MAS maunlad na industriya para sa mga magsasaka ng pinya ang naghihintay sa General Luna, Quezon sa pagbubukas ng pineapple processing facility na proyekto ng Department of Agriculture sa ilalim ng Philippine Rural Development Project (PRDP).
Nitong Miyerkules, Oktubre 11, ay pinangunahan ni Quezon Gov. Helen Tan ang pagpapasinaya at turn over ng bagong pasilidad sa mga magsasakang miyembro ng Nieva Incorporated.
Ayon sa Quezon Public Information Office, naisakatuparan ang proyekto sa pamamagitan ng pagtutulungan ng pamahalaang panlalawigan at PRDP ng DA Calabarzon.
May sukat na 216 square meters ang bagong pasilidad at nagkakalahaga ng mahigit P13 milyon.
Ang General Luna ang may pinakamalaking taniman ng pinya sa lalawigan ng Quezon na may 400 ektaryang lupain. Ayon sa pamahalaang bayan, plano pa nilang palawakin ang taniman ng pinya sa susunod na taon.
Samantala, itinuturing din itong malaking oportunidad para sa mga magsasaka ng pinya at patuloy na pag-unlad ng nasabing bayan.
Kasabay nito, idinaos rin ang groundbreaking ceremony ng Recto-Malaya Farm to Market Road project na limang dekada ng pinapangarap ng mga residente dito.
Ang kalsadang ito ay nagkakahalaga ng 75 million pesos at may haba na limang kilometro na magdurugtong sa bayan ng Lopez at Catanauan na lubos na mapakikinabangan ng pitong barangay kabilang ang San Vicente, San Nicolas, Sumilang, Nieva, Recto, Magsaysay, Malaya.
Inaasahang magpapagaan sa pang araw-araw na paglalakbay ng mga lokal na residente patungo sa mga eskwelahan, paghahanap-buhay at kalakalan ang nasabing proyekto .
Kasama ring dumalo sina Cong. Reynante Arrogancia, Board Member JJ Aquivido, Mayor Matt Erwin Florido, Sangguniang Bayan ng General Luna, at mga kapitan ng nasabing mga barangay. (RO, PIA Quezon)