26.1 C
Manila
Biyernes, Enero 17, 2025

Parangal sa ambassador ng Pilipinas sa China

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

PASINTABI kay dating  Presidential Spokesperson Harry Roque, pero  minarapat kong akuin sa kolum na ito ang kabuuan ng mga pahayag na ginawa niya sa kanyang bahagi ng Pulso ng Bayan sa SMNI kaugnay ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa kanilang pag-aagawan ng teritoryo sa South China Sea. Ilan sa matitingkad na isyu nitong kagyat na nagdaang mga araw ay ang diumano’y pagwasak ng China sa mga bahura sa karagatan ng Pilipinas, ang paglalagay ng China ng nakalutang na harang sa Bajo de Masinloc na kilala rin bilang Scarborough Shoal sa dako ng Zambales, at ang pagbangga ng China Coast Guard (CCG) sa bapor ng Philippine Coast Guard (PCG) na magdadala ng suplay na pagkain sa BRP Sierra Madre na nakasadsad sa Ayungin Shoal sa bandang Palawan naman. Maaasahan na sa panig ng mga pinuno ng bansa tulad ni Defense Secretary Gilbert Teodoro, Armed Forces of the Philippines Chief of Staff  Romeo Brawner at Philippine Coast Guard Spokesperson Jay Tarriela, ang mga nasabing gawi ng China ay talaga namang marapat lang na kondenahin. Kung titingnan nga naman sa punto de vista ng pambansang interes, ang mga gawing iyun ay di lamang pagyurak sa soberanya ng Pilipinas, mariing banta sa seguridad ng bansa, at pagsalaula sa kanyang likas na yaman at maayos na kapaligiran. Bagama’t lumilitaw na may katwiran ang mga pagkontra sa China dahil sa mga nabanggit na gawain, di rin mapasisinungalingan na ang mga iyun ay ginawa ng China dahil din mismo sa pagsulong nito sa sarili niyang soberanya, pakikinabang sa sarling likas na yaman, at pangangalaga sa sariling seguridad. Kung magkapantay na interes pambansa ang pagbabanggain, pasasaan pa ba ang away kundi sa giyera? Di na kailangan ang malalim na pag-aaral upang makita na hindi giyera ang dapat na tinatahak ng Pilipinas. Hindi lang dahil sa maling daan ito upang tahakin ng bansa kundi dahil sa ang pakikipaggiyera sa China ay totoong isang pagpapakamatay para sa lahing Pilipino. Anong panama ng pinakamagaling na sa arsenal ng Arned Forces of the Philippines (AFP) sa Dongfeng 21 ng China na kinatatakutang banggain maging ng Amerika?

Totoong masalimuot ang agawan sa teritoryo ng Pilipinas at China sa South China Sea, at nakalulungkot isipin ng mga katulad ko na nakauunawa sa kalagayan ng China sa sigalot subalit mulat na bilang Pilipino ay dapat na itindig lamang ang Pilipinas.

Itindig ang mali?

Naalaala ko si Heneral Artemio Ricarte. Isa sa mga matapat na Ayudante ni Heneral Emilio Aguinaldo. Marubdob na makabayan. Abot langit ang pagkontra sa Amerika dahil sa wastong pagtanaw na inagaw nito ang tagumpay ng mga Pilipino laban sa Kastila. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, alam ni Heneral Ricarte na ang sinalakay ng Hapon sa Pilipinas ay hindi ang mga Pilipino kundi ang mga base militar ng Amerika sa Pilipinas. Masdan kung papaanong pagkaraang wasakin ng Hapones ang Pearl Harbor noong Disyembre 7, 1941, isinunod kinabukasan, Disyembre 8, ang pambobomba naman sa Camp John Hay sa Baguio, Clark Air Base sa Pampanga, Subic Naval Base sa Zambales, at Sangley Point sa Cavite. Totoo sa kanyang kontra-Amerikang paninindigan, nang patakas na ang Hapon mula sa Pilipinas sa pagwawakas ng digmaan, sumama sa Hapones si Heneral Ricarte.

Sa tumitinding tensyong Chino-Pilipino sa South China, ang mga lumilitaw na nakakakita sa katamaan ng tindig Chino ay natuturingang mga makapili, na tawag sa mga Pilipinong maka-Hapon noong WWII. Para sa mga pro-China na Pilipino, malaking kapalaran ang mga sumusumod na opinyon na ipinahayag ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque sa kanyang bahagi sa Boses ng Bayan sa SMNI — na  ganap kong inaako bilang akin na rin:


Hinggil sa away- kapitbahay

Sa totoo lang po, ha. Ang buong mundo ngayon ay nakikinabang na sa China, lalung-lalo na sa kanyang Belt and Road Initiative. Pero tayo, dahil inaaway natin ang China, ayan po, ang mga funding ng infrastructure project ay naantala. Eh, bakit naman kasi magbibigay ng pondo ang China sa isang bansa na tinatrato siyang kalaban? Kailan pa po tayo nagkaroon ng kalaban sa ating kasaysayan? Hindi po iyun kabahagi ng anyo ng Pilipino — nagkakaroon  ng kaaway, lalung-lalo na kung siya ay higanteng kapitbahay. Uulitin ko po, ha. Sa Pilipino, importante ang samahan sa kapitbahay. Makipag-away ka na sa kamag-anak, wag lang sa kapitbahay.

