30.4 C
Manila
Biyernes, Disyembre 6, 2024

Sa kabila ng pagkabigo sa FIBA World Cup, Gilas umaasang makakalaban sa 2024 Paris Olympic Games

- Advertisement -
- Advertisement -

SA huling laban sa Group A ng 2023 FIBA World Cup, bigong makausad sa 2nd round ang Gilas Pilipinas matapos manaig ang Italy, 90-83, noong Miyerkules ng gabi, Agosto 29 sa Smart Araneta Coliseum.

Jordan Clarkson (kaliwa) ng Gilas Pilipinas at si Simone Fontecchio ng Italy. FIBA PHOTO

Bagaman naging mainit ang pagsisimula ng tropa ng Gilas sa unang mga minuto ng laban kung saan lumamang pa sila sa iskor na 18-15, nanatiling matikas ang mga Italyano at umabot pa sa 18 puntos ang kalamangan nito sa second half, 80-62.

Hindi rin nagpatinag ang Italy sa 11,821 Pilipinong nanood sa venue kahit nagsagawa ang Gilas ng 10-0 run at natapyasan ang kanilang lamang sa pitong puntos, 88-81, sa natitirang oras na 1:43 minuto.

Sa pangunguna ni Simone Fontecchio, kakampi ni Jordan Clarkson sa Utah Jazz, nagpaulan ang Italy ng 17 tres sa buong laban kalakip nito ang tatlong tres ni Fontecchio upang makapagtala ng 18 puntos habang si Marco Spissu at Giampaolo Ricci ay parehong nag-ambag ng apat na tres para mailista ang 14 at 13 puntos, ayon sa pagkakabanggit.

Hindi rin nagpahuli si Jordan Clarkson nang makapagtala ito ng 23 puntos, mula sa 8-20 shooting, 7 rebounds, 6 na assists, 1 steal at 4 na turnover sa 37 minutong paglalaro nito sa loob ng court.

Sa kanyang ipinamalas, itinuring si Clarkson bilang unang manlalaro na may pinagsamang 20 puntos at mahigit 5 assists sa unang tatlong laban nito sa FIBA World Cup. Siya rin ang naging ikawalong manlalaro sa World Cup na nakakuha ng mahigit 20 puntos sa bawat laro nito sa paligsahan.

Sa kabilang banda, malinis ang rekord ng Dominican Republic, 3-0, matapos talunin ang lahat ng koponan sa Group A. Nagtapos naman ang Italy sa 2-1 at Angola sa 1-2 na standing. Samantala, ang Gilas ay nanatiling 0-3 sa pagtatapos ng unang round.

Ang kapalaran ng Gilas

Sa tatlong sunod-sunod na pagkatalo ng Gilas Pilipinas karamihan sa mga manonood ay hindi maiiwasang madismaya at mabunton ang galit sa head coach ng Gilas na si Chot Reyes. Gaya na lamang ang pag-boo sa head coach na nangyari sa Araneta Coliseum.

Maging si Jordan Clarkson ay napansin ito at nagsabing para siyang nasa kakaibang sitwasyon dahil alam nilang mas kailangan ng host team ang suporta mula sa ating mga kababayan.

“Like you said, it does, at that point, feel a little weird. Kind of just out of the ordinary, honestly,” pagbabahagi ni Clarkson.

Wala man tsansang umabante pa sa second round, may pagkakataon pa ang Gilas Pilipinas na lumaban para sa isang pwesto sa 2024 Paris Olympic Games na naka-reserba para sa isang Asian team sa World Cup.

“We’re super motivated. From the beginning, we’ve been motivated. Our team is strong, we fight, we aren’t giving up throughout the whole game. Basketball is a game of missed shots and, you know, ups and downs. What happens is we string together runs, and we go out and compete until the end of the horn,” ani Clarkson.

Mula sa Group A, mapupunta ang Gilas sa Group M kung saan ay makakatunggali nila ang dalawang koponan mula sa Group B na hindi rin makakausad sa susunod na round.

Matitiyak lamang ang koponan na susunod na kakalabanin ng Gilas ngayong Miyerkules ng gabi, Agosto 30, sa pagsasara ng maaksyong labanan sa Group B sa pagitan ng Serbia laban sa South Sudan at Puerto Rico kontra sa China na gaganapin sa Smart Araneta Coliseum.

Sa Group B, kasalukuyang nangunguna sa standing ang Serbia na may kartadang 2-0, na sinusundan ng Puerto Rico at South Sudan na parehong 1-1, at nasa ilalim naman ang China na may 0-2 kartada.

Alinman sa dalawang koponan ang hindi papalarin ay haharapin ng Gilas ngayon, Huwebes, Agosto 31.

“We haven’t really felt like we’ve been out of the games. And we’re fighting. We’re strong mentally,” pagpapatuloy pa ni Clarkson. “We’re going to try and put it together and try and get these two. We know what it means, and we know what it means for the country. We’re going to leave it all out on the floor.”

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -