MATAPOS lagdaan ni Gob. Humerlito Dolor ang Executive Order No. 66 na nagbabawal sa pagpapalabas ng karneng baboy o by-products nito mula sa mga bayan ng Roxas at Mansalay dahil sa pagkakaroon ng kauna-unahang kaso ng African Swine Fever (ASF), ipinatutupad na sa bayan ng Naujan ang paglalagay ng mga checkpoint papasok sa nasabing bayan ayon na rin sa utos ni Mayor Henry Joel Teves.
![](https://www.pinoyperyodiko.com/wp-content/uploads/2023/10/NAUJAN.jpeg)
Nagpatawag ng pagpupupulong ang punong ehekutibo sa kanyang mga department head upang pag-usapan ang mga hakbang sa pangunguna ng Municipal Agricultural Office (MAO) at ilang mga konsernadong ahensiya na isinagawa sa Municipal Conference Hall.
Napagkasunduan sa nasabing pulong ang pagtatalaga sa MAO, Naujan Municipal Police Station, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) kasama ang lokal na ahensiya at Sangguniang Barangay ng Adrialuna ang paglalagay ng checkpoint na matatagpuan malapit sa boundary ng Victoria upang maiwasan ang pagpasok ng mga sasakyan na maaring kontaminado ng ASF virus.
Nagpaalala rin ang MAO sa kanilang mamamayan na sakaling nakitaan ng sintomas ang kanilang mga alagang baboy ay agad na ipagbigay alam sa kanilang tangggapan upang kanila itong mapuntahan at agad makuhanan ng mga blood samples.
Samantala, nananatiling ASF-Free ang Naujan at mga karatig bayan nito kung kaya maingat sila sa mga sasakyang papasok na manggagaling sa timog bahagi ng lalawigan at obligado nila itong ispreyan ng disinfectant chemical upang hindi na makahawa pa sa ibang mga hayop ang virus. (DN/PIA Mimaropa-OrMin)