26 C
Manila
Martes, Oktubre 8, 2024

Baha, baha bakit di mawala

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG expressway ay isang highway na partikular na pinlano para sa mabilis na trapiko. Kadalasan ito ay kakaunti ang mga intersection at limitadong pagpasok at paglabas. Meron din itong isang divider sa pagitan ng mga lane para sa trapiko na dumadaloy sa magkasalungat na direksyon.

At ang mga unang expressway sa Pilipinas ay ang North Luzon Expressway (NLEX) at ang South Luzon Expressway (SLEX), na parehong itinayo noong huling bahagi ng 1960s.

Malaking tulong ang dalawang expressway para sa motorista at negosyante para sa mas mabilis na biyahe, kaginhawahan para sa mga driver at pasahero, at mas mababang gastos sa pagpapatakbo ng sasakyan.

Kaya’t marami ang nainis, nabuwisit, nagalit at iba pang damdamin na nagpataas sa emosyon ng mga dumaraan sa NLEX dahil ang karaniwang isang oras na biyahe ay umabot ng limang oras. Ang dahilan, matinding pagbaha sa NLEX partikular sa San Simon, Pampanga hanggang Candaba Viaduct na nakaapekto rin sa mga magtutungo sa Pulilan, Bulacan.

Bagama’t pasable ang kalsada subalit dahil sa pagbaha ay nagiging mabagal ang daloy ng trapiko. At hindi lamang oras ang nasayang, maging ang gasolina at diesel na ilang linggo nang nagtaas na ng presyo.


Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Pampanga, ang nangyaring pagbaha ay ang unang pagkakataon na umapaw ang tubig mula sa San Simon.

Sa panayam ng Radyo 630 kay Angie Blanco, isang opisyal ng PDRRMO, sinabi niya na ang mga coastal barangay sa mga bayan ng Macabebe, Masantol at Lubao sa Pampanga ay nakararanas ng pagbaha sa panahon ng high tide at sa pagkakataong iyon ay pinalala ng tuloy-tuloy na pag-ulan kaya’t umapaw ang tubig baha sa may Tulaoc River Bridge sa San Simon na naging sanhi ng pagbaha sa NLEX.

“Catch basin kami, doon nagpopondo ang tubig at hindi makalabas sa Pampanga river dahil silted ang ating river. Kailangan na ma-dredge ang Pampanga river palabas ng Masantol para makalabas sa Manila Bay,” sabi pa niya.

Hindi lamang ang Pampanga ang nakaranas ng matinding pagbaha sanhi ng mga bagyong Egay at Falcon na pinatindi pa ng hanging habagat. Maging ang lalawigan ng Bulacan ay napinsala rin at katunayan ay isinailalim sa state of calamity sa bisa ng Sangguniang Panlalawigan Resolution No. 579 na inaprubahan noong Hulyo 31, 2023.

- Advertisement -

Ayon sa Seksyon 324(d) at 444, talatang 8 (viii) ng Republic Act No. 7160 o Local Government Code of 1991, ang bawat pamahalaang lokal ay dapat magpatibay at magsagawa ng mga hakbangin upang maproteksyonan ang kanyang mamamayan mula sa mapaminsalang epekto ng natural o gawa-ng-taong kalamidad, at magbigay ng tulong at paglilingkod sa mga naging biktima nito sa panahon ng kalamidad at maging pagkatapos nito.

Sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), umabot sa mahigit 228,000 pamilya mula sa 17 barangay ang naapektuhan ng bagyong Egay sa lalawigan ng Bulacan.

Noong Agosto 3, sa panayam ng ABS-CBN News, sinabi ni Bulacan Governor Daniel Fernando na ang isa sa mga dahilan ng matinding pagbaha sa lalawigan ay ang pagpapakawala ng tubig sa Bustos Dam.

Ayon sa gobernador, naiintindihan niya ang mga manager ng dam nang magdesisyon magpakawala ng tubig matapos umabot sa 17.35 meters ang lebel ng tubig dahil na rin sa sira ang isa sa mga tarangkahan (gate 5) ng dam na halos tatlong taon nang sira.

Ang Bustos Dam ay isang diversion dam na naglilihis ng tubig mula sa mga ilog at batis. Hindi rin ito ginagamit para sa power generation, pagkontrol ng baha, pangisdaan at libangan bunsod na rin ng kawalan ng malaking imbakan ng tubig.

Para saan ang mga dam

- Advertisement -

Ayon sa https://www.britannica.com, ang dam ay isang istraktura na itinayo sa kabila ng batis o ilog upang mapanatili ang tubig. Ang mga dam ay itinayo upang magbigay ng tubig para magamit ng mga tao, para sa patubig ng tuyo at tila-tuyo na mga lupain, o para magamit sa mga prosesong pang-industriya.

Malaking tulong din ito upang madagdagan ang dami ng tubig na magagamit para sa pagbuo ng hydroelectric power, upang mabawasan ang peak discharge ng tubig-baha na likha ng malalaking bagyo, o para palakihin ang lalim ng tubig sa isang ilog upang mapabuti ang nabigasyon at payagan ang mga barge at barko na mabilis na makapaglayag.

Ang mga dam ay maaari ring magbigay ng lawa para sa mga aktibidad sa paglilibang tulad ng paglangoy, pamamangka, at pangingisda.

Ang mga dam ay idinisenyo upang maglaman ng isang tiyak na dami ng tubig at naglalabas ng labis kapag papalapit sa kritikal na antas upang maiwasan ang pagbagsak. Ito ay kadalasang nangyayari kapag malakas ang ulan o panahon ng bagyo.

Kapag may bagyo sa bandang North Luzon, ang baha sa Bulacan at Pampanga ay halos karaniwan nang tanawin pagkakaalis ng bagyo. Baha dahil sa sobrang dami ng ulan na nagiging dahilan para biglaang magpakawala ng tubig sa mga dam.

Sa lalawigan ng Bulacan, tatlong malalaking dam ang matatagpuan. Una rito ay ang Angat Dam, pinakamalaking water reservoir sa lalawigan na matatagpuan sa Angat River sa San Lorenzo, Norzagaray, Bulacan.

Ang Angat Dam ay ang pinakamalaking kongkreto na imbakan ng tubig sa lalawigan na matatagpuan sa Angat River sa San Lorenzo, Norzagaray. Ang pasilidad ay itinayo mula 1964 hanggang 1967 at nagsimula ang operasyon noong 1968. Ito ay itinayo para sa power generation, supply ng irigasyon, at maiinom na tubig sa Metro Manila. Ang Angat Hydro-Electric Power Plant (AHEPP) ay naglalaman ng apat na 50-MW turbine-generator unit at isang pares ng mga auxiliary generator, na bumubuo ng 218-MW.

Ang Ipo Dam ay ang pangalawang pinakamalaking water reservoir dam sa Bulacan at matatagpuan sa Barangay San Mateo, Norzagaray. Ang dam ay matatagpuan mga 7.5 kilometro sa ibaba ng Angat Dam sa loob ng Angat Watershed Forest Reserve. Ito ay bahagi ng sistema ng tubig sa Angat-Ipo-La Mesa.

Ito ay itinayo noong 1935 at binuksan noong 1936. Noong ikalawang digmaang pandaigdig, nakuha ng mga mananakop na Hapones ang Ipo Dam, na nakaapekto at kumokontrol sa suplay ng tubig sa Metro Manila. Noong Mayo 19, 1945, matagumpay na nabawi ng mga tropang Amerikano at Pilipino ang dam, na kilala bilang Battle of Ipo Dam.

Ang pangunahing tungkulin ng Ipo Dam ay maginng diversion o drainage dam, na nagdadala ng tubig mula sa Pampanga river, Angat, at Ipo Rivers sa mga tunnel na humahantong sa La Mesa reservoir at Balara Filtration plants. Itinayo rin ito upang magbigay ng patubig at pagkontrol sa baha sa mga lugar ng Pampanga at Bulacan.

Ayon sa isang artikulo sa http://www.bulakento.ph, ang Bustos Dam, na kilala rin bilang Angat Afterbay Regulator Dam (AARD), ay isang maliit na irrigation dam na matatagpuan sa Tibagan, Bustos. Maliit kumpara sa Angat at Ipo dam ngunit ang Bustos dam ang pinakamahabang rubber dam sa Asya na may taas na 79 metro at ang pangalawa sa pinakamalaking sa buong mundo. Ito ay itinayo noong 1926 para sa patubig ng bukirin sa mga lugar ng Bulacan at Pampanga.

 

Madaling bahain

Sa geography ng Bulacan, ang bayan ng Hagonoy ay nasa mababang lupain malapit sa isang baybaying-dagat — ito ay nasa hilagang baybayin ng Manila Bay — na siyang mga pangunahing salik para lumubog ang komunidad sa tuwing umuulan ng malakas.

Ang tubig na inilalabas mula sa kalapit na Angat at Ipo Dam ay hindi rin kayang hawakan ng Bustos Dam na nagiging sanhi ng pag-apaw ng huli. Ang rumaragasang tubig ay bumababa sa Pampanga River (bilang catch basin nito) at naglalakbay sa iba’t ibang barangay na dinadaanan nito, kasama na ang mga nasa Hagonoy. Kaya’t sa kaunting buhos lang ng ulan, ang buong first-class municipality ay nagiging tila isang dagat.

Ang isa pang kadahilanan ng nararanasang pagbaha ay ang taas ng mga kalsada ng bayan. Ang mga pangunahing kalsada ay itinaas, ngunit ang mga residente na walang kakayanang gastusan ang pagpapataas ng kanilang mga tahanan para pantayan ang mga kalsada ay siyang nagdurusa. Kapag may high tide o umulan ng malakas, ang tubig ay dumadaloy pabalik sa mga tahanan ng mga tao.

Sinisisi rin ng mga residente ang talamak na pagbaha sa hindi wastong pagtatapon ng basura ng ibang mga tao.

 

Epekto ng baha

Kabilang sa mga agarang epekto ng baha ay ang pagkawala ng buhay, pagkasira ng ari-arian, pagkawala ng pananim at alagang hayop, pagkasiga ng mga pasilidad ng imprastraktura, at paglala ng kalusugan dahil sa mga impeksyong dala ng tubig. Mas maraming tao ang namamatay sa biglaang pagbaha kaysa sa mga baha sa ilog dahil sa maikli o kawalan ng babala sa pagpapakawala ng tubig ng mga namamahala ng dam.

Humihinto rin ang mga aktibidad sa ekonomiya bilang resulta ng nasira at naputol na mga ugnayan ng komunikasyon at imprastraktura, kabilang ang mga power plant, highway, at tulay, na nagdudulot ng pagkagambala at pagkasira ng pang-araw-araw na buhay sa loob ng mahabang panahon pagkatapos ng pagbaha. Maging ang mga kalapit na bayan at lungsod ng mga binahang komunidad ay apektado rin dahil sa pagkawala ng mga kabuhayan sa pang-ekonomiya at komersyal na aktibidad.

May pangmatagalang epekto rin ang pinsala sa imprastraktura at mga pagkaantala sa malinis na tubig at enerhiya, transportasyon, komunikasyon, edukasyon, at pangangalagang pangkalusugan. Ang mga komunidad na naninirahan sa lugar ay nagiging mas mahina bilang resulta ng pagkawala ng kabuhayan, pagbaba ng kapangyarihan sa pagbili, at pagbaba ng halaga ng lupa sa mga binahang lugar. Kasama rin dito ang magiging gastos sa pagpapanumbalik, paglipat ng mga tao at pag-aalis ng mga ari-arian mula sa lugar na apektado ng baha.

Ang matinding epekto ng pagbaha sa emosyon ng isang tao ay maaaring magdulot ng trauma sa mga indibidwal at kanilang pamilya sa napakatagal na panahon. Ang pagkawala ng isang mahal sa buhay ay maaaring magkaroon ng pangmatagalang epekto, lalo na sa mga bata.

 

Imbestigasyon

Noong Miyerkules, Agosto 9, sinimulan ng Senado ang pag-iimbestiga sa patuloy na pagbaha sa Metro Manila at mga karatig lalawigan, na naglalayong matukoy ang mga pagbabagong kailangan upang mapabuti ang mga programa sa pagbaha sa bansa.

Sa kanyang panukala – Senate Resolution No. 52 – sinabi ni Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. chairman ng Senate Committee on Public Works and Highways, na ang imbestigasyon ay naglalayong lumikha ng “komprehensibo at cost-efficient” na solusyon sa problema sa pagbaha na “kaagad na magdadala ng ginhawa sa publiko.”

“[D]espite the flood control management master plan of the government and the annual budget allotted for the Department of Public Works and Highways (DPWH) and the Metro Manila Development Authority (MMDA), flooding and its adverse effects continue to challenge many communities nationwide, especially during the rainy season,” ayon sa resolution. (“Sa kabila ng flood control management master plan ng gobyerno at taunang budget na inilaan para sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metro Manila Development Authority (MMDA), patuloy na humahamon sa maraming komunidad ang pagbaha at ang masamang epekto nito sa buong bansa, lalo na sa tag-ulan.”)

Ang DPWH at MMDA ay may pinagsamang taunang alokasyon na higit sa P125 bilyon para sa flood control management program sa 2022 General Annual Appropriations.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -