SINABI ni Senator Win Gatchalian na ang malilikom mula sa plano ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) na isapribado ang malaking bilang ng mga casino nito ay maaaring punan ang anumang mawawalang kita sakaling ipasara na ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Inanunsyo kamakailan ng Pagcor ang planong pagsasapribado ng 45 sa mga casino na hawak nito simulan sa 2025 na inaasahang magbibigay sa gobyerno ng karagdagang P60 bilyon hanggang P80 bilyong kita.
“Ang planong pagsasapribado ng mga casino ng Pagcor ay magpapataas sa kita ng gobyerno nang hindi na kinakailangang magdagdag pa ng ipapataw na buwis, habang nasa gitna ng paghihigpit ng sinturon ng pamahalaan,” sabi ni Gatchalian, na chairman ng Senate Committee on Ways and Means.
Bukod dyan, ang pagsasapribado ng pagpapatakbo ng mga casino ng Pagcor ay may layon rin na ihiwalay ang regulatory function ng ahensiya sa commercial operation nito. Sa mga nakaraang pagdinig, sinabi ni Gatchalian na ito ang nais niyang mangyari. Binigyang-diin niya na ang naturang hakbang ay magbibigay daan upang magampanan nang epektibo ng Pagcor ang tungkulin nito bilang isang regulatory body nang walang conflict of interest.
Duda si Gatchalian na dahil kumikita ang Pagcor sa mga POGO ay maaaring nababawasan ang kanilang motibasyon na magsagawa ng masusing pagbabantay sa operasyon ng mga ito.
“Hangga’t hindi binibitawan ng Pagcor ang kanilang commercial operation, nananatiling kumpetisyon pa rin ito ng ibang mga operator ng casino sa bansa,” aniya.
Kaugnay ng balitang bigong makakolekta ang Pagcor ng P2.3 bilyong halaga ng kita mula sa mga POGO mula noong Disyembre 2021, lumalabas na hindi ito epektibo sa pagsasagawa ng tungkulin.
Pati sariling patakaran ng Pagcor ay hindi nito ipinapatupad, ani Gatchalian. Halimbawa, lomobo ang accounts receivable na natatanggap ng Pagcor mula sa mga POGO dahil sa sarili nitong kabiguan na ipatupad ang Offshore Gaming Regulatory Manual (OGRM) na siyang nangangasiwa ng offshore gaming operation ng mga licensee at service providers ng POGO.