KAHIT na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), patuloy na pinalalakas ng bagyong “Khanub” (“Falcon” sa Pilipinas) ang habagat sa pamamagitan ng pagbuhos ng malakas na ulan, lalo na sa Rehiyon ng Ilocos, Zambales at Bataan.
Inaasahang maaapektuhan ng sistema ng panahon ang kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas hanggang sa Linggo, ayon kay forecaster Benison Estareja ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
“The typhoon-enhanced habagat is dumping heavy rains especially over Ilocos Region, Zambales and Bataan over the next two to three days,” Estareja said.
“Ang habagat na pinalakas ng bagyo ay nagdudulot ng malakas na pag-ulan lalo na sa Rehiyon ng Ilocos, Zambales at Bataan sa susunod na dalawa hanggang tatlong araw,” sabi ni Estareja.
Ang habagat ay nagdudulot din ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Metro Manila, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon), Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan) at ang nalalabing bahagi ng Central Luzon, paliwanag ng Pagasa.
Samantala, ang nalalabing bahagi ng bansa ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dulot ng habagat at mga localized thunderstorm.
“Siguro sa katapusan ng linggo o pagkatapos ng katapusan ng linggo, ang karamihan sa mga bahagi ng bansa ay magsisimulang makaranas ng pangkalahatang magandang kondisyon ng panahon,” ani ng Pagasa forecaster.
Sinabi ng state-run weather agency na hindi bababa sa dalawa hanggang tatlong bagyo ang maaaring pumasok sa PAR sa loob ng buwang ito.
4 na kalsada sa Maynila binaha
Samantala, apat na kalsada sa Maynila ang binaha, ayon sa disaster unit ngayong Huwebes, Agosto 3, habang halos walang tigil ang pagbuhos ng ulan hanggang Miyerkules ng gabi at ngayong umaga ng Huwebes.
Ayon sa Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) ang mga binahang lugar ay mga sumusunod:
-United Nations (UN)Station Southbound (sa itaas ng kanal)
-Taft NBI Parking/Exit (sa itaas ng kanal)
-Padre Faura to UN Station (kasing-lalim ng kanal)
-Padre Faura to Intersection (kasing-lalim ng kanal)
Ayon sa Manila Public Information Office (MPIO) ang Maynila ay nag-aalok ng libreng sakay sa mga commuters mula 4 ng umaga.
#Walang Pasok: Suspendido ang klase sa 5 lugar sa Metro Manila
Limang lugar sa Metro Manila ang nagsuspinde ng klase ngayong Huwebes dahil sa masamang panahon.
Ito ay ang Manila, Malabon, Caloocan, Navotas at Pasay.
Sakop ng suspensiyon ang lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan.
Ang anunsyo ng Pasay ay ginawa sa public information office ng lungsod sa pamamagitan ng Facebook.
Sa Facebook ng Manila Public Information Office (MPIO), sinabi na ang mga klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan, face to face at online, ay sinuspinde “gaya ng inirerekomenda ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office at ng Manila Police District.”
Tinukoy din ng lokal na pamahalaan ng Malabon ang high tide at pagbaha sa mga kalsada nito ang dahilan ng pagsususpinde nito na inilagay din sa Facebook sa wikang Filipino.
Sa Navotas, ginawa ni Mayor John Rey Tiangco ang anunsyo sa kanyang Facebook page, na nag-sasabing may 2-metro ang high tide.
“Dahil sa malakas na pag-ulan na dala ng habagat at dalawang metrong taas ng tubig baha, sinuspinde ang mga klase sa lahat ng antas, pampubliko at pribado ngayong Agosto 3, 2023,” sulat ni Tiangco sa Facebook. “Base po ito sa rekomendasyon ng City Disaster Risk Reduction and Management Office, para sa kaligtasan ng ating mga estudyante. Mag-ingat po tayo palagi.”
Kinumpirma rin ni Mayor Dale “Along” Malapitan of Caloocan ang suspensyon sa Facebook post.
“Ang mga klase ay suspindido ngayong Huwebes, Agosto 3, 2023, sa lahat ng anta, pampubliko at pribado, sa lungsod ng Caloocan,” sulat ni Malapitan. “Ang suspensyon ay base sa recomendasyon ng Caloocan City Disaster Risk Reduction and Management Office, dahil sa posibleng pagbaha at patuloy na ulan.”
Para sa mga residente ng Caloocan city na nangangailangan ng tulong, maaari nilang ma-contact ang Alert and Monitoring Operations Center sa pamamagitan ng telephone number (02) 888-25664.