PINALALAKAS ng National Meat Inspection Service-Cordillera Administrative Region (NMIS-CAR) ang local meat inspection system (LMIS) sa rehiyon.
Ayon kay NMIS-CAR Meat Control Officer I Dr. Janet Chaluyen, nakikipag-ugnayan sila sa mga local government units (LGUs) para maayos nila ang sistema ng meat inspection sa kanilang nasasakupan.
“Hindi tumitigil ang ahensiya ng NMIS na maki-coordinate sa ating mga LGUs lalo na sa advocating ng meat safety handling and ‘yung sa mga meat establishments,” si Chaluyen.
Aniya, kapag nakita nila na maayos na ang LMIS ng mga LGUs ay maaari na nila itong ipatupad.
Sa ngayon ay isinasagawa ang pagbalangkas ng LMIS ng Baguio City at Tabuk City na sasalang sa pagtataya ng NMIS-CAR.
Habang wala pa ang sistema ay ipinatutupad nila ang national law ukol sa meat safety, saad ni Chaluyen.
Bukod sa pagtataguyod ng LMIS ay patuloy ang pagbibigay ng NMIS ng technical assistance sa mga LGUs at pag-accredit sa mga slaughter houses.
Sa ngayon ay anim ang double A slaughterhouse sa Cordillera kabilang na ang nasa Baguio City; Tuba, La Trinidad, at Tublay sa Benguet.
Mayroon din sa Luna at Pudtol sa Apayao na siya namang recipient ng Meat Establishment Improvement Program (MEIP) ng kagawaran.
Sa ilalim ng MEIP ay pinopondohan ng NMIS ang pagtatayo o pagpapaganda ng slaughter house ngunit may counterpart na pondo mula sa LGU.
Sinabi ni Chaluyen na natapos na rin ang paglagda nila ng memorandum of agreement sa Lamut, Ifugao para sa improvement ng slaughterhouse sa nasabing bayan.
“Sa mga LGUs po na gustong mag-avail nito, puwede po silang bumisita sa ating opisina para mabigyan po sila ng mas comprehensive na details ng program na ito,” payo ni Chaluyen.
Bukas din ang tanggapan ng NMIS-CAR sa Marcos Highway, Baguio City para sa mga nais magpa-accredit ng slaughterhouse. Ang unang accreditation ay anim na buwan at kung maganda ang monitoring ay maaaring mag-renew na hanggang isang taon. Kapag maganda ang resulta ng serye ng surveillance pagkatapos ng isang taon ay maaari nang mag-avail ng tatlong taon na accreditation. JJM-DEG-PIA CAR