INAASAHANG 287,683 minimum wage earner mula sa mga pribadong establisimyento sa rehiyon ng Ilocos at Western Visayas ang direktang makikinabang mula sa pagtaas ng sahod matapos pagtibayin ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) noong ika-19 ng Oktubre 2023 ang wage order na isinumite ng Regional Tripartite Wages at Productivity Boards (RTWPBs) ng Region 1 at 6.
Humigit-kumulang 677,626 na full-time na wage at salary worker na kumikita ng higit sa minimum na sahod ang maaari ding makinabang bilang resulta ng pagsasaayos ng sahod sa antas ng negosyo na nagmumula sa pagwawasto ng wage distortion.
Naglabas din ang RTWPB 1 at 6 ng wage order para sa mga kasambahay. Inaasahang makikinabang sa pagtaas ng sahod ang 259,820 kasambahay – kung saan itinataya na 23 porsiyento (58,517) sa mga ito ay nasa live-in arrangements, at ang 77 porsiyento (201,303) ay live-out.
Sa ngayon, may walong RTWPB na ang naglabas ng kani-kanilang wage order, kung saan, tatlo ang sinimulan na motu proprio.
RTWPB – 1 Wage Order
Naglabas ang RTWPB I (Ilocos Region) motu proprio ng Wage Order No. RB 1-22 noong ika-10 ng Oktubre 2023, na nagbibigay ng P30-P35 pagtaas sa arawang minimum na sahod sa rehiyon. Kapag naging epektibo, ang minimum na sahod ay magiging P435 para sa non-agricultural establishments na may 10 o higit pang manggagawa at P402 para sa agricultural at non-agricultural establishments na wala pang 10 ang manggagawa.
Sa parehong pagsisikap na maitaas ang sahod ng mga kasambahay, inilabas din ng RTWPB 1 ang Wage Order No. RB 1-DW-04 na nagbibigay ng buwanang pagtaas ng P500 kung saan magiging P5,500 ang buwanang sahod ng kasambahay sa nasabing rehiyon.
Naipalathala ang wage order ng RTWPB 1 noong ika-21 ng Oktubre 2023, at magiging epektibo matapos ang 15 araw o sa 06 Nobyembre 2023.
RTWPB – VI Wage Order
Sa pamamagitan ng petisyon, inisyu ng RTWPB VI (Western Visayas) ang Wage Order No. RBVI-27 noong ika-16 ng Oktubre 2023, kung saan itinaas ng P30 ang minimum na sahod sa lahat ng sektor. Sa sandaling magkabisa ito, ang arawang minimum na sahod sa rehiyon ay magiging P480 para sa mga non-agriculture establishment na may higit sa 10 manggagawa, P450 para sa non-agriculture establishment para sa may 10 manggagawa pababa, at P440 naman para sa mga manggagawa sa agrikultura.
Inilabas din ng Regional Board ang Wage Order No. RB VI-DW-05, na dinagdagan ng P500 ang buwanang sahod ng mga kasambahay kung saan magiging P5,000 ang buwanang sahod ng mga kasambahay sa rehiyon.
Ipapalathala ang wage order ng RTWPB VI sa ika-31 ng Oktubre 2023 at magiging epektibo matapos ang 15 araw o sa ika-16 ng Nobyembre 2023.
Isinasaalang-alang sa pagbibigay ng dagdag-sahod ang iba’t ibang pamantayan sa pagtukoy ng sahod sa ilalim ng Republic Act No. 6727 o ang Wage Rationalization Act, ito man ay resulta ng motu proprio act ng Board o petisyon na inihain ng mga grupo ng manggagawa na humihiling ng pagtaas sa arawang sahod dahil sa pagtaas ng mga presyo ng mga pangunahing bilihin. Ang bawat Board, na binubuo ng mga kinatawan mula sa sektor ng pamahalaan, namumuhunan at manggagawa, ay nagsagawa ng pampublikong pagdinig at deliberasyon sa sahod.
Gaya ng anumang wage order, at tulad ng itinatakda ng NWPC Omnibus Rules on Minimum Wage Determination, maaaring mag-aplay sa RTWPB ng exemption mula sa pagtaas ng sahod ang mga retail/service establishment na may regular na manggagawa na hindi hihigit sa sampu, at mga negosyong naapektuhan ng natural na kalamidad. Hindi saklaw ng batas sa minimum na sahod ang mga Barangay Micro Business Enterprises (BMBEs) alinsunod sa Republic Act No. 9178 [2002].
Magsasagawa ang RTWPB ng information campaign upang tiyakin ang pagsunod at magbigay ng kinakailangang tulong sa mga negosyo sa pagwawasto ng posibleng wage distortion. Para sa aplikasyon ng exemption at karagdagang paglilinaw sa wage order, maaaring makipag-ugnayan sa RTWPB sa mga sumusunod na email address:
Region I – [email protected]
Region VI – [email protected]
Ang lahat ng nakaraang wage order sa nabanggit na dalawang rehiyon ay naging epektibo noong Hulyo 2022. NWPC/GMEA