitala ng agrikultura ang pinakamataas na GDP growth nito sa nakalipas  na 14 quarters. Ito  ang naghasik ng buto para makalikha ng maraming trabaho kumpara sa nakalipas na taon. Dahil ito sa pagtaas ng produksyon ng mga halamanan at livestock farms ng bayan.  Tumaas ang produksyon ng palay nang 4.5%, mais nang 3.2%, niyog nang 3.3%, livestock nang 5.0% at poultry nang 3.2%. Nabaligtad nito  ang epekto ng  30% na pagbansot ng produksyon ng forestry at ang 17% na pagdausdos ng asukal.

Ang pumangalawa sa paglikha ng trabaho ay ang services sector na kung saan patuloy na lumalago mula nang nagbukas ang sector na ito noong nakaraang taon bunga ng paghina dahil sa pandemya. Lumago ang services sector nang 8.4% noong unang quarter pagkatapos ng 9.8% na paglago nito noong taong 2022. Ang pinakamalaking bahagi nito ay  ang services ng mga hotel at  restawran na lumago nang 26.9%, transportasyon at storage na lumago nang 14.3%; kasunod ng konstruksyon, 10.8%; bangko, 8.8%; at wholesale at retail trade, 7.0%.

Sa kabilang dako, hindi nakayanan ng industry sector na dating bumabandera sa lakas ng recovery ang maglikha ng trabaho. Kahit malakas ang paglago ng manufacture of food products at manufacture of beverages na siyang pinakamalaking bahagi nito, bumulusok paibaba ang produksyon ng mga manufacturers na  nage-export sa ibang bansa. Ang mga ito ay machinery and equipment except electrical; computer, electronic and optical products; tobacco; textiles; furniture; wearing apparel; rubber and plastic products; fabricated metal products; chemical products, atbp.  Dumausdos kasi ang global economy dahil sa pakikipaglaban ng mga bansa sa inflation o pagtaas ng presyo. Maalala natin na pinataas ng mga bangko sentral sa buong mundo ang kanilang interest rate para malabanan ang inflation. Ito ang nagpabagal sa ekonomiya ng maraming bayan.  Malaking dagok ito sa operasyon ng mga korporasyon. Bunga nito, bumagsak ang exports of goods ng bansa nang 12.9% in US Dollar terms mula Enero hanggang Hunyo 2023.


Dahil sa mga trabahong nilikha ng ekonomiya, bumagsak ang unemployment rate sa 4.3% noong Mayo 2023, ang  ikalawang pinakamababang antas nito sa loob ng 44 taon. Bumagsak din ang underemployment rate sa 11.7%, ang pinakamababang antas nito simula noong nag-ipon tayo ng estadistikang ito.  Ang pinakamababang unemployment rate ay 4.2% na naitala noong Nobyembre 2022.

Inaasahan natin na bababa pa lalo ang unemployment rate dahil sa mga sumusunod. Una, patuloy na ang pagnormalisa sa galaw ng mga presyo sa iba’t ibang bansa. Nagsimula nang umepekto ang monetary tightening at pagpapanumbalik sa mga supply chain na ginagawa ng mga bansa. Sa Pilipinas, bumaba na ang inflation rate sa 5.4% noong Hunyo mula 8.7% noong Enero 2023. Inaasahang sa katapusan ng 2023, bababa na ito sa 2-4% na siyang inflation rate target natin bago sumiklab ang digmaan sa Ukraine.

Ikalawa, inaasahan din natin na mage-epekto na ang mga repormang pang-ekonomiya na inaprobahan  ng nakaraang Kongreso gaya ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises  (CREATE) Act na nagbababa income tax rate ng mga korporasyon, Foreign Investments Act (FIA) , ang Retail Trade Liberalization Act (RTLA), at ang Public Service Act (PSA) na nagpaluwag sa pagpasok ng mga dayuhang employer. Mas maraming employer na naghahanap  ng mga manggagawa ang  maaaring  magpataas ng suweldo lalo na ang mga skilled na empleyado.

Ikatlo, inaasahang tataas ang economic growth sa mga susunod na taon dahil sa mas mataas na gastusin sa inprastruktura at mga repormang pang-ekonomiya gaya ng productivity programs sa mga mahihinang sektor, lalo na ang pagkain na siyang nagpapataas ng inflation. Mula 6%-7% ngayong taon, inaasahan ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) na aakyat sa 6.5%-8% ang GDP growth rate sa susunod na limang taon. Dahil dito, inaasahang tataas din ang malilikhang trabaho mula 2.6 milyon hanggang 3.2 milyon bawat taon.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -