26 C
Manila
Martes, Oktubre 8, 2024

Paligsahan sa Pagsulat ng Sanaysay at Malayang Tula sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

KAPAG sumasapit ang buwan ng Agosto, maraming imbitasyon ang natatanggap ng manunulat (sa Filipino) na gaya ko upang maging tagapagsalita sa iba’t ibang eskuwelahan ng ating bansa. Kahit ang mga eskuwelahang pribado na kilala sa pagiging English-speaking ng mga estudyante ay kabilang din sa mga nag-aanyaya. Buwan kasi ng Wikang Pambansa ang Agosto. Nais din nilang maitampok ang buwan ng wikang Pambansa sa kanilang mga estudyanteng halos mas bihasang magsalita at magsulat sa English.

Ang may akda ng kolum na Puwera Usog Po na si Luis Gatmaitan

Mapapansin na sa paglipas ng mga taon, nagiging mas mahirap na sa mga bata ang pagsasalita sa wikang Filipino.  Malaki ang naging impluwensiya ng palabas na “Peppa Pig” (at iba pang kagayang palabas) sa paraan ng pagsasalita ng mga bata ngayon. Lumalabas na kahit hindi Inglisera ang mga magulang, maraming bata ang nagsasalita sa English dahil sa ganitong panuorin. Idagdag pa ang impluwensiya ng social media (You Tube at iba pa).

Pero minsan, sumasagi sa isip ko kung bakit kailangang ipagdiwang ang wikang Filipino tuwing Agosto. Ingles na nga ba ang oryentasyon natin kung kaya’t ang ating mismong wikang Pambansa ay kailangan pang itampok tuwing Agosto?

Ang mga manunulat sa wikang Filipino na nakibahagi sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa BP International Hotel, Mt Makiling, Los Banos Laguna: Luis Gatmaitan, Allan Derain, Edgar Calabia Samar, Allan Popa, Jun Cruz Reyes, Ayer Arguelles, Eros Atalia 3rd, Rowena Festin, Jean Dumago Descallar, Eugene Evasco, Pamela Constantino, John Iremil Teodoro, Vim Nadera, kasama ang mga senior education specialists ng DepEd sa pangunguna ni Luisa Cantillo. 

Kamakailan ay naanyayahan ako ng Bureau of Curriculum Development ng Kagawaran ng Edukasyon upang maging bahagi ng isang kumpetisyon na ginaganap tuwing Agosto: ang Paligsahan sa Pagsulat ng Sanaysay at Malayang Tula para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Layon ng naturang programa ang maitampok ang kahusayan ng mga guro’t mag-aaral sa pagsulat ng sanaysay at malayang tula. Binuksan ang pambansang paligsahang ito hindi lamang sa mga estudyante kundi pati na rin sa mga guro.

Nakatutuwang pati ang mga guro sa Filipino ay may pagkakataon ding makisali sa isang kumpetisyong itinataguyod mismo ng Departament of Education. Nais makita ng DepEd na ang mga guro mismo sa wikang Filipino ay dinamiko at aktibong nakikibahagi sa mga programang pangwika. Kung mahusay sa gamit ng wikang Filipino ang guro, tiyak na ganun din ang maaasahan natin sa mga estudyante nila.  Sa elementary, bukas ito para sa Grades 4-6. Hinati naman sa dalawa ang dibisyon para sa high school: may nakalaan para sa Grades 7-10 (ang Junior High School) at Grades 11-12 (ang mga Senior High School). Gaya nang nabanggit ko, may inilaang isang dibisyon para sa mga Guro sa Filipino.


Ang pagkalahatang paksa para sa pagsulat ng sanaysay sa taong ito ay “Filipino at mga Wikang Katutubo: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Inklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan.” Ito na rin mismo ang naging tema ng sinulat na sanaysay ng mga guro. Pero sa bawat dibisyong may kalahok na estudyante, may inilaang paksa na aangkop sa kanilang grade level. Halimbawa, sa mga mga-aaral sa Grades 4-6, iniangkla ang pagsusulat sa wikang katutubo ‘sa karanasan ng mag-aaral  na sumasalamin sa pagkakaisa tungo sa maunlad na Pilipinas.’ Sa Grades 11-12 (Senior High School) naman, iniugnay ang paggamit ng wikang katutubo bilang ‘kasangkapan ng Siyensiya at Teknolohiya tungo sa maunlad na bansang Pilipinas.’

Luisa Cantillo, Senior Education Specialist, DepEd BCD

May itinakda ring word count para sa mga lahok. Sa elementary (Grades 4-6), hindi dapat bababa sa 500 na salita ang gagamitin ng kalahok. Sa Grades 7-10, hindi bababa sa 600 na salita. Sa Grades 11-12, hindi bababa sa 800 na salita. At sa mga guro, hindi bababa sa 1,000 na salita.

Kasama kong naging inampalan sa Grades 4-6 division si Dr. Pamela Constantino, isang gurong dalubhasa sa sosyo-lingguwistika at awtor ng maraming teksbuk, at si Dr. Jean Dumago Descallar, isang educator at school owner. Napansin naming tatlo na sa mga sinulat na sanaysay ng mga estudyante, karaniwang puro si Dr Jose Rizal pa rin ang kino-quote ng mga estudyante pagdating sa wika. Walang kamatayang ginagamit nila ang linya raw na binanggit ni Dr. Rizal na ‘ang di magmahal sa sariling wika ay daig pa ang hayop at malansang isda’ (pero ayon kay Dr. Constantino, hindi pa nga raw tayo sigurado kung si Dr. Rizal nga ang nagsabi nito). Lagi’t lagi ring nababanggit ang kanyang linyang ‘ang kabataan ang pag-asa ng bayan.’ Gasgas na ang mga linyang ito pero kakatwang ito pa rin ang karaniwang makikita sa mga nabasang lahok. Hindi kaya ito napapansin ng kanilang mga tagapagsanay (coaches) sa kumpetisyon?

“Ang dami ring motherhood statements,” puna ni Dr. Pamela Constantino patungkol sa mga binasang sanaysay. “Puro general statements, mga big statements. Nakapagpapahina ito ng sanaysay.”

- Advertisement -

Sa pangkalahatan, nakakalungkot na makitang mahina pa rin ang ating mga kabataan sa ‘composition.’ Noong nasa grade school pa ko, naging ugali na ng guro ko sa Grade 3 o Grade 4 na pasulatin kami sa ‘theme book.’ Una ay ‘informal’ theme book muna, tapos ay itsi-check ito ng guro. Kapag may corrections na, muli nila itong ipasusulat (o ipalilipat) sa isang ‘formal’ theme book. Sa tingin ko, nakatulong ito upang ako’y mahilig sa pagsusulat. Sana’y maging praktis pa rin ito sa maraming eskuwelahan upang mapaghusay ang pagsulat ng sanaysay ng mga bata’t kabataan. Siyempre, malaki ang papel na ginagampanan ng mga guro upang mapaghusay ng mga bata’t kabataan ang kanilang kakayahang ‘sumulat’ upang ipahayag ang sarili.

Sa Pagsulat ng Malalayang Tula, iniugnay ng mga kalahok ang mga paksang napili ayon sa kanilang dibisyon. Bilang din ang mga taludtod batay sa dibisyon. Sa Grades 4-6, tungkol ito sa mga katutubong wikang karaniwang ginagamit sa tahanan (may 8-12 taludtod). Sa Grades 7-10, ang tula ay tungkol sa ‘pagkakaisa gamit ang wikang katutubo’ (12-20 taludtod). Sa Grades 11-12, ang tula ay tungkol sa ‘pananaliksik gamit ang wikang Filipino’ (may 12-20 taludtod). Para sa dibisyong pang-guro, ang tula ay tumalakay sa ‘wikang katutubo bilang midyum ng pagtuturo, pananaliksik, at pagkakaisa’ (may 15-20 taludtod).

Mga hurado: Rowena Festin at Jun Cruz Reyes

Maraming mahuhusay na guro at literary writers (sa wikang Filipino) ang naanyayahan ng DepEd upang magsilbing lupon ng inampalan sa iba’t ibang dibisyon ng kumpetisyon. Kabilang dito sina  Jun Cruz Reyes (kilala sa taguring ‘Amang’), Pamela Constantino, Eros Atalia III, Eugene Evasco, Allan Derain, Edgar Calabia Samar, John Iremil Teodoro, Rowena Festin, Allan Popa, Ayer Arguelles, Jean Dumago Descallar, at ang inyong lingkod, Luis Gatmaitan. Binubuo ng tatlong hurado ang bawat dibisyon. Samantala, nagbigay ng keynote address si Victor Emmanuel Carmelo ‘Vim’ Nadera sa naging pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa. Ginanap ang judging ng mga piling lahok sa BP International Hotel sa Mt Makiling, bayan ng Los Banos sa Laguna.

Pagbati sa bumubuo ng Bureau of Curriculum Development sa patnubay ni Director Joyce Andaya sa matagumpay na pagdaraos ng paligsahan. Pasasalamat din sa mga Senior Education Specialists ng DepEd-BCD na buong-pusong tinutukan at itinaguyod ang kumpetisyong ito: Luisa M. Cantillo, Evangeline C.  Calinisan, Eliza De Leon, at Restituto Mendoza.

Sana’y lalo pa nating mapaghusay ang paggamit ng wikang Filipino sa ating pang-araw-araw na buhay. Maligayang Buwan ng Wikang Pambansa!

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -