30.8 C
Manila
Sabado, Oktubre 5, 2024

MTRCB patas ba?

- Advertisement -
- Advertisement -

HINDI pa natatapos ang isyu ng pagpataw ng 12 araw na suspensyon sa “It’s Showtime” ng Movie and Television Review Classification Board o MTRCB ay may panibagong kaso na haharapin ang programa matapos maghain ng kasong kriminal ang Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas Inc. (KSMBPI) laban sa celebrity couple na sina Vice Ganda at Ion Perez.

MTRCB Chairman Lala Sotto

Pormal na nagsampa ng reklamo ang KSMBPI laban kina Vice at Ion noong Lunes, Setyembre 11 sa opisina ng Quezon City Prosecutor kasama ang legal counsel ng grupo na si Atty. Leo Olarte kaugnay pa rin ng ‘icing incident’ ng dalawang hosts sa segment na ‘Isip Bata’ ng naturang programa na umere noong Hulyo 25, 2023.

Naniniwala ang grupo na lumabag ang dalawa sa Article 201 ng Revised Penal Code — na siya namang nauugnay sa Section 6 ng Article 201 at sa Republic Act No.10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.

Ang Artikulo 201 ay nagpaparusa sa mga imoral na doktrina, malalaswang publikasyon at eksibisyon at bastos na palabas, samantala sa ilalim ng Republic Act No. 10175 may karampatang parusa din ang naturang mga paglabag sa tulong at paggamit ng teknolohiya.

Ayon kay Olarte, hindi na mabilang ang nagkalat  na clips at video sa TikTok o vlogs na maaaring hindi nababantayan ng ahensya at siya namang madaling ma-access ng kahit sinuman kabilang na ang mga kabataan, mga bata at maging ang menor de edad na maalam sa teknolohiya, “…Just by the click of a finger, all these malevolent presentations are made easily available even on more cellphones already,” ani Olarte.


Layunin di umano ng KSMBPI na mabura ang bidyo na nagpapakita ng “icing” scene mula sa iba’t-ibang social media accounts. “Our ultimate goal is for ABS-CBN to take down the particular video on its social media accounts, such as Youtube and other platforms,” pagbabahagi pa ni Olarte.

Gayunpaman, nilinaw ng ahensya ng Movie and Television Review Classification Board o MTRCB na ang suspensyon sa “It’s Showtime” ay hindi pa pinal at epektibo. Sa katunayan, nang ilabas ng MTRCB ang kanilang opisyal na pahayag sa Facebook account noong ika-4 ng Setyembre patungkol sa pagsususpinde ng programa, kinabukasan, Setyembre 5, ay nagpatuloy pa rin sa regular na pagpapalabas ang “It’s Showtime” at napapanuod sa online at sa telebisyon ng live.

E.A.T nabulaga din

Sa kabilang banda, ipinatawag din ng MTRCB ang production team ng TV5 at noontime show na E.A.T dahil naman sa pagmumura ni Wally Bayola, isa sa mga hosts ng show, sa kanilang segment na “Sugod Bahay’. Matatandaan na nai-post din ng ahensya ang notice to appear sa kanilang Facebook page noong nakaraang buwan, Agosto 11.

- Advertisement -

Nakasaad sa opisyal na pahayag ng MTRCB na nilabag ng naturang eksena ang Section 2 (B), Chapter IV ng mga Patakaran at Regulasyon ng Presidential Decree No. 1986 o PD No. 1986 ng ahensya, kung saan nakapaloob ang lenggwahe – ang paggamit ng malutong o pahapyaw man at mga mura na salita, mga kontekstong sekswal at magkakasunod na paggamit ng mga masasamang salitang tulad nito ay ipinagbabawal.

Kasunod nito, agad na humingi ng paumanhin si Wally sa pagsisimula ng naturang segment kinabukasan, “Ako po ay may nabitiwang salita na hindi ko po dapat sinasabi. Nagkamali po ako doon. At ako po ay humihingi ng inyong paumanhin at pag–unawa ninyong lahat. Pasensya na po, pasensya na po sa lahat.”

Sa ngayon, wala pang kalinawan kung ano ang magiging desisyon ng MTRCB sa kaso ng pagmumura ni Wally Bayola.

“Yes po. May pag-uusap po ang MTRCB at sa production (ng E.A.T) Siyempre, hindi pa ako pwede magbigay ng salaysay and I want to keep it privately muna kasi nga, ongoing pa ‘yung pag-uusap” ani Wally.

Ang klasipikasyong PG o Parental Guidance

Ito umano ang nilabag ng programang “It’s Showtime” ayon kay MTRCB Chairman Lala Sotto, matapos gawin nina Vice at Ion ang “indecent act/s” sa presensya ng mismong show na tampok ang mga bata, pagbabahagi pa ni Lala kay Cristy Fermin.

- Advertisement -

Inilahad din ni Lala na bilang bahagi ng pamahalaan ang kanilang ahensya ay isang quasi-judicial body at mayroon silang sariling proseso sa pagtangkilik ng mga reklamo na ipinaparating sa kanilang tanggapan.

Aniya, kailangan pang dumaan sa mala-butas ng karayom ang mga pumapasok na reklamong ito at kinakailangan pang i-assess at i-verify ng kanilang monitoring inspection unit (MIU) bago hatulan ng chairman at ipadala sa legal affairs division.

“Pagkatapos po sa akin, ito po ay idi-direct ko sa aming legal affairs division. Pagkatapos sa legal affairs division, mare-refer ito sa adjudication committee if it deserves a notice to appear or a dialogue with the producers—not the hosts, not the artists—the producers of the shows or even movies,” paliwanag pa ni Lala.

Patas at walang kinikilingan

Makailang ulit na umanong pinagbigyan ng MTRCB ang programa ng “It’s Showtime” kung kaya’t hindi masasabing naging bias ang ahensya sa pagpataw ng naturang suspensyon.

“With others, puwede naman talagang ma-suspend na… But no, again, in the spirit of fairness, we’re giving them the chance kaya hindi sila suspended today. We will wait for its finality,” pagbabahagi pa ni MTRCB Chairman Lala Sotto sa isang ulat sa 24 oras.

Samantala, itinanggi din ni Lala Sotto-Antonio ang akusasyon na pinipili lang ng ahensya ang It’s Showtime dahil katapat nito ang noontime show sa ibang istasyon ng kanyang ama na si Senator Tito Sotto.

“No, that is not true. Siguro natural lang naman sa mga supporters ang maging ganoon ang pakiramdam kasi siguro naririnig nila na parating na-re-report. Pero hindi po kasalanan ng MTRCB ang mga violations na ginagawa nila,” paliwanag pa ni Lala.

Nakasaad sa opisyal na pahayag ng ahensya na nitong taon lamang ay nagbigay na sila ng karagdagang 2 warning sa programa hinggil sa mga kasong: (1) pagbanggit ng salitang “G spot” nina Jhong Hilario at Vice Ganda noong ika-24 ng Enero; at (2) pagbanggit naman ng salitang “Tinggil” ni Vhong Navarro noong ika-3 ng Hunyo, na parehong paglabag sa Section 2(B) Chapter IV ng IRR ng PD No. 1986 katulad nang kay Wally Bayola.

“Kung alam niyo lang ilang notices na po ang aming ipinadala sa kanila, nakailang warning na rin sila dahil meron po silang mga violations sa lengguwahe, paulit-ulit po yon. May nip slip pa, hindi naman namin sila binigyan ng notice to appear para diyan,” paglilinaw pa ni Lala.

“Because like I’ve said, I’ve been very tolerant, I’ve been very understanding and patient, ngunit binibigyan sila ng warning at stern warning.”

Dagdag pa niya, “Ngayon po, ito (indecent act/s) ay hindi po namin talaga puwedeng palampasin, magalit na kung sino man ang magagalit.”

Kasunod nito, nilinaw din ng MTRCB na ang pagpataw ng 12 araw na suspensyon ay “unanimous” o nagkakaisa. Inilahad din nila sa isang pahayag na si Lala ay nag-inhibit o pinagbawalan sa pagboto sa naturang isyu, “pagtitiyak na ang mga miyembro ng Lupon ay gumamit ng kanilang independiyenteng paghuhusga sa pagtukoy ng naaangkop na hakbang ng aksyon,” ayon pa sa parehong pahayag ng ahensya.

Samantala, umapela ang ABS-CBN na maghahain sila ng motion for reconsideration sa MTRCB na ibinahagi din ng host na si Jhong Hilario sa kanilang programa, “Kami ay maghahain ng motion for reconsideration dahil nanininiwala kami na walang nangyaring paglabag sa anumang batas. Habang nakabinbin ang motion for reconsideration, ang desisyon ng suspensyon ng programa ay hindi pa pinal at epektibo.

Kaya sa ngayon ay patuloy niyo pong mapapanood ang ‘It’s Showtime.’ Patuloy din kaming makikipag-ugnayagan sa MTRCB para makapagpatuloy ang ‘It’s Showtime’ ng libangan at saya sa minamahal naming Madlang Pipol.”

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -