Unang bahagi
LAHAT tayo ay nakaranas nang mawalan ng mahal sa buhay dahil sa kamatayan. Magulang, anak, kapatid, asawa, kaibigan. Iba-iba ang sanhi: pagkakasakit, aksidente, karahasan, suicide. Pero ano man ang sanhi, iisa ang common dito: masakit mamatayan. Walang kasing sakit. ‘Yung sakit na di mo kayang ipaliwanag kasi’y nanggagaling sa loob. ‘Yung sakit na may pilit binubuong luha sa mata. May iniiwang guwang sa loob. Kapag naranasan mo ito, hindi mo nanaising maulit pa itong muli. Alam ko ito sapagkat naranasan ko ring mawalan ng tatay noong 1996 dahil sa leukemia (na nagkaroon ng kumplikasyon na pulmonya).
Nang mangyari ang pandemyang Covid-19, lalong tumindi ang naranasan nating pagdadalamhati sa pagyao ng minamahal. Pansamantalang humimpil ang karaniwan nating ginagawa upang magbigay ng huling parangal sa yumao. Sa isang iglap, nilaktawan nito ang nakaugaliang paglalamay sa burol at ang paglilibing makalipas ang ilang araw. Naging birtuwal ang yakap, halik, at pag-alo. Iniwan tayong sugatan ng nagdaang pandemya. Masakit na nga ang mamatayan, lalo pang naging masakit ito dahil hindi na natin personal na madaluhan ang minamahal. Kahit na ang disenteng libing ay ipinagkait sa kanila. Kay bagsik ng ubod na liit na virus! Nagawa nitong pahintuin ang daloy ng buhay.
May isang panahon na ayoko nang magbukas ng aking facebook account kasi’y puro obituary notices na lang ang nakikita ko. Nakapanghihina ng loob. Puro ‘condolences’ o mga salita ng pakikiramay ang ipinaaabot. Wala tayong magawa. Tatlong taon ‘yun na waring natutulog ang Diyos.
Isang libro ang inilathala na buong-tapang na tumalakay sa paksang kamatayan at pagluluksa. Sa kalagitnaan ng pandemya ay inilunsad ng OMF Literature, ang nangungunang evangelical publishing house sa bansa, ang aklat na ‘This Season of Grief.’ Isa itong aklat na naglalaman ng mga kuwento at sanaysay, tula, panalangin, at ilang praktikal na payo upang alalayan tayo sa dinaraanang pighati. Hindi ito madaling sulatin sapagkat kinailangang danasin ng karamihan sa mga awtor ang mawalan ng mahal sa buhay (o mawalan ng iba pang mahahalagang bagay sa buhay). Iba-iba ang kuwento nila. Iba-iba rin ang paraan kung paano nila hinarap ang naturang pagsubok. Pero ang lahat ng salaysay ay nauuwi sa kung paano napagtagumpayan ito sa tulong ng ating pananampalataya sa Panginoon.
Noong nakaraang Manila International Book Fair na idinaos sa SMX, Mall of Asia sa Pasay City, pinarangalan ang aklat na ito bilang isa sa dalawang aklat sa ‘Inspirational category’ na tumanggap ng ‘Gintong Aklat Award’ mula sa Book Development Association of the Philippines (BDAP). Ang ‘This Season of Grief’ ay napili ring ‘Best Inspirational Book’ ng Filipino Readers’ Choice Awards noong 2022. Pinili rin ito ng Manila Critics Circle bilang finalist sa kategoryang ‘Best Anthology’ sa National Book Awards.
Karapatdapat ang pagkilala sa naturang aklat sapagkat kakaunti lamang ang panitikang laan sa pagluluksa sa kontekstong Pinoy. Kung may mga aklat man na tumalakay sa ‘death and dying,’ ito’y mga babasahing galing sa ibang bansa at ang konteksto’y banyaga. Bukod sa pangangailangang tinutugunan ng aklat na ito, mahusay rin ang pagkakasulat ng bawat lahok sa antolohiyang ito.
Sa blurb ng naturang libro, binanggit na di lamang pisikal na kamatayan ang ipinagluluksa natin: “We’ve also suffered the loss of the intangibles – freedom, memories, justice, peace. We’ve also suffered the loss of the ambiguous; we know we have lost them even though we could not name them.” Kung isa-isahin ang mga lahok, mapapansing hindi lamang ang pisikal na kamatayan ang tinatalakay sa aklat na ito. Marami pa kasing ibang bagay ang nawawala sa atin. Nagdadalamhati rin tayo sa pagkawala ng ating hanapbuhay, kita (income), mga pag-aari (assets), kalusugan, at kung ano pang mga pinahahalagahan sa buhay. At sa lahat ng ito, tayo ay muling sumusuong sa ‘season of grief.’
Ibinahagi ng mga staff ng OMF Literature ang napakarami nilang natanggap na tawag mula sa mga mambabasa lalo na noong katindihan ng pandemya, naghahanap ng aklat na tumatalakay sa ‘grief’ o pagluluksa. Kailangan nila ng kaakbay at kaagapay sa mga nangyayari. Ang isang aklat ay puwedeng magsilbing kanlungan, isang refuge. Kapag nakabasa tayo ng testimonya o pagbabahagi ng karanasan ng ibang tao tungkol sa paksang ito, at nakita nating nakaahon sila mula sa pagdadalamhati, tayo man ay lumalakas ang loob na makakaigpaw rin tayo sa malungkot na karanasang ito.
Ayon kay Joanna Nicolas-Na, ang nagsilbing editor ng antolohiyang ito, bandang dulo ng taong 2020 nang maatasan siya ni Yna Reyes, ang Publishing Director noon ng OMF Literature, na bumuo ng isang aklat tungkol sa naturang paksa. Mahigpit ang deadline para sa paglalabas ng libro dahil masidhi ang pangangailangan sa isang librong gaya nito. Nasa kasukdulan noon ng pandemyang Covid-19 kung saan halos lahat ay sumusuong sa pamimighati. Narito ang kanyang pagbabahagi sa kanyang pagpaplano ng outline ng lalamanin ng libro: “I knew that I needed to recognize the different kinds of grief we feel. Grief for lost loved ones – a parent, a spouse, a sibling, a child, a friend, a work colleague – and also the grief for things we have lost: health, income, shelter and security, historical memory, justice, church fellowship, the church’s lament, the balance and the beauty of nature, purpose, a sense of significance, dreams.”
Matapos niyang maayos ang outline, ang sumunod na hamon ay ang paghahanap ng mga manunulat na magko-contribute sa aklat. Sabi pa ni Joan, ipinagdasal niya ang tamang tao na makakasama niya sa paggawa ng aklat na ito. Kaya talagang taos ang pasasalamat niya sa bawat kontribyutor na matapang na isinulat ang mga bagay na nagpapasakit sa kanila.
Si Joanna mismo ay dumaan sa ‘panahon ng pagdadalamhati’ nang lumisang magkasunod ang kanyang mga minamahal na magulang nitong 2023. Hindi pa siya nakakalampas sa pagdadalamhati sa paglisan ng kanyang ina nang ma-diagnose din na nasa Stage 4 cancer ang kanyang ama. Makalipas ang anim na buwan ay tinawag na rin ng Panginoon ang kanyang mahal na ama.
Sa iba’t ibang karanasang nakalahad sa aklat, para kang nakatagpo ng kaibigan na nakaunat ang kamay at handa kang abutin. Heto ang ilang kaibigang makikilala mo sa aklat:
Sa sanaysay na “Each Day is Borrowed Time,” tinalakay ni Dr. Maria Susan Gonzales-Lim kung paano harapin ng kagaya niyang medical practitioner sa UP-PGH ang mga nagaganap, kasama na roon ang posibilidad na mahawa mismo ng Covid ang kanyang asawang doktor din (si Doc Jod Lim) na siyang pinuno ng Infectious Disease unit ng UP-PGH.
Ayon kay Maria Teresa Banzagales-Abiva, her “Jesus is bigger than the virus” lalo na nang siya mismo ay sumuong sa Covid-19 at kalaunan ay ipagluksa ang pagyao ng nakatatandang kapatid.
Mula naman sa panulat ng children’s book author na si Michellan Sarile-Alagao, natagpuan niya ang kanyang sarili na hinaharap ang isang ‘ambiguous grief’ sa akdang ‘Wounds that Bleed in Secret’ matapos kaharapin ang sunod-sunod na pangyayari sa kanyang buhay: kamatayan ng kanyang biological father, isang delikadong pagbubuntis, at medical emergencies na talagang sinaid ang kanyang pisikal na lakas. Hindi niya matukoy kung saan itutuon ang pagdadalamhati.
Sa ‘Forty Wonderful Years But Still Not Long Enough,’ ikinuwento ni Pastor Albit Rodriguez ang pagsasama nilang mag-asawa at kung paanong inagaw ng sakit na kanser ang buhay ng kanyang asawang si Gina Salud na nanatiling tapat sa Panginoon sa gitna ng lahat. Para sa kanya, ang pagkawala ng isang minamahal na kabiyak ang pinakamasakit na karanasan sa buhay.
(Susunod: ang mga kuwento ng marami pang Pinoy mula sa antolohiyang ‘This Season of Grief’ na sumuong sa pagdadalamhati at kung paano nila napagtagumpayan ang mga ito)