Hinggil sa away-teritoryo

Hindi ko sinasabing ipamigay ang teritoryo. Walang teritoryo na dapat ibigay. Walang sovereign right na dapat isurender. Pero gamitin po yung mga nakakaintindi sa pag-iisip ng mga Chino para magkaroon po ng mapayapang solusyon dito sa hidwaan na ito. Iyun po ang aking pakiusap. Hindi po teritoryo ang exclusive economic zone (EEZ). Iyan po ay subject only to sovereign rights. Alam mo, meron talagang pagkakamali doon sa 1987 Constitution, kasi ang sabi, the territory of the Philippines shall comprise including lahat ng zones ng UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Sea). Kaya nga yung desisyon ng Korte Suprema sa joint exploration (kasama ng mga banyaga) na yung mga batas natin ay dapat umiral sa exclusive economic zone ay mali dahil hindi po talaga sakop ng soberanya ang exclusive economic zone. Iyan ay sovereign rights lamang kahit balibaliktarin nyo po. Yan talaga ang status ng batas. Ayaw at gusto natin. So, sabihin natin, 100 ships invade Ayungin, is that an armed attack? Eh, ang sabi po (ng probisyon ng MDT) “into the territory of another (the other) state”. Eh, hindi nga teritoryo ang exclusive economic zone. Eh, kahit magkaroon ng 100 ships dyan. Na nilusob. Na armado lahat. Hindi po teritoryo ang exclusive economic zone (na pwedeng pagpatuparan ng MDT maging sa ilalim ng UNCLOS) Yan po ay subject only to sovereign rights. So even that ay hindi dahilan para magputukan at wala pong self-fefense. Ngayon, ang kwestyon, ito ang sinasabi ng presidente, may kakayahan ba tayong mag-self defense? Wala. Siyempre, yung mga Amboys natin, “Nandiyan si Uncle Sam.” Nasaan ba si Uncle Sam ngayon? Busy sa Ukraine. Busy sa Middle East. Pinadala niya yung kanyang dalawang aircraft carrier sa Middle East. At kapag lumawak ang gulo sa Israel, pati sundalo niya ipadadala niya doon sa Israel. Humingi ng special budget si President Biden para protektahan ang demokrasya. O, ano? Para saan siya nanghingi ng budget? Para sa Ukraine. Para sa Israel. Walang budget para sa South China Sea at sa West Philippine Sea. Paano ngayon sasaklolo si Uncle Sam? O, ano? Ang gusto nyo lalangoy tayo sa Ayungin? Lalangoy tayong lahat at magpapakamatay para sa shoal? Hindi po. Talagang dapat daanin iyan sa diplomasya. Ngayon, sino ang makikipagdiplomasya. Ay, harinawa, huwag naman si Teddy Boy Locsin. Dahil magmumura na naman iyan. Mumurahin niya, tatawagin niyang Intsik ang Chino. Eh, kung sinabi niyang patayin ang mga kabataan para wag maging Hamas fighter, sasabihin po niya yan. Sino ang pupunta para magdiplomasya? Yung spokesperson ng coast guard na walang ginawa kundi ang painitin ang ulo ng mga Pilipino? Sino ang magdidplomasya diyan? Si Enrique Manalo. Well, kaibigan ko po yan. Pero career diplomat po yan at  hindi masyadong gamay ang Chino. Kaya po tayo nagpadala ng sugo na ang tawag ay ambassador. Sino ang ambassador ng Pilipinas sa China? Jaime Flor Cruz. Sino si Jaime Flor Cruz? Apat na dekadang mamamahayag. Saan nagtatrabaho bilang mamamahayag si Jaime Flor Cruz? Sa China. Bago siya naging ambassador ng Pilipinas sa China siya ang Bureau Chief ng, guess what, CNN. Bilang Bureau Chief ng CNN, napapasok niya lahat ng opisyales ng China.

- Advertisement -

Kongklusyon

Tinukoy ni Roque ang napakamabungang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapayaman ng relasyong Chino-Pilipino na sa tuwing may problema, ang unang-unang naiisip niyang sangguniin ay si Ambassador Chito Sta. Romana. na kabilang sa mga kabataang lumikas sa China upang umiwas sa martial law noong 1972. Kung sa paningin ni Roque, ang malaking bahagi ng ugnayan sa China ay trabaho ng Philippine ambassador na nakauunawa sa pag-iisip Chino, ang ibinuti ng ugnayang ito mula zero noong buong termino ni Presidente Benigno Aquino 3rd tungo sa 100 porsiyento sa humaliling termino ni Presidente Duterte ay pamanang maituturing ng ngayong taon ay namayapa nang si dating Ambassador Chito Sta. Romana.

Isa lamang sa maraming kaloob na regalo ng China sa Pilipinas ay ang dalawang karagdagang tulay sa Pasig River na ginawa sa ganap na paggastos ng China gratis et amore — libre  at may pagmamahal.

Yaman din lamang na ang mga tulay sa Ilog Pasig ay ipinangalan sa mga taong naturingang bayani (dalawa rito sina Congressman William Jones ng Estados Unidos, may-akda ng Jones Law na nagpanimula ng pagkalas ng Pilipinas sa pundilyo ng Amerika; sa kanya ipinangalan ang Jones Bridge na nag-uugnay sa Plaza Lawton at Esvolta sa Maynila; at Heneral Douglas MacArthur, na siyang totoong ganap na bumomba sa Maynila noong 1945, kumitil sa 200,000 sibilyan at dumurog sa Maynila upang maging pangalawang pinakanasalantang siyudad kasunod ng Warsaw, Poland noong WWII; sa kanya naman ipinangalan ang MacArthur Bridge sa Plaza Lawton at Plaza Goiti, Sta. Cruz, Maynila), hindi kaya makatarungan lamang na isa sa dalawang tulay na regalo ng China ay ipangalan sa ambassador na 100 porsiyentong nagpatibay sa relasyong Chino-Pilipino sa kanyang panahon?

Anong masasabi mo, Atty. Roque?

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -