30.8 C
Manila
Sabado, Oktubre 5, 2024

Paglikha ng pambansang pederasyon ng SK iminumungkahi ni Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

KASABAY ng kanyang panawagan para sa malinis at mapayapang eleksyon sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK), patuloy na isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang kanyang panukalang lumikha ng pambansang pederasyon para sa SK.

Upang mapalakas ang partisipasyon ng mga kabataan sa pamumuno, mulling iminungkahi ni  Senador Win Gatchalian ang paglikha ng pambansang pederasyon para sa Sangguniang Kabataan (SK). Kuha ni Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN

Iminungkahi ito ni Gatchalian sa Senate Bill No. 1058 na layong amyendahan ang Section 21 ng Sangguniang Kabataan (SK) Reform Act of 2015 (Republic Act No. 10742). Wala kasing pambansang organisasyon ng SK ang naitatag sa ilalim ng naturang batas upang paigtingin ang kanilang papel sa pagsasaayos ng bansa.

Sa ilalim ng panukalang batas, itatatag ang Nasyonal na Pederasyon ng Sangguniang Kabataan na bubuuin ng mga mga pangulo ng Panlalawigang Pederasyon ng mga Sangguniang Kabataan.

Sa mga probinsya, ang Panlalawigang Pederasyon ng mg Sangguniang Kabataan ay binubuo ng mga convenor ng mga Pambayan at Panlungsod na Pederasyon ng mga Sangguniang Kabataan. Sa mga munisipalidad, ang Pambansang Pederasyon ng mga Sangguniang Kabataan ay binubuo ng mga SK Chairperson sa mga barangay ng munisipalidad. Samantala sa mga lungsod naman, ang Panlungsod na Pederasyon ng mga Sangguniang Kabataan ay binubuo ng mga SK chairperson ng mga barangay sa siyudad.

“Sa pamamagitan ng SK, nabigyan natin ng pagkakataon ang ating mga kabataan na maging bahagi ng pamamalakad ng ating mga komunidad. Ngunit maaari pa nating mapalawak ang kanilang ambag sa lipunan. Kaya naman isinusulong nating lumikha ng pambansang pederasyon para mapaigting natin ang kakayahan ng SK na maging bahagi ng pamumuno ng ating bansa,” ani Gatchalian.

Nakasaad din sa panukalang batas na magiging ex officio member ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) ang mahahalal na pangulo ng Nasyonal na Pederasyon ng mga Sangguniang Kabataan.

Sa paghain niya ng panukalang batas, kinilala ni Gatchalian kung paano binigyan ng SK ang mga kabataan ng pagkakataong makilahok sa pamumuno ng bansa, kabilang ang paghain ng mga panukalang batas, at pagpapatupad ng mga proyekto at programa. Matatandaang nanilbihan bilang alkalde ng tatlong termino si Gatchalian sa lungsod ng Valenzuela.

Sa paglikha ng isang pambansang organisasyon ng SK, inaasahan ni Gatchalian ang maayos at epektibong ugnayan sa mga opisyal ng SK, lalo na pagdating sa mga usapin ng pamumuno at pagpapatupad ng mga proyekto.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -