30.1 C
Manila
Huwebes, Oktubre 10, 2024

Gatchalian kinondena ang pagkakapatay sa binatilyo mula Navotas 

- Advertisement -
- Advertisement -

KINONDENA ni Senador Win Gatchalian ang pagkakapatay sa 17-anyos na si Jerhod “Jemboy” Baltazar dahil sa ‘mistaken identity’, bagay na ayon sa senador ay hindi katanggap-tanggap.

Senador Win Gatchalian kinondena ang pagpatay sa 17-taong gulang na si Jerhod “Jemboy” Baltazar, na napatay dahil sa “mistaken identity” na bagay na ayon sa senador ay hindi katanggap-tanggap at dapat parusahan ang opisyal na gumawa nito. Kuha ni Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN

Para sa mambabatas, dapat managot ang mga pulis na sangkot sa pagkamatay ng binatilyo. Kinastigo rin ni Gatchalian ang ulat ni Navotas City Police chief Col. Allan Umipig ng Northern Police District: na hindi gumamit ang mga pulis ng body-worn camera sa gitna ng operasyon na kumitil sa buhay ni Jemboy.

Inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 1057 o ang Police On-Body Cam Act upang imandato sa mga kasapi ng Philippine National Police (PNP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at iba pang mga law enforcement agencies ang pagsuot ng on-body cameras. Sa ilalim ng naturang panukalang batas, bibigyan ng mandato ang law enforcement agencies na magbalangkas ng mga protocols at mahigpit na pamantayan para sa paggamit ng camera, na mananatiling nakabukas at tumatakbo hanggang matapos ang operasyon.

Matatandaang inilabas noong March 2018 ang PNP Memorandum Circular No. 2018-099 na nagtakda ng mga pamantayan at polisiya sa paggamit ng mga body-worn cameras.

“Dalawa ang magiging layunin ng pagsuot ng on-body camera: protektahan ang publiko mula sa pang-aabuso ng mga pulis sa pamamagitan ng pinaigting na law enforcement accountability, at mabigyan ng proteksyon ang mga pulis mula sa mga maling paratang ng pang-aabuso,” ani Gatchalian.

“Hindi katanggap-tanggap na napagkamalan na ngang kriminal ang isang inosenteng bata, hindi pa sumunod sa panuntunan ang mga sangkot na pulis. Nakakalungkot at nakakagalit na may isang buhay ang nawala, may pamilyang naulila, at may pangarap na nagwakas dahil sa pagkakamali sa operasyon ng mismong inaasahan nating nagtatanggol sa atin,” dagdag ni Gatchalian.

Nakasaad din sa panukalang batas na dapat i-record ang kabuuan ng mga operasyon. Dapat ding tuloy-tuloy ang pagrecord sa mga operasyong ito upang maiwasan ang pagmamanipula.

“Patuloy nating isusulong na maging batas ang pagsusuot ng mga pulis ng body-worn cameras sa kanilang mga operasyon. Sa ganitong paraan, mababantayan natin kung patas at makatarungan ang mga operasyon ng mga alagad ng batas,” pagtatapos ni Gatchalian.

 

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -