Balik-tanaw sa nangyaring Zamboaga Siege noong Setyembre 2013
(Huli sa 3-Bahagi)
UNANG beses akong nakapasok ng isang C-130 military plane. Kakaiba ito sa ordinaryong eroplano. Sa pinakapuwit palang bahagi ng eroplano ang daanan papasok sa loob. Wala itong mga silyang upuan ng mga pasahero na karaniwang nakikita sa mga eroplano. Sa halip ay maluwang na espasyo lang ang makikita sa kabuuan nito. Kung may upuan man, ito ay ang mga foldable seats na nakadikit sa magkabilang dingding ng eroplano. Napagdesisyunan ng mga kasamahan kong sina PJ at Kay na sumalampak na lamang sa isang bahagi ng eroplano. Ako na ang pinaupo nila sa naturang foldable hanging seat bilang pagbibigay sa mas nakatatanda sa aming tatlo.
Iginala ko ang aking paningin. Kay raming taong nagdarasal, ‘yung iba’y nagrorosaryo pa. Hindi nga pala ito ordinaryong flight pabalik ng Maynila. Nakakita pa ako ng isang pet poodle na nasa hawla at nasa kandungan mismo ng isang pasahero. Ako nama’y pasimpleng naglabas ng kamera at nagkukuha ng mga retrato sa loob ng military plane. Ipakikita ko na lamang ang retrato nito kapag may nagtanong sa akin kung ano ang hitsura ng isang military plane. Hindi naman kasi karaniwang nakasasakay ang mga tao sa eroplanong ganito. Kung hindi pa nagka-giyera, hindi ko masisilip ang loob nito. Nakatabi ko ang isang high-ranking military official sa flight na ‘yun, isang colonel. Naisip kong tanungin siya bago mag-take off kung ‘bullet-proof’ ba ang C-130 military plane. Ang tanong ko’y sinagot niya ng isa pang tanong, “nabalitaan mo ba ang isang C-130 plane na pinasabog sa Cebu?” Ibinaba ko ang aking kamera, medyo kinabahan.
Habang pa-take off ang C-130, tahimik akong nananalangin. Huwag sanang mangyaring ang flight naming ito ay pasabugin ng bomba habang pataas sa himpapawid. Malaking tagumpay ito para sa mga rebeldeng Muslim kapag nagkataon. Nakahinga lang ako nang maluwag nang maramdamang mataas na ang aming nalilipad at di na kakayaning maabot pa ng anumang bomba. “Safe na po ba tayo, Colonel?” Sunod-sunod na tango ang kanyang isinagot. Salamat po, Lord.
Habang nasa himpapawid, nagbalik sa isip ko ang mga naganap nang mga nagdaang araw. At kung paanong halos mawalan na kami ng pag-asang makababalik agad sa Maynila. Akala ko’y aabutin kami ng kung ilang linggo na stranded sa Zamboanga. Ang kuwento ko ay kuwento ng isang sibilyan na di-sinasadyang nalagay sa panganib na hatid ng giyera. Kung tutuusin, wala naman talaga akong kinalaman sa naganap na giyera. Naisip ko kung paanong mas mahirap ang kalagayan ng iba pang sibilyang naninirahan sa Zamboanga na direktang apektado ng giyera at kailangang lumikas sa evacuation center. Pansamantalang huminto ang daloy ng buhay para sa kanila: natigil ang mga trabaho, ang mga bata’y walang pasok sa eskuwelahan, limitado at isinu-supply ang pagkain, mainit ang tinitirhan nilang tent, at paano kung may maligaw na bala sa kanilang displacement camp?
Mahigpit na yakap ang sumalubong sa aming tatlo mula sa mga staff ng Girl Scouts of the Philippines (GSP) nang bumabang ligtas ang naturang military plane sa Nichols Air Base. Ikinuwento ni Ginnie Wage Oribiana (+), dating National Executive Director ng GSP, na habang naghihintay sila sa amin ng kanyang staff na si Jade Villanueva (Reyes) sa Nichols Air base, naobserbahan niyang napakatahimik ng mga sundalong naghahanda sa pagsakay sa panibagong C-130 plane patungong Zamboanga bilang bahagi ng reinforcement. “Di ba’t madalas ay maingay sa loob ng airport? Pero noong mga sandaling paalis na ang mga sundalo, ramdam mo ang tensiyon, ang kaba, ang lungkot. May humihikbi pang kapamilya, nobya, o asawa,” kuwento ni Ginnie. “Parang gusto mo ring maiyak…”
Niyaya nila kaming maghapunan. Siyempre, naikuwento namin sa kanila kung paanong inalagaan at inalalayan kami ng GSP coordinator ng Western Mindanao na si ‘Tita’ Tita Alvarez. Habang kumakain, naisip ko ang mga taong stranded pa rin sa lungsod, pati ang mismong mga kababayan nating sibilyan – lalong higit ang mga bata, kabataan, at mga kababaihan – na naiipit sa naturang conflict.
Hindi ko akalaing maaabutan ko pa ang nakatakdang Manila International Book Fair noon. Biruin mo, nandoon ako sa mismong araw ng iskedyul ng aking booklaunch at booksigning! Walang nangyaring adjustment. Hindi ko ito mapaniwalaan. Kami yata ang ilan sa nagkaroon ng pagkakataong makaalis ng lungsod makalipas ang tatlong araw na pagkaka-stranded sa Zamboanga. Lunes nang maganap ang takeover sa siyudad ng mga rebeldeng Muslim. Huwebes ay naisingit kami sa biyaheng pa-Maynila ng C-130 military plane. Biyernes ay nakatakda ang aking event sa book fair. May kamay bang nasa likod ng mga pangyayaring ito upang maging posible na makaalis ako sa Zamboanga City at makadako ako sa aking booklaunching? Napagtanto kong bahagi itong lahat ng plano ng Diyos! Tama ang natanggap kong text message mula sa aking Nanay: ‘Anak, with God, nothing is impossible. Trust Him. He will make a way. Praying for your safety diyan.’
Nang mga sumunod na araw, patuloy akong naka-monitor sa mga labanang nagaganap sa Zamboanga. Napanood ko sa TV ang maraming gusaling nagkabutas-butas ang dingding sa bala. Ipinapakita rin ang footage ng maraming taong nananatiling stranded sa nasabing lungsod. May footage din ng Zamboanga International Airport. At gaya nang inaasahan, hindi pa rin nagre-resume ang mga flights. Nais ko ring malaman sa mga balita kung napamagitanan na ba ng dating Senador Mar Roxas (na noo’y Kalihim ng Department of Interior and Local Government) ang nangyaring conflict? O kung ano na ang progreso ng nangyayaring negotiation upang payapain ang giyera?
Marami ang namatay sa naturang Zamboanga Siege na nangyari noong Setyembre 2013, tinatantiyang aabot sa sandaan (100). Sinasabi ring higit sa 80,000 katao ang nagbakwit sa mga displacement camps. Higit ding sandaan ang hinostage ng mga rebeldeng MNLF. Nangyari ito ilang linggo matapos na magdeklara si Nur Misuari, ang lider ng MNLF, ng independence para sa Katimugang bahagi ng Mindanao. Lumagda ang grupo niya ng ‘final peace agreement’ sa gobyerno noong 1996. Pero ayon sa mga miyembro ng MNLF, ang nasabing usapan ay hindi naman buong naipatupad. Bilang protesta, isinagawa nila ang naturang Zamboanga siege sa utos na rin ni Nur Misuari. Sinasabi ring si Misuari ay tutol sa nangyaring peace negotiation noon sa pagitan ng gobyerno at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), isang grupong separatist na nag-split mula sa MNLF.
Noong 2024, naanyayahan ng Mindanao State University sa Tawi-Tawi ang Arts Education department ng Cultural Center of the Philippines (CCP) na magtungo roon at magsagawa ng ‘Sining Galing’, isang ‘creative expression workshop.’ Kasama ako sa team ng mga CCP artists na tumungo roon. Pero bago makarating sa Tawi-Tawi, kakailanganin munang dumaan sa Zamboanga City, at mula rito’y muling sasakay ng eroplano patungo sa airport ng Bongao sa Tawi-Tawi.
Muling tumuntong ang paa ko sa siyudad ng Zamboanga. Sa buong airport ay nakapaskil ang ‘Bienvenido a Zamboanga.’ Nasilip ko mula sa airport ang Garden Orchid Hotel at muling bumalik sa gunita ang pinagdaanan ng lungsod na ito. Habang nag-uusap sa wikang Chavacano ang ilang katabi namin, naalala ko ang mga pahayag at panawagan ni dating Mayor Beng Climaco sa TV – sa wikang Chavacano – nang umagang nag-takeover ang mga rebeldeng Muslim sa Zamboanga City, ang lungsod na tinaguriang ‘Asia’s Latin City.’
Wala na ang bakas ng giyera. Isang mas maunlad na siyudad ang sumalubong sa akin. “Zamboanga hermosa, preciosa, perlita/ Orgullo de Mindanao.”

