25.8 C
Manila
Martes, Disyembre 3, 2024

Caloocan City nakipag-partner sa Napolcom, iba pang LGUs para sa PLEB consultative meeting

- Advertisement -
- Advertisement -

ISINAGAWA ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan katuwang ang National Police Commission (Napolcom) at iba pang local government units mula sa Metro Manila ang People’s Law Enforcement Board (PLEB) Consultative Meeting noong Huwebes, Oktubre 12 sa Bulwagang Katipunan.

Mga dumalo sa isinagawang People’s Law Enforcement Board (PLEB) Consultative Meeting. Larawan mula sa Pamahalaang Lungsod ng Caloocan

Ang nasabing consultative meeting ay naglalayon na muling bisitahin ang Napolcom Memorandum Circular 2016-002, na nagbibigay ng rules of procedure sa mga kasong disciplinary at administrative laban sa mga pulis, bukod pa sa pagtugon sa mga alalahanin na nakapaligid sa mga lokal na PLEB.

Nagpahayag ng pasasalamat si City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan sa Napolcom at sa mga kinatawan ng iba pang lokal na lupon para sa kanilang mahalagang kontribusyon upang panagutin ang mga maling nagpapatupad ng batas.

“Nagpapasalamat po tayo sa lahat ng dumalo ngayon, lalong-lalo na sa Napolcom at sa mga kinatawan ng iba’t-ibang PLEB sa Kamaynilaan. Lahat po ng opinyon at suhestyon ninyo ngayong araw ay tiyak na makakatulong hindi lang sa Lungsod ng Caloocan pati na rin sa buong Metro Manila,” anang alkalde.

Binigyang-diin din ni Malapitan ang kahalagahan ng isang holistic approach sa pagpapatupad ng batas, na kinabibilangan ng pagbibigay kapangyarihan sa mga miyembro ng puwersa ng pulisya na tumugon sa anumang sitwasyon at pagkilala sa kanilang mahusay na pagsisikap sa pagpapanatiling ligtas sa mga komunidad, habang aktibong tinutugis ang mga umaabuso sa nasabing kapangyarihan.

“Alam po natin na marami pa rin ngayon ang mabubuting mga pulis na patuloy na ginagawa ang kanilang mga responsibilidad nang maayos at may respeto sa karapatan ng ating mga mamamayan. Kaya kailangan po nating balansehin ang ating pagkilos upang siguruhin na napaparusahan at napapanagot natin ang mga sumisira sa pangalan ng kapulisan, habang ang mga mahuhusay ay mas kinikilala pa natin upang sila ang pamarisan ng kanilang mga kasamahan. Saludo po ako sa Caloocan PLEB dahil tiwala akong ginagawa nila ang tungkuling ito nang walang palya,” dagdag ni Malapitan.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -