SA pagdaan ng mga Bagyong Egay at Falcon sa bansa, na nagpalala sa Habagat, nalubog sa baha ang maraming bahagi ng kapuluan dahil sa matinding mga pag-ulan. Sa Ilocos at Cagayan Valley regions, malaking pinsala ang iniwan ng mga pagbaha at pag-ulan kagaya ng pagkawasak ng mga imprastraktura at mga taniman.
Kabilang din sa mga napinsala ng mga pagbaha ay ang mga lalawaigan ng Pampanga at Bulacan sa Gitnang Luzon. Sa Pampanga, iniulat ng mga lokal na opisyal doon na mahigit sa kalahati ng kabuuang bilang ng mga barangay ay lubog sa baha, na naging dahilan para isailalim ng lokal na pamahalaan ng Pampanga ang lalawigan sa ilalim ng state of calamity. Makapagtala ang malaking bilang ng mga naapektuhang residente sa 18 local government units (LGUs) ng Pampanga, ayon sa mga lokal na opisyal doon. Sinabi pa nila na mahigit 2,000 pamilya ang nasa ibat ibang evacuations centers, base sa tala ng Pampanga provincial government noong Lunes, Agosto 7. Mayroong 198,000 apektadong pamilya dahil sa pagbaha sa Pampanga, 50 porsyento ay nasa ikaapat na distrito ng lalawigan. Walong bayan sa Pampanga ang naging evacuation centers, sabi ng mga opisyal. Sa situation briefing noong Lunes, Agosto 7, iniulat nila kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na lubhang naapektuhan ang mga sektor ng agrikultura, fishery at livestock sa Pampanga dahil sa mga pagbaha. Mayroon ding mga iniulat na pinsala sa public infrastructure sa ibang mga bayan sa Pampanga at inaasahang lalaki pa ang kabuuang bilang ng pinsala kapag nakapag-assess na ang mga city at municipal engineers paghupa ng baha. Ang mga apektadong magsasaka at mangingisda ay yaong mga nakatira sa coastal barangays, kung saan ang mga nag-aalaga ng isda ay hindi nakapangisda dahil sa mga pag-ulan at masamang panahon. Tinatayang 10,000 magsasaka ang apektado ng kalamidad sa Pampanga, ayon kay Gob. Dennis Pineda. Sa pinsala naman sa imprastraktura, iniulat na maraming naapektuhang slope protection, dike at flood control facilities dahil sa malakas na agos at dami ng tubig sa dumaloy sa Pampanga River. Dahil din sa pagbaha, marami ang na-stranded sa North Luzon Expressway (NLEX), at kinakailangan pang maglagay ng mga sandbags at magbomba ng tubig sa isang portion ng NLEX para makadaan ang mga sasakyan, lalung lalo na ang mga maliliit na behikulo. Dahilan ng pagbaha Ayon sa mga residente ng Pampanga, ito na ang pinakamalalang pagbaha sa kanilang lalawigan simula noong 1970s dahil sa pagsira ng mga dike noong 2012. Pero ayon kay Rogelio Singson, ang dating kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ang tunay na dahilang ng mga pabaha ay ang pagkapuno ng kabuuang water system sa Bulacan, na siyang nagiging daluyan ng tubig na papalabas sa Manila Bay. “I was explaining earlier this morning, the former president GMA at saka ke Gov. Pineda that the reason for this is that the whole water system, or the whole waterways in Bulacan ay punong-puno na talaga,” saad ni Singson sa situation briefing sa Lungsod ng San Fernando kasama si Pangulong Marcos. “And therefore that water that comes from Pampanga River hindi makalabas because the natural drain of all of the upland, upstream water, ang pupuntahan niyan Manila Bay. So, since the waterways in Bulacan … because of the excessive releases of water from both Bustos at Ipo Dam eh talagang punong puno ‘yung Bulacan River. Hindi ho makalabas ‘yung tubig galing sa Pampanga.” Ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng pagbabara sa Bulacan River, ayon kay Singson, ay dahil sa malaking volume ng tubig na dumadaloy sa pagitan ng Bustos at Ipo dam. Dahil sa malaking volume ng tubig na napupunta sa pagitan ng Bustos at Ipo, na nagmula sa Bayabas River, dapat mag-imbak ng tubig sa lugar, at huwag munang pakawalan habang may bagyo at malakas ang mga pag-ulan, suhestiyon ng dating kalihim. “Para sa ganon medyo may carrying capacity po ‘yung Bulacan at makakalabas ang Pampanga River ng water.” Sa Bulacan naman, ayon sa nga opisyal, isa sa mga tinutukoy na dahilan ng pagbaha ay ang pagtambak sa mga daluyan ng tubig ng mga contractors sa construction projects, kagaya ng bypass road particular sa San Rafael, Bulacan, at maging ng riles ng North–South Commuter Railway (NSCR) sa bahagi ng Malolos, Bulacan. Inirereklamo rin ang pagtatayo ng mga pribadong subdibisyon sa lugar. Water collection pool bilang solusyon? Sa briefing kasama ang Pangulo, muling ipinanukala ni Singson ang pagtatayo ng mga water impounding areas partikular sa Pampanga. “So again as I was proposing the solution, the long-term solution is a water impounding upstream. Now as far as Pampanga, the solution there is water impounding upstream, San Antonio swamp and Candaba swamp para ganon during disturbances like this ‘yung excess water capacity of Pampanga kumbaga itatabi n’yo muna dun sa water impounding both San Antonio and Candaba swamp and release that when there is already carrying capacity on Pampanga River,” ayon kay Singson. Noong si Singson ay kalihim pa ng DPWH, nauna na niyang ipinanukala noong 2013 ang konstruksyon ng mga impounding area as Pampanga bilang solusyon sa mga pagbaha doon. Tinutulan ito ng mga opisyal dahil, ayon sa kanila, walang ipinanukalang hakbang kung ano ang gagawin ng pamahalaan sa mga residenteng maaapektuhan ng pagtatayo ng ganong klaseng mga imprastruktura. Sa pulong kasama ang Pangulo, muling tinutulan ng mga lokal na opisyal doon, lalo na sa ikaapat na distrito ng Pampanga ang pagtatayo ng impounding area dahil anila sa epekto nito sa agrikultura partikular sa mga sakahan sa Candaba. Bilang reaksyon, siniguro naman ni Pangulong Marcos na hindi magpapatupad ng ganoong uri ng proyekto ang kanyang pamahalaan kung may mga maapektuhang mga residente pati na ang kanilang kabuhayan. Maghahanda aniya ng relokasyon ang pamahalaan, pati na ng pagkukunan ng kabuhayan para sa mga mamayan, kung sakaling matuloy ang proyekto. “Do not worry when it comes to the LGUs. Kayo naman ay hindi namin basta…sasagasaan na lang ‘yung project. Hindi namin gagawin ‘yun,” pahayag ng Pangulo para pawiin ang pangamba ng mga residente sa Pampanga,” sabi ng Pangulo. “Unang-una, kayo mag-a-approve nito. Hindi naman ma-approve ito kung ayaw ninyo. Kayo mag-approve nito na kukuha ng 10 percent (land) para paglagyan ng impounding.” Gaano kalaki ang lupaing sasakupin ng impounding area? Ayon kay Singson, magsasagawa ng mga pag-aaral para rito. “May mga study naman ho ‘yan,” sabi ni Singson bilang tugon sa tanong ng Pangulo. “We think, we estimate Candaba (swamp) might take 100, 200 hectares depende kung gaano kalalim ang huhukayin,” sabi ni Singson. Ang Candaba swamp ay may kabuuang 2,000 ektarya. “Mas maliit ‘yung sa San Antonio swamp. Ang problema kasi from San Antonio mapakatarik po ng river bed so dadalhin talaga n’yan lahat ng putik and that scouring that happens along the way ay talagang massive. Putik lahat ‘yan.” Iba pang mga hakbang kontra baha Maliban sa panukalang konstruksyon ng impounding system sa Pampanga bilang pangmatagalang solusyon sa problema sa pagbaha, may inilatag ding short-term at medium-term solutions ang pamahalaan. Kabilang sa short-term solutions ay ang pagsasagawa ng dredging operations sa mga daluyan ng tubig sa Gitnang Luzon, partikular sa Pampanga at Bulacan. Napagkasunduan din na itaas ang lebel ng NLEX o ang bahagi nito sa San Simon, Pampanga, nang sa gayon ay masulosyunan ang pagbaha sa lugar na nagiging sanhi ng mabigat na daloy ng trapiko. “Ang instruction po sa amin I think the arrangement is ang medyo itataas po namin ay iyong existing tulay that cross over the NLEX, but itataas lang po namin iyong tulay and then NLEX will also raise theirs (pavement),” pahayag ni Kalihim Manuel Bonoan ng DPWH sa isang press briefing. “Well, that’s the instruction that we got yesterday so we are now going to look for the funds actually to be able to do iyong pagtaas ng existing na tulay. We are hoping that, sabi nga ni Presidente this is going to be a very urgent matter and he will attend to it.” Hindi naman aniya masyadong mabigat na trabaho dahil ito’y pagtataas lamang ng isang existing bridge, kung saan ito ay itataas ng .7 meters. Kapag naitaas na, ang NLEX naman ang magtataas ng pavement nito. Inaasahan ni Bonoan na sa mga susunod na linggo ay makakahanap ng pondo ang ahensya para sa proyekto.
|