“Mas mahaba na ang itatagal ng buhay kaysa sa dating palagay natin. Sa pangkalahatan, ang mga taong medya-edad (mga 40) makaaasang mabuhay nang 120 taon; ang maedad (60 pataas) hanggang 100; at ang kabataan, lampas 120 taon.”
Iyon ang sabi nina Dmitry Kaminskiy and Margaretta Colangelo, mga may-akda ng librong Longevity Industry 1.0, tungkol sa agham at industriya ng pagpapatagal ng buhay. At mukhang parami na nga nang parami ang umaabot ng 100 taong gulang.
Ayon sa United Nations, mga 600,000 ang mga sentenaryong 100 o higit ang edad sa mundo, at tinatayang aabot ng 3.7 milyon ang nasa gayong edad sa 2050 — anim na beses ng dami ngayon sa loob ng mahigit isang salinlahi.
May pagsasaliksik noong Mayo na nagsabing kayang umabot ng 120 hanggang 150 anyos ang tao. Subalit sa gayong edad, pahina na nang pahina ang kakayahan ng katawang magpagaling ng mga bahagi at sangkap na may kapansanan.
Kaya hindi inaasahang lalampas ng 150 taon ang buhay ng tao — maliban kung may mga gamot at prosesong maimbento na magpapagaling ng mga karamdamang hindi na malunasan ng katawang lampas 100 taon.
Gusto mo bang lumampas 100?
Pero ang tanong: Gusto mo bang lumampas ng 100? Ayon sa survey o malawakang pagtatanong ng Pew Research, 56 porsiyento ng mga Amerikano ang hindi ibig mabigyan ng mga medisina upang humaba ang buhay at mahatak pabalik ng pagtanda.
Subalit sa palagay ng pito sa bawat sampung tumugon sa survey, ibig ng ibang tao ang gayong mga pagamot. Para sa gayong ding karaming Amerikano, (69 porsiyento), tama lang ang buhay na 80 hanggang 100 taon. Tig-4 na porsiyento lamang ang ibig makaabot ng 120 o makalampas nito.
Siyempre, inaasahan ng mga ibig mabuhay nang ilan pang dekada na may sapat na sustento sila sa araw-araw, sampo ng pagamot sa pagtanda. Ang problema, maraming bansa ang baka kapusin ng pondo, pagamutan at manggagamot para sa bumubugsong dami ng retirado. Para sa kapos sa sustento at pagamot, mahirap ang pagtanda nang marami pang taon.
Ngunit kung may naipon naman para sa kinabukasan at mahusay ang sistema ng sustento sa retirado at pampublikong pagamutan, hindi masamang umabot ng 100 at higit pa. At isang kagalingan ng pagtanda sa Asya, may malakas na tradisyon tayo ng pangangalaga sa maedad na magulang. Sana magpatuloy ito sa kabila ng paglaganap ng kulturang Amerikano na hindi gayon ang ugali.
Tulog na …
Tungkol naman sa pagpapahaba ng buhay, may pahayag kamakailan si Dr. Neil Paulvin, espesyalista ng longevity at regenerative medicine, ang pagpapalago at pagpapanumbalik ng mga bahagi at kakayahan ng katawang humina sa pagtanda.
Para kay Dr. Paulvin, sapat na tulog ang pangunahing paraan upang mapahaba ang buhay at mapabagal ang pagtanda. Ang problema, maraming tao ang madalas kulangin sa tulog na pito hanggang walong oras sa gabi.
Sa Amerika, tinatayang 40 porsiyento ang napapaidlip sa araw minsan o higit pa buwan-buwan — tanda ng kakulangan ng tulog. At halos isa sa bawat limang tao sa Estados Unidos (US) ang may problemang mediko sa pagtulog.
Pangaral ni Dr. Paulvin na maaaring magdala ang kakulangan ng tulog ng mga sakit gaya ng alta presyon, panlulumo o depression, katabaan, pagbabara ng ugat sa utak o stroke, diabetes at sakit sa puso. Sanhi din ito ng kulubot at pagtanda ng balat, pagpurol ng isip, at paghina ng kakayahang labanan ang sakit o immunity.
Ilang payo sa pagtulog: Magtakda at sumunod sa oras ng pagtulog. Magpaaraw sa paggising upang matuto ang katawan ng oras ng bangon at idlip. Bawasan ang alak, kape at pagtingin sa cellphone, kompiyuter at TV ilang oras bago matulog.
Bumalangkas ng magandang patakaran bago matulog, gaya ng pagbabasa ng aklat at panliligo nang maligamgam na tubig. At siyempre, pagsikapang gawing tahimik at maayos ang silid-tulugan.
… at taurine din
Tungkol naman sa mga supplement o sangkap na makatutulong pahabain ang buhay at iwasan ang sakit sa pagtanda, binigyang-pansin ni Dr. Paulvin ang taurine, gawa ng ating katawan at nakukuha rin sa karne, manok, isda at kakaning dagat, gatas, keso at itlog. At maaari ring uminom ng supplement o sangkap pangkalusugan.
Ilang taon nang umiinom ng kapsulang taurine si Dr. Paulvin: 2,000 miligram araw-araw, ngunit sa simula, payo niya, 500 o 1,000 mg muna. At magkonsulta sa doktor natin bago gumamit ng suplemento, lalo na kung may iniinom tayong pampababa ng presyon na isa ring epekto ng taurine (baka mapasobra).
Binaybay ni Dr. Paulvin ang mga biyaya ng taurine: Makabubuti ito sa kalusugan ng puso at, gaya ng nabanggit, pagbaba ng presyon. Mapasisigla nito ang mitochondria na lumilikha ng enerhiya o lakas sa mga cell ng katawan, at mapalalaki ang masel (kaya mainam din ang taurine bago mag-ehersisyo).
At nakapagbubunsod ito ng produksiyon ng mga stem cell, mahalagang sangkap sa pagbabago ng mga bahagi ng katawang humina o nasira sa pagtanda.
Umabot man ng 120 o hindi, kalusugan ang mahalaga.